Ang garapal na pagpatay kay Jessica Chavez
Noong Pebrero 9, 2001, natagpuan ng kapwa niya mga sundalo na naghihingalo at may tama ng baril sa dibdib si 2nd Lt. Jessica Chavez sa kanyang kwarto sa loob ng headkwarters ng AFP sa Fort Bonifacio, Makati. Hindi na siya umabot nang buhay sa ospital. Sa halip na hintayin ang mga imbestigador, agad na iniutos ng mga upisyal ng kanyang batalyon na linisin ang kanyang kwarto at itinapon ang anumang maaaring mapakinabangan sa imbestigasyon. Nagsilbing platoon leader si Jessica sa 191st Military Police Battalion na nakaistasyon sa Fort Bonifacio.
Matapos ang pakitang-taong imbestigasyon, idineklara ng AFP na nagpatiwakal si Jessica. Ngunit ayon sa medico-legal ng National Bureau of Investigation, imposibleng pinatay ni Jessica ang kanyang sarili dahil malayo sa kanyang katawan ang baril nang ipinutok ito. Mahirap din para sa isang nagpapatiwakal na ituon sa dibdib ang baril upang patayin ang sarili. Higit pa rito, negatibo sa powder burns si Jessica, kaya hindi maaaring siya ang may hawak ng baril na pumatay sa kanya. Gayunpaman, idineklara pa rin ng NBI na nagpatiwakal si Jessica sa huling ulat ito.
Dalawang buwan bago siya patayin, umuwing balisa si Jessica sa kanyang pamilya sa Poblacion, Sta. Cruz, Ilocos Sur. Ipinagtapat niya sa kanyang lola na kinakasangkapan siya ng kanyang mga superyor sa iligal na pagbebenta ng mga armas at iba pang maanomalyang transaksyon. Isa na rito ang pag-utos sa kanyang kunin ang isang kargamento ng mga armas mula sa Mindanao sa daungan ng Maynila para ibenta ang mga ito labas sa AFP. Para matiyak ang kanyang katapatan, inalok siya ng malaking halaga ngunit tinanggihan niya ito. Ipinagpaalam niya sa kanyang pamilya ang kanyang desisyong tumiwalag na sa militar at ilantad ang kabulukan sa AFP. Hindi na niya naisagawa ang kanyang plano.
Ilang araw matapos siya patayin, natagpuan ng kanyang pamilya ang isang cassette tape na nagtala ng kahina-hinalang pag-uusap ng apat katao na nagdedetalye ng isang iligal na operasyon. Hindi ito pinansin ng mga upisyal ng AFP sa kanilang "imbestigasyon".
Malinaw na pinatay si Jessica para hindi niya mailantad ang talamak na korapsyon sa loob ng kanyang batalyon. Naniniwala ang kanyang pamilya at mga kaklase na kung buhay pa siya, kabilang siya sa mga nag-alsang sundalo noong Hulyo 27.
|