Balita
HEPE NG PULIS, PINARUSAHAN NG BHB-BOHOL
Pinarusahan ng Bagong Hukbong Bayan ang upisyal ng PNP-Tagbilaran, Bohol na may utang na dugo sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.
Pinatumba sa pamamagitan ng operasyong isparo ng BHB si Chief Insp. Ruel Lagala, hepe ng pulisya sa naturang lunsod. Isinagawa ang pagpaparusa bandang alas-8 ng umaga nitong Oktubre 5 sa Carmen, Bohol.
Si Lagala ay dating pinuno ng 2nd District Mobile Group ng Tagbilaran na responsable sa pagsalakay sa tahanan ni Felix Pamat noong Agosto 5, 1997 sa Purok II, Bgy. San Roque, Sagbayan, Bohol. Dito pinaslang ng tropa ni Lagala si Cristituto Cagabcab, istap ni Vide Alguna, isang konsultant ng Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas (PDPP). Lubha ring nasugatan ang maybahay at ang tatlong anak nito.
Kinundena ng PDPP ang pagsalakay ng pwersa ni Lagala bilang paglabag sa Pinagsamang Kasunduan Hinggil sa mga Garantiya sa Kaligtasan at Imunidad sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at ng PDPP.
AHENTE NG KAAWAY SA AGUSAN, PINARUSAHAN
Ibinuwal ng apat-kataong tim ng BHB ang isang pusakal na kaaway ng mamamayan sa Agusan del Norte.
Pinarusahan ng kamatayan si Deo Ongcad Manguanta, myembro ng Citizen's Armed Forces Geographical Unit o CAFGU, nitong Oktubre 30 sa Nasipit, Agusan del Norte.
Malaon nang iginigiit ng mamamayan sa lokalidad ang pagpaparusa kay Manguanta dahil sa kanyang aktibong papel sa kontra-rebolusyonaryong kampanya ng Armed Forces of the Philippines. Pinamunuan niya ang Kalihukang Nagkahiusang Minorya, isang huwad na kooperatibang itinatag ng 4th Infantry Division ng AFP upang ilihis sa rebolusyon ang mga katutubong Higaonon. Pasimuno rin si Manguanta sa paniniktik at pagrekluta ng mga mamamayang lumad sa CAFGU. Instrumento siya ng malalaking dayuhang korporasyon sa pangangamkam ng lupa sa mga katutubo.
PAGSALAKAY SA MGA SIBILYAN, KINUNDENA NG PARTIDO
Kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pagsalakay ng tropa ng 9th Scout Rangers Company sa isang bahay sa So. Pulot, Bgy. San Antonio, Kalayaan, Laguna nitong Nobyembre 6.
Pinabulaanan ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng PKP, na may labanang naganap sa naturang reyd.
Alas-5 ng umaga nang salakayin ng militar ang bahay nina Priscilla at Jose Federico. Iligal na inaresto at sinampahan ng kasong kriminal ang mga maybahay, tatlo pang sibilyan at si Ka Jonas, istap ni Ka Roger. Giniba matapos pagnakawan ng mga sundalo ang bahay at tindahan ng mag-asawang Federico. Si Ka Jonas ay itinago at pinagkaitan ng karapatang makipagkita sa kanyang mga kamag-anak at abugado.
Ayon kay Ka Roger, ang mga ito ay tanda ng patuloy pa ring pagyurak ng GRP sa karapatang-tao ng mamamayan. Tahasang paglabag din aniya ito ng reaksyunaryong gubyerno sa Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-Tao at sa Internasyunal na Makataong Batas. Hinamon ni Ka Roger ang GRP na pangatawanan nito ang pagkapirma sa Kasunduan.
MGA KINATAWAN SA KOMITE PARA SA MAGKASAMANG PAGMOMONITOR, HINIRANG NG PDPP
Hinirang ng Negotiating Panel ng PDPP ang tatlong kinatawan nito sa Komite para sa Magkasamang Pagmomonitor (Joint Monitoring Committee) na susubaybay sa implementasyon ng Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-tao at Internasyunal na Makataong Batas.
Sa isang resolusyon na inilabas ng PDPP noong Setyembre 23, 1998, itinalaga si Fidel V. Agcaoili bilang punong kinatawan ng PDPP sa Komite at katuwang na pinuno ng Komite. Hinirang na mga kinatawan at myembro ng naturang komite sina Coni K. Ledesma at Sotero Llamas. Iminungkahi rin ng PDPP bilang mga obserber sa Komite sina Rt. Rev. Alberto Ramento ng Iglesia Filipina Independiente at Marie Hilao-Enriquez ng Alliance of Human Rights Advocates (Karapatan).
Idineklara rin sa naturang resolusyon na magtatatag ang PDPP ng mga upisina sa Pilipinas at sa ibang bansa na magaasikaso sa usaping karapatang-tao. Alinsunod ito sa likas nitong karapatan at pagtupad sa hiwalay na mga tungkulin at responsibilidad na itaguyod, ipagtanggol at ipalaganap ang mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas batay sa mga prinsipyo sa pulitika, organisasyon at sirkunstansya nito.
KADAMAY NG MARALITA, ITINATAG
Itinatag nitong Nobyembre 7 ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY), isang pambansang alyansa ng iba't ibang organisasyon sa komunidad ng maralitang-lunsod. Ito ay isang alyansa ng mga mala-proletaryado, kabilang na ang mga samahan ng mga tsuper, mga maglalako, mga kaswal at kontratadong manggagawa, mga natanggal sa trabaho, at mga biktima ng militarisasyon at kalamidad. Hihikayatin ding sumapi sa alyansa ang mga asosasyon ng kababaihan at kabataan sa mga komunidad ng maralitang-lunsod.
Sa kanyang pahayag ng pakikiisa sa kongreso ng pagkakatatag nito, binanggit ni Kasamang Jose Ma. Sison, Tagapangulong Tagapagtatag ng PKP, na matagal nang dapat buuin ang isang alyansa tulad ng KADAMAY. Ani Sison, "tumitindi ang krisis sa kabuhayan at sumasahol ang pagsasamantala at pang-aapi ng naghaharing uri". Iminungkahi ni Sison na isali sa alyansa ang mga manggagawa sa komunidad, kasapi man sila ng isang unyon o hindi. Sa gayon, maitatatag ang mahigpit na ugnayan ng mga manggagawa at malamanggagawa sa mga komunidad ng maralitang-lunsod.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|