Balik-tanaw sa Kasaysayan: Ang digmang agresyon ng US sa Mindanao(1899-1913)
Upang makapagkonsentra ng kanilang pwersa sa Luzon at Visayas, nilinlang ng mga kolonyalistang Amerikano ang Sultan ng Sulu at pinapirma siya sa Kasunduang Bates ng 1899 na nagdedeklara ng soberanya ng US sa mga isla ng Jolo. Nang magapi ang malaking bahagi ng rebolusyonaryong paglaban sa Luzon, makaisang panig na ibinasura ng US noong 1904 ang kasunduan at nagdeklara ng todong digma sa Mindanao.
Nagpamalas ng buong katapangan ang mga mandirigmang Moro at mamamayan ng Mindanao sa paglaban sa mga tropang Amerikano. Dahil sa mas malakas at maraming armas, nasugpo ng mga sundalong Amerikano ang pakikibaka ngunit ininda rin nila ang malalaking pagkatalo. Bilang ganti, buu-buong mga komunidad ang minasaker ng mga tropang US.
Tampok sa mga ito ang sumusunod:
Masaker sa Bud Dajo. Aabot sa 900 ang namatay sa tatlong araw na pagsalakay ng mga Amerikano sa bukana ng bulkan ng Bud Dajo, Jolo na pinagkublihan ng mga lumalabang Tausug (katutubo sa lugar) noong Marso 5-7, 1906. Tadtad ng bala ang maraming namatay kasama na ang mga bata at kababaihan. Ayon sa mga nakakita sa mga bangkay, marami rito ang may mahigit sa 50 tama. Anim na lalaki lamang ang nabuhay. Walang laban ang mga Tausug na armado lamang ng kris, sibat at ilang riple sa lakas-militar ng mga tropang US na suportado pa ng mga kanyon ng mga tropang nabal. Ibinilin ni Gen. Leonard Wood sa dalawang batalyong pinamunuan niya na patayin o hulihin ang mga Tausug. (Si Gen. Wood ay naging Gobernador-Heneral ng Pilipinas mula 1921-27.) Sa panig ng mga tropang Amerikano, 21 patay at 75 sugatan ang naitala.
Ang kalibre .45 pistolang automatic ay nilikha noong 1911 dahil sa pangangailangan ng mga sundalong Amerikano ng mas malakas na armas na panagupa sa mga binansagan noong "huramentado". "Huramentado" ang mapangutyang katawagan noon sa mga Moro na armado lamang ng kris habang sumusugod sa mga sundalong Amerikano at nakahandang magbuwis ng buhay upang hindi maging alipin ng mga imperyalista. Tinatalian din ng mga mandirigmang Moro ang kanilang mga kasukasuan upang pigilin ang pagdurugo kapag tinatamaan sila sa bisig o paa, kaya hindi sila nanghihina at patuloy silang nakasusugod sa mga bumabaril sa kanila. Sa gayong determinasyon ng mga mandirigmang Moro, hindi sila basta napababagsak ng mas mababang kalibreng mga ripleng Springfield at Krag at mga rebolber, na siyang karaniwang gamit ng mga sundalong Amerikano noon. Dulot nito, maraming upisyal at sundalong Amerikano ang namatay sa kamay ng magigiting na Moro.
Masaker sa Bud Bagsak. Nagtrensera ang mamamayan ng Lati, Jolo mula Enero hanggang Hunyo 1913 sa matitibay na kuta sa mga bundok sa Jolo. Sunud-sunod na sinugod ng mga tropang US ang mga kuta hanggang sa Mt. Bagsak. Noong Hunyo 11, 1913 iniutos ni Gen. John Pershing ang pag-atake sa kuta. Aabot sa 2,000 ang namatay kasama ang 196 kababaihan at 340 bata. Bagamat nabunyag ito sa midya at tinuligsa ng mga mamamayang Amerikano, hindi naparusahan si Pershing.
Masaker sa Talipao. Tinutulan ng mga mamamayan ng Talipao, Jolo ang pagbabayad ng buwis sa US gaya ng sedula at toll sa paggamit ng kalsada. Nagtrensera sila sa Mt. Talipao at noong Agosto 13, 1913 ay sinalakay at tinalo sila ng mga tropang Amerikano. Ito ang naging huling mayor na paglaban ng mga Moro at idineklara ng US na tapos na ang digmaan sa Mindanao.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|