Resesyon sa US, Japan at Germany: Krisis sa mga sentro ng kapitalismo [Lumulubhang Krisis sa Ekonomiya]
Sa kauna-unahang pagkakataon mula noong dekada 1970, ang tatlong sentro ng kapitalismo ay sabay-sabay na lumubog sa resesyon. Sunud-sunod na nag-anunsyo noong katapusan ng Nobyembre at simula ng Disyembre ang mga gubyerno at upisyal ng US, Germany at Japan na tumigil o lumiit ang produksyon ng kani-kanilang mga ekonomya sa nakaraang anim na buwan. Kasabay nito, iniulat ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) na ang 30 pinakamalalaking ekonomya sa mundo ay lumiit sa nakaraang anim na buwan - sa kauna-unahang pagkakataon sa nakaraang 20 taon. Bago ito, sabay-sabay na dumausdos sa malalim na krisis sa ekonomya ang maraming bansa sa Ikatlong Daigdig matapos pumutok ang krisis pampinansya noong 1997.
Ang resesyong ito, na umabot na sa US, ang mismong sentro ng pandaigdigang kapitalismo, ay bunsod ng krisis ng sobrang produksyon, laluna sa elektroniks at telekomunikasyon. Pinalulubha ng resesyong ito ang krisis sa mga malakolonya, kabilang ang Pilipinas, na sa kalakha'y nakaasa pangunahin sa US at Japan bilang mga pamilihan ng mga industriyang nakatuon sa eksport.
Ang ekonomya ng US ay bumubuo ng sangkapat(1/4) ng kabuuang pandaigdigang produksyon. Dito'y umabot na sa 5.7% ang tantos ng disempleyo, ang pinakamalaki sa nakaraang anim na taon. Mahigit 7.7 milyong manggagawang Amerikano ang walang hanapbuhay kabilang ang 732,000 tinanggal sa trabaho nitong nakaraang mga buwan. Nananatiling malaki ang imbentaryo ng di mabentang kalakal. Isinagad na sa 1.75% ang interes sa pautang (ang pinakamababa sa nakaraang 40 taon) mula 6.5% sa simula ng 2001, sa hangaring mag-udyok ng produksyon at pagkonsumo.
Mahigit nang isang dekadang hindi umuusad ang ekonomya ng Japan. Pumasok muli ito sa resesyon matapos magrehistro ng 2.2% na pag-atras ang ekonomya nito noong Setyembre 2001. Ito ang ikalawang resesyon mula noong 1998 at inaasahang tatagal ito hanggang Marso 2003. Umabot na sa 5% ang tantos ng disempleyo. Ibig sabihin, 3.3 milyong manggagawa ang walang hanapbuhay. Pinakamataas na ito mula noong katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Inaasahang aabot pa sa 5.7% ang tantos ng disempleyo sa katapusan ng 2002. Tanda ng krisis ng sobrang produksyon, bumagsak nang 57.9% ang taunang sarplas sa kalakalan ng Japan noong Hulyo. Nasa pinatkamababang antas mula 1984 ang pangunahing stock market (Nikkei) sa Japan.
Kasabay nito, iniulat nitong simula ng Disyembre na umabot na sa 9.2% ang tantos ng disempleyo sa Germany. Sa kabuuan, 3.289 milyon ang walang hanapbuhay, kabilang ang 45,000 manggagawang nawalan ng hanapbuhay noon lamang buwan ng Nobyembre. Siyam na buwan nang tuluy-tuloy na lumalaki ang bilang ng walang hanapbuhay. Lumiit nang 0.1% ang produksyon sa Germany nitong Hulyo-Setyembre 2001 at inaasahang lalo pa itong babagsak sa huling kwarto ng taon.
|