Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

Promosyon ni Palparan, binatikos

BINATIKOS ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang promosyon bilang major general ni Brig. Gen. Jovito Palparan, ang tinaguriang "berdugo ng Mindoro."

Sa isang pahayag, sinabi ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng PKP, na inilalarawan ng promosyon ni Palparan ang teroristang gera ng rehimeng Arroyo: "Binibiktima nito ang mamamayan at ginagantimpalaan ang mga pasistang asong ulol." Si Palparan ay kabilang sa 16 na upisyal-militar na nagtaglay ng mas mataas na ranggo simula nitong Oktubre 20.

Bukod sa madugong rekord ni Palparan sa Mindoro, may mga kaso rin siya ng pananalbeyds at iba pang paglabag sa karapatang-tao sa Cordillera.

Ani Ka Roger, titiyakin ng rebolusyonaryong kilusan na makakamtan ng libu-libong biktima ng kalupitan ni Palparan ang malaon na nilang inaasam na katarungan.

Mga kasinungalingang militar sa Southern Mindanao, pinabulaanan ng BHB

PINABULAANAN ng Merardo Arce Command (MAC) ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Southern Mindanao ang ipinangangalandakan ng 404th Infantry Brigade na malilipol na ang BHB sa Compostela Valley sa loob ng anim na buwan dahil nauubusan na raw ito ng mga pinuno at bagsak na ang moral nito. Ayon sa militar, nilisan na raw ng isang kilalang kumander ng BHB ang rebolusyonaryong kilusan dahil sa pagkulimbat nito ng pera ng Partido at kasalukuyan na itong nagpapayaman sa pamamagitan ng iligal na pagmimina ng ginto.

Sa kanyang pahayag nitong Oktubre 11, sinabi ni Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng MAC, na aktibo pa ring ginagampanan ni Ka Lando at ng kanyang pinamumunuang yunit ng Pulang Bagani Command ang kanilang mga rebolusyonaryong gawain.

Pinabulaanan din ni Sanchez ang sinabi ng militar na may siyam na gerilyang namatay sa depensibang naganap sa Pantukan, Compostela Valley noong Setyembre 22. Aniya, dalawang mandirigma lamang ang nasawi sa naturang engkwentro. Dinakip din at tinortyur ng militar si Ka Jun-Jun Acog, isang Pulang mandirigma, at pinilit itong maging giya sa operasyong iyon.

Kordon ng militar at pulis, nalusutan ng BHB sa Tarlac

MATAGUMPAY na nalusutan ng mga Pulang mandirigma ng Nelson Mesina Command (NMC) ng Bagong Hukbong Bayan ang kordon ng 250 tropa ng militar at pulis sa isang walong ektaryang tubuhan pagkatapos ng labanan sa Sityo Umangan, Barangay Balite, Pura, Tarlac nitong Oktubre 18-19.

Ayon kay Serafin Magdiwang, tagapasalita ng NMC, sa tulong ng mamamayan ay nakabalik sa kanilang baseng gerilya ang lahat na Pulang mandirigma nang walang natatamong kahit isang kaswalti. Taliwas ito sa ipinagmamayabang ni Lt. Col. Ricardo Visaya, kumander ng 69th IB, na pitong gerilya umano ang kanilang napatay habang pinapalibutan ang mga gerilya ng 69th IB, 703rd Brigade, 312nd at 313rd Police Mobile Group ng Tarlac PNP.

Rali ng mga magsasaka at manggagawa sa Cavite, binuwag

ISANG rali ng may 1,000 magsasaka, manggagawa at mga myembro ng iba pang militanteng organisasyon ang marahas na binuwag ng mga pulis at bumbero nitong Oktubre 18 sa Trece Martires City, Cavite. Ang rali, na ginanap sa tapat ng kapitolyo ng Cavite ay inilunsad upang batikusin si Gov. Ireneo Maliksi dahil sa pagpapahintulot niya sa laganap na pagpapalit-gamit ng lupa at mapanupil na pamamalakad sa mga industriyal na engklabo sa prubinsya.

Ayon sa Kamagsasaka-Ka, isang samahan ng mga magbubukid sa Cavite, namamatay ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil pinahihintulutan ni Maliksi ang malalaking negosyante na gawing mga subdibisyon at mga engklabong pang-industriya at pangkomersyo ang mga lupaing agrikultural. Ayon naman sa Cavite Solidarity Workers, bigo si Maliksi na proteksyunan ang interes ng mga manggagawa sa mga industriyal na engklabo.

Pinalalayas din ng mga demonstrador ang mga pwersa ng Philippine Marines at Philippine Air Force sa bayan ng Maragondon, na anila'y naghahasik ng terorismo doon.

Samantala, libu-libong magsasaka sa pamumuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang nagrali sa Metro Manila, Masbate, Legazpi City at iba pang bahagi ng Pilipinas nitong Oktubre 21 para batikusin ang mga patakaran ng rehimeng Arroyo na nagbubunga ng laganap na kagutuman sa bansa.

Lider ng Anakpawis sa Leyte, pinaslang

TINAMBANGAN at napatay si Samuel Bandilla, 45, regional coordinator ng partidong Anakpawis sa Leyte, noong gabi ng Oktubre 15 sa Tacloban City. Si Bandilla ay pang-anim na sa mga coordinator ng Anakpawis na pinatay mula Nobyembre 2003.

Malubhang nasugatan at nasa ospital ang isa pang kasama ni Bandilla na si Engr. Bernardo Devaras, 42. Si Devaras ang nagmamaneho ng motorsiklo na inangkasan ni Bandilla nang pagbabarilin sila ng dalawang di-kilalang tao. Pauwi na sila mula sa isang piket ng mga empleyado sa compound ng Leyte Metropolitan Water District (LMWD) sa Barangay Mabini.

Ilang araw nang nagpipiket ang mga empleyado laban sa pagsisisante ng maneydsment ng LMWD sa 25 na empleyado nito noong unang linggo ng Oktubre. Ang sugatang si Devaras ay isa sa mga sinibak na empleyado.

Ang pagkilos ng mga empleyado ay sinuportahan ng Kilusang Mayo Uno-NAFLU, kung saan coordinator din si Bandilla para sa Metro Tacloban. Mariing binatikos nina Bandilla at Devaras ang maneydsment ng LMWD sa naturang piket, partikular ang maanomalyang pamamalakad ng manidyer nitong si Ranulfo Feliciano, na kilala rin sa pagmamantini ng maraming goons.

Bago ito, tuluy-tuloy din ang mga pagkilos laban kay Feliciano, sa serye ng pagtaas ng singil sa tubig at sa masamang serbisyo ng LMWD.

Pagtataas ng presyo ng palay, iginiit

DINUMOG ng mga myembro ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) ang panrehiyong upisina ng Department of Agriculture (DA) sa San Fernando, Pampanga nitong Oktubre 15 para igiit ang pagtataas sa presyo ng palay mula `8 tungong `15 bawat kilo.

Ayon sa AMGL, isang dekada nang nakapako sa `6 hanggang `7.50 bawat kilo ang presyo ng palay samantalang patuloy ang pagtaas ng presyo ng abono. Sa kabilang banda, hinahayaan ng gubyerno ang mga myembro ng mga kartel na magbenta ng bigas sa presyong aabot sa `24 bawat kilo.

Sa halip na suportahan nito ang lokal na agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidyo sa mga nagtatanim ng palay, itinutulak ng gubyerno ang importasyon ng bigas at paggamit ng hybrid na mga punla na bagamat nagbubunga ng mataas na ani ay di hamak na mas magastos dahil obligadong bumili ng semilya bawat taniman ang mga magsasaka, anang AMGL.

Sa kaugnay na balita, nagpiket ang mahigit 50 magsasaka sa upisina ng National Irrigation Administration (NIA) sa Sto. Tomas, Pampanga nitong Oktubre 13 para igiit ang pagbibigay sa kanila ng bayad-pinsala para sa lupain nilang nalubog sa tubig mula nang simulan ang operasyon ng Cong Dadong Dam sa Arayat noong 2002. Ang dam, na kinuha ang pangalan mula sa ama ni Gloria Arroyo na si Diosdado (Cong Dadong) Macapagal, ay naglubog sa 93 ektaryang lupain na dating tinatamnan ng kamatis at mais ng 81 kasam�. Ayon sa mga kasam�, binayaran lamang sila ng `5 bawat metro kwadrado (o `50,000 bawat ektarya) samantalang pinangakuan sila ng NIA ng `15 bawat metro kwadrado o `75,000 bawat ektarya.

Pagsupil sa masmidya sa Eastern Visayas, kinundena

MARIING kinundena ng National Democratic Front sa Eastern Visayas (NDF-EV) ang panunupil ng militar sa mga kagawad ng midya na dumalo sa press conference ng NDF-EV noong Abril.

Sa isang pahayag nitong Oktubre 7, binatikos ni Fr. Santiago Salas, tagapagsalita ng NDF-EV, ang 8th ID dahil pinaratangan nitong "nakikihalubilo sa kaaway" ang naturang mga tagamidya. Pinagbawalan din ni Maj. Neneveigh Alcovindas, civil relations chief ng 8th ID, na makipag-ugnayan ang mga tagamidya sa mga "kaaway ng estado."

Nanawagan si Fr. Salas sa masmidya sa rehiyon na manindigan para sa kalayaan ng pamamahayag at tutulan ang panunupil-militar.

39 milyong Amerikano, naghihikahos

AABOT sa 39 na milyong Amerikano, kabilang ang 20 milyong bata, ang naghihikahos. Ito ay ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng Annie E. Casey, Ford at Rockefeller foundations na inilabas nitong Oktubre 12.

Anito, ang mga naghihikahos ay kumikita ng mas mababa sa nararapat na $8.84 bawat oras para disenteng makapamuhay ang isang pamilyang may apat katao. Sa ngayon, ang minimum na sahod sa US ay $5.15 bawat oras.

Tiyak na mas malala na ngayon ang kalagayan dahil ang datos na ginamit para sa pag-aaral ay batay pa sa resulta ng sensus sa US noong 2002.

 


Previous articleBack to top 

21 Oktubre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Lalong humihina ang AFP sa pagsingaw ng mga kabulukan nito

Pinakahuling mga anomalya at kaso ng korapsyon sa AFP
Malulubhang krimen ni Tabara
Food coupons ng rehimen, mumo para sa ginugutom na mamamayan
Matatagumpay ng mga opensiba ng BHB:
Mga taktikal na opensiba, inilunsad sa Southern Tagalog

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.