Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sistematikong pagsisinungaling ng AFP

 Read this article in English

Sistematikong naglulubid ng buhangin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang ilingid sa mamamayan ang tunay na itinatakbo ng mga armadong labanan sa pagitan nito at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Mula noong isang taon, sunud-sunod na mga pambabaluktot at pagbabaligtad ang ginagawa ng AFP upang itago ang pabigong landas na tinatahak nito at palabasin kahit sa propaganda man lamang na nakapananaig ito laban sa BHB.

Maituturing na mga disipulo ni Joseph Goebbels ang mga tagapagmanupaktura ng mga pahayag sa midya sa hanay ng AFP.

Ayon kay Goebbels, ang hepeng propagandista ng pasistang si Adolf Hitler, ang kasinungalingan ay nagiging katotohanan kapag ito'y uulit-ulitin.

Sa kasalukuyan, hindi na kailangang lumayo pa para makakita ng mga bagong Goebbels. Kumakatawan ngayon kay Goebbels ang mga propesyunal na propagandista at mga eksperto sa saywar ng AFP.

Inaasahan nila na sa kauulit ng kanilang mga kasinungalingan, makukundisyon ang isipan ng publiko na tanggapin nang buung-buo ang mga nilulubid na kwento ng AFP.

Ang paglulubid ng istorya ay kadalasang ginagawa sa pinakamatataas na antas ng pamunuan ng militar, tulad ng brigada, dibisyon at mga regional unified command, kundiman sa pambansang kumand ng buong AFP.

Noong Hulyo 4, 2003, pinalabas ni Maj. Gen. Alfredo Braganza, hepe ng 7th ID na di bababa sa tatlong mandirigma ng BHB ang namatay at marami pa ang nasugatan nang magkalabanan ang isang yunit ng BHB at ang mahigit 80 tropa ng 79th IB at pulis sa Barangay Batang II, Sasmuan, Pampanga. Ang totoo, ang larawan umano ng mga Pulang mandirigma na ipinakita sa midya ay retrato ng bangkay ng dalawang sundalong namatay sa labanang iyon. Ang ikatlo, na tinamaan umano habang tumatakas, ay bangkay ni Mauricio Miranda, 40, isang mangingisdang taga-Sapang Kawayan, Masantol, Pampanga na nasugagaan ng mga sundalo sa ilog habang papauwi ito sa kanilang bahay. May ilang oras nang namamahinga sa ligtas na lugar ang mga mandirigmang hindi man lamang nagalusan sa labanan nang marinig nilang paputukan si Miranda at dalawa pa niyang kasama. Kinulimbat ng mga sundalo ang kanilang nahuling isda at ang nawasak nilang bangka ay itinago sa mga mamamahayag.

Mas grabe pang pambabaluktot ang ginawa ng 5th ID sa labanang naganap sa Sityo Curawitan, Barangay Binatog, San Mariano, Isabela noong Oktubre 25, 2003. Ayon sa 5th ID, anim na mandirigma ang namatay sa labanang ito. Ang totoo, 22 sundalo ang napatay at dalawa ang malubhang nasugatan sa dalawang oras na labanan. Halos malipol ang kabuuang bilang na 33 sundalo mula sa 53rd Recon Coy at 45th IB.

Muling dinulutan ng BHB ng malaking kaswalti ang parehong mga yunit nitong Marso 19, 2004 nang siyam na sundalo mula sa 15-kataong nagpapatrulyang tropa ng AFP ang napatay sa Barangay Dicamay Uno, Jones, Isabela.

Noong Marso 14, nagyabang si Col. Roland Rodriguez, deputy chief ng 1st ID, na walang kaswalti ang 10th IB nang makipaglaban ito nang mahigit dalawang oras sa BHB sa Lower Bautista, Sapang Dalaga, Misamis Occidental. Ang totoo, di bababa sa apat na sundalo ang napatay at tatlo ang nasugatan sa labanang tumagal nang humigit-kumulang 45 minuto.

Sa Eastern Visayas, ang pinuno naman ng 8th ID na si Maj. Gen. Glen Rabonza ang nagyabang na pito umanong gerilya ang napatay nang salakayin ng 20th IB ang isang kampo ng BHB sa Barangay Palanit, San Isidro, Northern Samar noong Mayo 5. Ang totoo, anim hanggang walong sundalo ang napatay at lima ang nasugatan samantalang wala ni isang kaswalti ang BHB.

Sa Southern Tagalog, iniulat ni Maj. Jose Broso, public information officer ng Southern Luzon Unified Command, na iisang sundalo ang namatay at tatatlo ang nasugatan sa pagsalakay ng 74th IB sa isang yunit ng BHB sa Barangay Nanadiego, Mulanay, Quezon noong Hunyo 16 habang hindi raw mabilang ang kaswalti ng BHB. Ang totoo, 15 tropa ng kaaway ang namatay at di mabilang ang nasugatan sa labanang ito. Isang mandirigma ng BHB ang nagbuwis ng kanyang buhay.

Sa ibang pagkakataon naman, sa sobrang kahihiyan ay tinatangkang itago ng AFP na may naganap ngang labanan. Subalit sumisingaw din ang balita kalaunan.

Sa Western Visayas, una'y tumahimik lamang si Brig. Gen. Jeffrey Sodusta, hepe ng 303rd Brigade, tungkol sa labanan noong Hunyo 12 sa Guihulngan, Negros Oriental. Di nagtagal, buong paghahambog niyang sinabi na isang sarhento lamang ang namatay subalit "malaking bilang" ng mga mandirigma ang napatay at nasugatan sa pagsalakay ng 11th IB sa isang kampo ng BHB. Ang totoo, walo ang patay at pito ang sugatan sa hanay ng kaaway, at isang mandirigma ang namartir.

Sa North Central Mindanao, tumangging maglabas ng pahayag noong una ang 401st Brigade nang makipaglaban ang mga tropa ng 41st at 42nd Scout Ranger Coy sa isang yunit ng BHB nitong Agosto 5 sa Sityo Balacatan, Guinabsan, Buenavista, Agusan del Norte. Ito'y dahil lumabas na talo ang AFP kahit ito ang sumalakay at ang labanan ay naganap malapit lamang sa Training Area ng 4th ID sa Mayapay, Buenavista. Kalaunan, ipinahayag ng 401st Bde na limang sundalo ang napatay habang napakaraming patay at sugatan sa panig ng BHB na patuloy pa rin daw nilang tinutugis. Ang totoo, walong tropa ang napatay at siyam na malalakas na armas ang nasamsam ng BHB mula sa kaaway. Isang Pulang mandirigma ang namatay sa labanan.

Isa sa pinakahuling lantarang pagsisinungaling ng AFP ang diumano'y pagdurog na raw nito sa rebolusyonaryong kilusan sa Camarines Sur. Sa desperasyon nitong maghanap ng pambawi sa matagumpay na pananambang ng BHB sa 42nd IB noong Marso 1 sa Barangay Bataan, Tinambac, Camarines Sur kung saan tatlong tropa ang namatay at dalawang sundalo ang naging bihag ng digma, di bababa sa 15 nang mga di armadong sibilyan ang sinasalbeyds ng militar sa mga bayan ng Tinambac, Goa at Lagonoy sa naturang prubinsya mula noon. Samantala, matapos itong tumanggi nang ilang buwan na makipag-usap sa NDFP para sa maayos na pagpapalaya ng mga bihag, tahasan namang itinatwa nina Lt. Col. Daniel Lucero, tagapagsalita ng AFP at Defense Secretary Eduardo Ermita, ang mga kasunduang narating ng dalawang panig noong Hulyo, partikular tungkol sa pagpapatupad ng SOMO sa Albay at Camarines Sur. Dahil dito, ilang beses na naipagpaliban ang aktwal na pagpapalaya.

Laking pagkakamali ng AFP sa pagsamba nito kay Goebbels. Halata agad ang pagmamaliit nito sa kakayahan ng mamamayan na mag-isip at magsuri. Gayundin ang pananaw ng AFP sa mamamayang Pilipino�mga mangmang, hindi mapanuri at napakadaling utuin. Subalit pakaulit-ulitin man ng AFP ang mga nilulubid nitong istorya, wala itong maaakit o malilinlang mula sa mamamayang nakababatid ng katotohanan. Bagkus, mga mulat na mamamayan ang matatag na naninindigan at lumalaban.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Agosto 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Makatao ang pangangalaga ng BHB sa mga prisoner of war

Tagumpay ang maayos at ligtas na pagpapalaya sa mga bihag ng digma
Mahigit 100 kaso, isinampa sa JMC
Pamilya, iligal na ikinulong
Usapang pangkapayapaan, ipinagpaliban
Sistematikong pagsisinungaling ng AFP
Ang rebolusyonaryong peryodismo, ayon kay Manong Tony Zumel
Panunuhol at pambabraso sa WTO
Sa kunwaring paglutas ng US sa kaguluhan sa Sudan
Kontrol sa langis ang tunay na pakay

Sa kunwaring paglutas ng US sa kaguluhan sa Sudan
Ang matinding kaguluhan sa Darfur

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.