![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Sa buong Southern Tagalog, 845 panginoong maylupa lamang ang kumokontrol sa 48% ng lupaing agrikultural. Napananatili ang monopolyo sa lupa sa pamamagitan ng ilang matingkad at lumalaganap na anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa rehiyon. Tinatalakay ito ng sumusunod na artikulo, na ibinatay sa mga dokumento ng ginanap kamakailan na Kumperensya sa Gawaing Masa sa Southern Tagalog.
Walang kasiguruhan ang pananatili ni Ka Selmo sa lupa. Hamak na katulong ang turing ng kanyang amo sa kanya. Kahit anong oras kung nanaisin ng panginoong maylupa, maaari siyang palayasin nito. Walang magawa si Ka Selmo dahil ito ang naging kasunduan nang pumasok siya bilang tagapag-alaga ng lupa ng kanyang amo. Si Ka Selmo ay isa lamang sa daan-libong manggagawang bukid na dumaranas ng ibayong pagsasamantala sa ilalim ng sistemang katulong na lumalaganap ngayon sa Occidental Mindoro. Ginagamit ng mga panginoong maylupa sa lalawigan ang sistemang katulong upang lansihin ang mga magsasaka na nakikibaka para sa karapatan sa lupang sinasaka. Sa halip na kumuha ng kasam�, umuupa na lamang sila ng mga manggagawang bukid na itinuturing na katulong. Sa ganitong kundisyon, naipagkakait ng mga panginoong maylupa sa mga manggagawang bukid ang anumang kasiguruhan sa pananatili sa lupa. Magkakasundo na lamang sila sa magiging partihan sa ani. Sa kasalukuyan, karaniwan na ang pito hanggang walong kabang parte ng katulong kada ani. Nagagawa ng mga panginoong maylupa ang ganito katinding pagsasamantala dahil sa ibayong pagdami ng mga manggagawang bukid na nag-uunahang makakuha ng trabaho. Bunga ng desperasyon, napipilitan silang tanggapin ang kapit-sa-patalim na kasunduan upang may maipantawid-gutom ang kanilang mga pamilya. Ang sistemang katulong ay isa lamang sa mga lumalaganap ngayong anyo ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal sa mga palayan sa kanayunan ng Southern Tagalog. Lumitaw ang mga ito bunga ng pagtatangka ng mga panginoong maylupa na iwasang mapailalim ang kanilang lupa sa hungkag na Comprehensive Agrarian Reform Law. Kabilang sa iba pang tipo ng pagsasamantala ang hunusan, porsyentuhan o kontratahan, pakyawan, takai, kabesilya at tampa. Ang hunusan ay isang sistema ng partihan kung saan 20-25% lamang ng kabuuang ani ang ibinibigay ng may-ari ng lupa sa mga manggagawang bukid. Pero sa Laguna, lumalaganap na kalakaran ngayon ang pagbibigay ng pera sa mga manggagawang bukid katumbas ng dating tinatanggap nilang palay. Sa sistemang porsyentuhan o kontratahan, ipatatrabaho ng may-ari ng lupa ang kanyang tubigan sa mga manggagawang bukid mula sa paghahanda ng lupa hanggang sa pag-ani. Sampung porsyento ng kita sa ani ang ibabayad ng may-ari ng lupa sa mga manggagawang bukid. Sa sistemang pakyawan, ipapapakyaw na ng may-ari ng lupa sa mga manggagawang bukid ang pagtatrabaho sa lupa mula pagtatalok hanggang pag-ani. Walong kaban kada ektarya o P1,500 ang bayad ng may-ari ng lupa sa mga manggagawang bukid. Sistemang takai naman ang isa pang nagiging kalakaran ngayon sa Occidental Mindoro. Ang takai ay 25 metro kwadradong sukat ng lupa na ipakokontrata ng may-ari ng lupa sa isang manggagawang bukid sa halagang P100�P150. Matindi ang pagsasamantala sa sistemang ito dahil karaniwang inaabot ang isang manggagawang bukid ng dalawang araw upang matapos ang isang takai. Kaya lalabas na aabot lamang ng P50-75 ang kanyang sahod kada araw. Matinding pagsasamantala rin ang nararanasan ng mga manggagawang bukid sa sistemang kabesilya. Ang kabesilya ay isang taong may pinamamahalaang grupo ng mga manggagawang bukid. Siya ang lalapitan ng may-ari ng lupa upang kontratahin sa pagpapatrabaho sa kanyang lupa. Bilang namamahala sa grupo, ang kabesilya ang nagmamando sa mga trabahador at hindi siya lumalahok sa produksyon. Bukod sa sahod na ibinibigay sa kanya ng may-ari ng lupa, kumikita ang kabesilya sa pagkakaltas ng P2-5 sa arawang sahod ng bawat manggagawang bukid na kanyang pinamamahalaan. Kakabit ng sistemang kabesilya ang sistemang tampa. Sa panahong walang trabaho ang isang manggagawang bukid, lalapit siya sa kabesilya upang mangutang ng bigas. Bilang kabayaran, ang isang salop ng bigas (halagang P45) na kanyang inutang ay katumbas ng isang araw na trabaho. Sa panahon ng sahuran, ang kabesilya na ang kukuha ng kanyang kabahagi. Kaya lalabas na P45 lamang ang arawang pasahod sa kanya. Ibayong pinalalala ng mga nabanggit na bagong anyo ng pagpapasahol ng pagsasamantala ang kahabag-habag na kalagayan ng mga manggagawang bukid na katulad ni Ka Selmo. Sa patuloy na pagkalubog sa putik ng kahirapan, wala silang ibang patutunguhan kundi ang kumilos at magkaisa upang isulong ang tunay na reporma sa lupa sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon ng bayan. ![]()
|
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|