37,000�biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Mula Enero 22, nang magsimulang manungkulan si Macapagal-Arroyo, hanggang noong Hulyo 15, may 1,334 na kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao na bumiktima sa 37,164 katao ang naitala sa buong bansa. Sa bilang na ito, 148 katao ang biktima ng pagsalbeyds at asasinasyon, 55 ang minasaker at 14 ang dinukot ng mga militar at nawawala pa hanggang sa kasalukuyan. Bukod rito, laganap din ang iba�t ibang anyo ng mga paglabag gaya ng bigong pagpatay, walang patumanggang pamamaril, pambobomba, iligal na pang-aaresto, pagtortyur, iligal na panghahalughog, paninira at pagkakait ng ari-arian, pwersahang ebakwasyon, pagblokeyo ng pagkain, malawakang pagpapalikas, pagkakait ng atensyong medikal at iba pa.
Umabot sa 2,581 katao ang biktima sa 125 kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mga lider at myembro ng Bayan Muna. Dalawampu�t dalawang lider sa komunidad ng Bayan Muna ang napatay habang tatlo naman ang biktima ng masaker. May mga lider ding nakaligtas mula sa tangkang pagpatay habang may apat pang nawawala.
May 86 na kaso naman ng pagpatay sa mga aktibista at pinaghihinalaang simpatisador ng BHB. Biktima rito ang 148 katao. Mas malala ito sa rekord ng gubyernong Estrada na nakapagtala ng 59 na katulad na kaso sa loob ng 18 buwan sa poder.
Sa Basilan, mula nang paigtingin ang kampanya laban sa bandidong Abu Sayyaf, umabot na sa 3,169 ang nabiktima ng mga paglabag sa karapatang-tao. Sampu rito ay sinalbeyds, anim ang pinatay, 42 ang tinortyur, 126 ang arbitraryong inaresto habang may isa pang nawawala.
Samantala, apat na babae at anim na bata ang ikinulong upang mapwersang sumurender ang kanilang mga kamaganak na pinaghihinalaang myembro ng Abu Sayyaf. Iligal silang nakabilanggo ngayon sa Basilan Provincial Jail at Camp Bagong Diwa sa Taguig, Metro Manila. Mahigit 100 pang pinagsuspetsahang kasapi ng Abu Sayyaf ang nakakulong sa dalawang kampo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|