Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pananalanta ng pasistang estado:
Mga tampok na paglabag sa karapatang-tao sa unang kwarto

 Read this article in English

Matingkad na bahagi ng mga paglabag sa karapatang-tao ngayong unang kwarto ng 2004 ang pagdukot, pagpaslang at panghaharas sa mga kandidato at myembro ng mga progresibong partido sa gitna ng umiinit na pangangampanya para sa eleksyon sa Mayo. Tampok ang brutal na pagpaslang noong Pebrero kay Juvy Magsino, vice mayor ng Naujan, Oriental Mindoro at kandidato ng Bayan Muna sa pagkaalkalde.

Dumami rin nitong Marso ang mga kaso ng paniniil laban sa mga komunidad at mamamayang Moro at lumad, gamit bilang sangkalan ang kampanya laban sa terorismo. Gayunman, walang humpay pa rin ang mga abusong militar na kaakibat ng matinding militarisasyon sa kanayunan.

Sumusunod ang ilan sa naitalang pinakamatitingkad na kaso ng paglabag sa karapatang-tao mula Enero hanggang Abril 1.

Abril 1. Limang sibilyang Moro ang iligal na inaresto at inakusang mga kasapi ng Abu Sayyaf. Nagbabalak diumanong magpasabog ng mga bomba sa Metro Manila ang lima. Binugbog at tinortyur si Abduwali Villanueva, isa sa mga inarestong Moro, upang umaming terorista at lumagda sa dokumentong umaako sa mga bombang nasamsam ng mga pulis sa mga isinagawang reyd sa Makati at Quezon City.

Marso 27. Dinampot ng mga di nakilalang tao si Bong Manalili, lider ng Mexico Transport Group sa Mexico, Pampanga. Hanggang ngayon ay hindi inililitaw si Manalili.

Marso 26. Walang pakundangang sinalakay ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office at Central Police Department-Special Weapons Action Team ang Islamic Center sa Ermin Garcia St., Quezon City at dinakip ang dalawang babaeng Moro na pinagbibintangang terorista.

Marso 1-22. Sampung tao ang dinukot ng militar mula sa magkakanugnog na munisipalidad ng Tinambac, Goa at Lagonoy sa Camarines Sur kaugnay ng operasyong pagtugis sa mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na bumihag sa dalawang sundalo sa isang taktikal na opensiba noong Marso 1 sa Barangay Bataan, Tinambac.

Unang dinukot noong Marso 2 si Jaime Rodriguez, 60 at Isiderio de los Santos, parehong organisador ng Bayan Muna. Sinundan ito ng pagdukot kina Emilio de los Santos, Sonny de los Santos, Ariel Candelaria at Berning Abellana noong Marso 5.

Dinukot din ng mga elemento ng 9th ID si Joel Guilan, 18, nang hindi makita ang kanyang amang si Juanito na pinaratangang myembro ng BHB. Tinakpan ng panyo ang kanyang bibig at ilong hanggang sa mawalan siya ng malay. Nang magising siya, nakagapos na siya sa isang koprahan. Kinalagan siya at itinali naman sa isang punongkahoy.

Noong Marso 16, dinukot sina Wilfredo Velarde at Joseph Carlote sa Barangay Salvacion, Tinambac habang nagtatrabaho sila sa bodega ng kopra ni Velarde. Hinalughog muna ang bahay ni Velarde para hanapin ang iniingatan umano nitong mataas na kalibreng baril. Nang wala silang matagpuan, pinosasan at dinakip si Velarde. Dinala na rin si Carlote nang makiusap ang misis ni Velarde na samahan ni Carlote ang kanyang asawa.

Pinakahuling dinukot si Domingo Mata nitong Marso 22.

Marso 13. Dinakip ng 15 armadong katao si Pedro Bueta, 54, organisador ng Anakpawis, sa Barangay Buo, Magdalena, Laguna. Inilitaw lang siya noong Marso 20.

Marso 10. Iligal na inaresto ng mga elemento ng 46th IB si Joy Batis Paloma, 17, organisador ng Anakpawis, sa Barangay Hiluctugan, Carigara, Leyte. Dalawang araw siyang inimbestigahan at pinakawalan lamang noong Marso 12 matapos itong ikampanya ng mga organisasyong nagtataguyod sa karapatang-tao.

Marso 5. Sekswal na inabuso ng isang sundalo ang isang 16-anyos na dalaga habang iniinteroga ng mga sundalo ng 42nd IB ang kanyang kasintahang si Levy Caganda sa kanilang bahay sa Del Carmen, Lagonoy, Camarines Sur.

Marso 2. Sapilitang pinaggiya sa operasyong militar ng 19th IB at PNP Regional Mobile Group sa Barangay Wague, Leyte, Leyte sina Maximo Pobadora, isang barangay tanod at Iluminado Troyo, konsehal ng barangay. Isang linggo ring nagulo ang kabuhayan ng mga taga-Barangay Wague, Cabungahan at Tag-abaca nang mapilitan silang lumikas dahil sa operasyon.

Pebrero 21. Hindi pa rin inililitaw sina Jacqueline Paguntalan, 26 at Rolando Portaliza, 30, kapwa mga organisador ng Bayan Muna na dinukot sa Barangay Kilim, Baybay, Leyte ng apat na lalaking pinaniniwalaang mga elemento ng Internal Security Unit. Papunta sila sa isang pulong ng Bayan Muna nang sapilitan silang isakay sa isang itim na van. Nakatakas ang isa nilang kasamahan, na siyang nag-ulat ng pangyayari. Bago ito, isa pang organisador din ng Bayan Muna ang dinukot ng mga armadong lalaki sa Can-avid, Eastern Samar noong unang linggo ng Pebrero.

Pebrero 18. Dinukot at sinalbeyds ng pitong pinaghihinalaang militar si Edrian Aliaga, coordinator ng Anakpawis sa Sta. Cruz, Mindoro. Sapilitan siyang kinuha bandang 2:30 ng madaling araw sa kanyang bahay sa Barangay Lumang Bayan, Sta. Cruz. Natagpuang lumulutang kinaumagahan ang kanyang bangkay na tadtad ng saksak at may isang tama ng bala sa Amnay River sa kalapit na bayan ng Sablayan.

Pebrero 13. Brutal na pinatay si Juvy Magsino, vice mayor ng Naujan, Oriental Mindoro at tagapangulo ng Provincial Justice and Peace Council. Kasama niyang pinaslang si Leima Fortu, Secretary-General ng Karapatan-Oriental Mindoro. Pinagbabaril sila sa kanilang sasakyan sa Barangay Pinasabangan-2, Naujan ng mga nakamotorsiklong berdugo ng 204th Brigade ng Philippine Army. Si Magsino ay isa ring matapang na abugadong nagtatanggol sa karapatang-tao at kandidato sa pagkaalkalde ng Naujan sa ilalim ng Bayan Muna.

Pebrero 12. Iligal na inaresto, pinagbubugbog, pinagkukulata, hiniya at pilit pinaaming mga gerilya ng BHB ang siyam na B'laan nang abutan silang natutulog ng mga elemento ng 66th at 39th IB sa isang kubo sa Barangay Lam-alis, Kidapawan, North Cotabato. Si Flory Balilid ay pinaghubo't hubad habang kinukulata at binantaang papatayin.

Sina Lucio Peles, kanyang asawa at anim pang B'laan ay ninakawan ng bigas at iba pang pagkain at pilit na pinagkarga ng mga kagamitang militar kahit nanghihina na sila sa bugbog. Ininteroga sila at pinalaya lamang nang pirmahan nila ang isang dokumentong nagsasaad na sila'y mga myembro ng BHB at hindi pinahirapan ng militar.

Pebrero 8. Iligal na idinitine ng mge elemento ng 71st IB si Teresita Abellera, coordinator ng Bayan Muna sa ng Lupao, Nueva Ecija.

Pebrero 6. Iligal na hinalughog ng mga elemento ng 31st Recon Company sa pamumuno ni 1Lt. Raul Vigo ang bahay ni Florida Echalar sa Sityo Buyuan, Barangay Tigbanaba, Igbaras, Iloilo.

Pinagnakawan din ng militar ang bahay ng tiyuhin ni Meryl Eleccion, organisador ng Alyansa sang mga Mangunguma sa Igbaras. Hinaras din si Eleccion.

Pebrero 2. Arbitraryong inaresto, ininteroga at idinitine ng mga elemento ng 61st IB sina Isabel Necessario, kasapi ng Anakbayan at mga myembro ng Bayan Muna na sina Julia Tabat at Medardo Sayosa, sa Barangay Molobolo, Cauayan, Negros. Tinamnan sila ng mga bala at dokumento at inakusahang mga gerilya ng BHB.

Pebrero 1. Hinaras ng mga elemento ng RSOT ng 5th Infantry Division si Maricel Andaya, residente ng Pila East, Sta. Lucia, Ilocos Sur. Pinilit siyang ipagbigay-alam ang kinaroroonan ng kanyang kasintahan na inaakusahan ng militar na kasapi ng BHB.

Enero 27. Binantaan at tinakot ng 50th IB ng Philippine Army ang mga residente ng Barangay Sapang at Sugay, bayan ng Sta. Lucia, Ilocos Sur. Pilit silang pinaaming mga tagasuporta ng BHB. Nagpataw ang militar ng curfew. Naglunsad rin ng mga operasyong militar sa mga baryo ng Baracbac at Abaya, Galimuyod.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Abril 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang papatinding pang-aapi sa mamamayang Moro

Mga Moro, naglunsad ng protesta
Pananalanta ng pasistang estado:
Mga tampok na paglabag sa karapatang-tao sa unang kwarto
32 sa mahigit 300 bilanggong pulitikal, palalayain
Atake sa mga progresibong partido, tumitindi
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Ambus sa Camarines Sur

Mga Ulat Koresponsal:
Matatagumpay na opensiba inilunsad sa Eastern Visayas

Mga Ulat Koresponsal:
Paggamit ng mga sibilyang pananggalang, kinundena

Mga Ulat Koresponsal:
Paglaban sa RSOT sa Eastern Visayas

Mga Ulat Koresponsal:
Labanan sa Cagayan Valley

Mga Ulat Koresponsal:
BHB sa Mindanao: Lumalakas, lumalawak

Bigong pribatisasyon
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.