Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Oplan Makabayan:
Pasistang pakana ng rehimeng US-Estrada

 Read this article in English

Sa sagadsaring reaksyunaryo at makitid na pag-iisip ni Estrada, "pagbeybi" ang anumang hindi sukdulang brutal na pakikitungo sa rebolusyonaryong mamamayan. Kaya noong Setyembre 1998, halos kauupo pa lamang niya sa Malakanyang, agad ikinasa ni Estrada ang militaristang patakaran at planong Oplan Makabayan (OPMAK) para sa todong opensibang militar at "pagdurog" sa rebolusyonaryong kilusan kahit sa ilang panahon ay naobliga siyang magpakitang-tao ng paggalang sa noo'y nagpapatuloy pang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at Pambansang Demokratikong Prente.

Mas masahol pa, ang militarismo at pasismo ng rehimeng US-Estrada laban sa rebolusyonaryong kilusan ay hindi maihihiwalay na bahagi ng reaksyunaryo at papet na adyenda na sumugal sa todong pangangayupapa sa imperyalismong US at dayuhang monopolyong kapital at sa pagpapabalik sa kapangyarihan ng mga Marcos at mga pinakamasahol na kroni nila. Pinaaalingawngaw ang lumang tugtugin ng anti-komunistang pananakot para bigyang-matwid at pagtakpan ang patakarang sagadsaring reaksyunaryo, papet at maka-Marcos.

Nasa likod ng patakarang ito ang matinding hangad na makihati sa bilyun-bilyong kulimbat ng mga Marcos, sarilinin ang mga pribilehiyo at pakinabang ng kapangyarihan at proteksyunan ang kapit ng kanilang paksyon sa kapangyarihan habang ipinagtatanggol ang bulok na naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal sa harap ng napakatinding krisis at tuluy-tuloy na pagpapanibagong-lakas ng rebolusyonaryong kilusan.

OPMAK

Ang Oplan Makabayan (OPMAK) ni Estrada ay kapuna-punang pagpihit mula sa Oplan Kaisaganaan ni Ramos. Bagamat hindi nahuhuli sa pagiging reaksyunaryo at kontra-rebolusyonaryo, ang Kaisaganaan ay nagtangkang magpalawak ng mga pampulitikang pamamaraan ng paglansag sa rebolusyonaryong kilusan kahit walang humpay ang mga opensibang militar sa mga larangang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sinamantala niyon ang malalaking pinsalang idinulot sa Partido at kilusan ng malulubhang internal na paglihis at pagkakamali at pananabotahe ng mga rebisyunista at oportunistang taksil, gayundin ang pansamantalang kasiglahan sa pinansya at komersyo dala ng pagdagsa ng ispekulatibong dayuhang kapital sa bansa.

ANG MILITARISMO AT PASISMO NG REHIMENG U.S.-ESTRADA LABAN SA REBOLUSYONARYONG KILUSAN AY HINDI MAIHIHIWALAY NA BAHAGI NG REAKSYUNARYO AT PAPET NA ADYENDA NA SUMUGAL SA TODONG PANGANGAYUPAPA SA IMPERYALISMONG US AT DAYUHANG MONOPOLYONG KAPITAL AT SA PAGPAPABALIK SA KAPANGYARIHAN NG MGA MARCOS AT MGA PINAKAMASAHOL NA KRONI NILA.

Nangarap si Ramos na di na magtatagal ang lubos na pagkawasak ng rebolusyonaryong kilusan. Minaliit ang armadong rebolusyon bilang papaliit na problema ng pulisya; at ginawang bagong prayoridad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang "modernisasyon" para ipantapat sa mga "kalabang eksternal". Hindi inakala ni Ramos at mga reaksyunaryo ang pagtatagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, gayundin ang labis na kabuwayan ng pagsiglang pinansyal at komersyal na nakasalalay sa ispekulatibong kapital.

Sa Oplan Makabayan ni Estrada, muling inilagay sa tuktok ng prayoridad ng AFP at Philippine National Police (PNP) ang counter-insurgency," isinaisantabi sa kalakhan ang "modernisasyon," walang pakundangang nilapastangan at tinapos ang usapang pangkapayapaan, mabilis na pinalalawak muli ang Citizens' Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) at pinaigting ang mga opensibang militar para "sugpuin" ang rebolusyonaryong kilusan. Ang mga pwersa ng AFP-PNP at CAFGU ay malawakang ipinapakat sa mga larangang gerilya ng BHB. Pinatitindi ang pagmamanman, panggigipit at pananakot sa mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa sa kanayunan at kalunsuran.

Ang mga ahensyang sibilyan ng reaksyunaryong estado, gayundin ang mga reaksyunaryo at kunwa'y progresibong NGO (non-governmental organization) at ang mga proyektong sosyo-ekonomiko ay kinakasangkapan para sa mga operasyong militar, paniktik at sikolohikal ng OPMAK. Itinayo ang nakabukod na makinarya ng AFP para sa mga "operasyong sikolohikal" at pagmamanipula ng mga balita at ng masmidya. Pinalalakas din ang makinarya para sa "opensibang ligal", kabilang na ang mga reaksyunaryong hukuman, para kriminalisahin ang iba't ibang anyo ng rebolusyonaryo at progresibong paglaban, gipitin at sukulin ang mga rebolusyonaryo at progresibo at pagtakpan ang mga pasistang pangaabuso sa karapatang-tao.

ANG UMIIGTING NA PANUNUPIL AT KARAHASAN LABAN SA MGA REBOLUSYONARYO AT PROGRESIBONG PWERSA AY KASABAY NG UMIIGTING DING PANINIKIL SA MASS MEDIA AT PAGTUTULAK NG REHIMENG ESTRADA NG HIGIT PANG PAGPAPALAWAK NG MGA RESTRIKSYON SA MGA DEMOKRATIKONG KARAPATAN.

Gaya sa serye ng mga Oplan Lambat-Bitag at sa Oplan Kaisaganaan, ang mga kampanya at operasyong militar laban sa BHB ay umiinog pa rin sa konsepto ng triad operations: operasyong sibiko-militar (civic-military operations o CMO), operasyong paniktik at operasyong militar. Gayundin, ginagamit nito ang kabuuang pamamaraan ng mga kampanya at operasyon na tinaguriang paglinis, paghawak, pagkonsolida at pagpapaunlad (clear, hold, consolidate and develop o CHCD) .

Pero bilang tugon sa malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya ng BHB, malaki ang timbang na ibinibigay ng OPMAK sa pagsasanay, pagbubuo at paggamit ng relatibong maliliit na mga espesyal na yunit na kontragerilya (mga Scout Ranger at Special Forces). Masinsin at mas papaigting pa ang mga operasyong militar sa kanayunan bagamat di kasinlaki ni kasintagal ng mga kampanyang laking-brigada na tumampok sa Lambat-Bitag.

Bukod sa pagsira sa usapang pangkapayapaan, ang OPMAK sa maikling panahon ng implementasyon nito ay labis nang nakapagpasahol sa sitwasyon ng mamamayan sa kanayunan at kalunsuran. Lalong pinalaganap at pinasidhi nito ang mga pag-abuso sa karapatang-tao laluna ng mga maralita sa nayon at lunsod. Ibayong dumami at sumahol ang mga pagbitay nang walang paglilitis, pagpapahirap sa mga nadadakip, mga iligal na pag-aresto at paghahalughog, mga pagblokeyo ng pagkain, paglapastangan sa kababaihan at iba pang anyo ng pasistang pangaabuso. Sa kalunsuran, tinutugis at ginigipit ang mga ligal na progresibong organisasyon at personalidad.

Ang umiigting na panunupil at karahasan laban sa mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa ay kasabay ng umiigting ding paninikil sa masmidya at pagtutulak ng rehimeng US-Estrada ng higit pang pagpapalawak ng mga restriksyon sa mga demokratikong karapatan. Ang mga reaksyunaryo, papet at pasistang pakana ng rehimeng US-Estrada, kabilang na ang OPMAK, ay mabilis na nagpapasidhi ng mga tunggalian sa lipunan at ng krisis sa pulitika ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Mabilis ding inilalantad at inihihiwalay nito ang rehimeng US-Estrada bilang rehimen ng pinakamasahol na mga alipures ng kinamumuhiang pasistang diktadurang Marcos.

Paigtingin ang pakikidigmang gerilya at kampanyang masa

Walang bago sa konsepto at estratehiya ng Oplan Makabayan na ikagugulat pa ng rebolusyonaryong kilusan. Ang oplan ay kalipunan ng lipas na pangarap na wasakin ang pampulitikang istruktura ng Partido sa kanayunan at kalunsuran at baog na pormula ng pasistang pananalakay laban sa mamamayan.

Lumakas ang rebolusyonaryong kilusan sa panahon ng diktadurang US-Marcos sa kabila ng mga pasistang pananalakay. Hindi nahadlangan ng estratehiyang low intensity conflict ng imperyalismong US ang pagsulong nito. Ang patakarang gerang lahatang-panig at mga pinatinding pakikidigmang sikolohikal ng rehimeng Aquino at Ramos ay hindi nakasagka sa ibayong pag-unlad ng rebolusyonaryong kilusan sa ideolohiya, pulitika, organisasyon at militar.

Nasa pusisyon ang Partido at BHB upang ibayo pang paigtingin ang pakikidigmang gerilya. May 81 larangang gerilyang sapat ang lakas sa buong kapuluan upang matatag na harapin at biguin ang OPMAK. Mayroon itong kakayahang maglunsad ng mga taktikal na opensiba at isulong ang pampulitikang kampanya laban sa pasistang layon ng oplan. Higit kailanman, armado ang mga rebolusyonaryong pwersa ng kaalaman sa mga ispesipikong kalagayan ng mga lugar na kinikilusan upang gupuin ang oplan.

Ang lagim na ihahasik ng Oplan Makabayan ay dagdag na gatong sa nagliliyab na galit ng taumbayan. Tiyak ding bibiguin ang OPMAK at itatapon sa kangkungan ng kasaysayan.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Hulyo 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Puspusang ilantad, labanan at ihiwalay ang reaksyunaryo, papet at pasistang rehimeng US-Estrada

Agosto 20: Natitipong unos laban sa naghaharing pangkating Estrada
Tatalim ang alitan ng mga reaksyunaryo hinggil sa pagbabago ng konstitusyon
Oplan Makabayan:
Pasistang pakana ng rehimeng US-Estrada
Tugon ng Timog Katagalugan sa Oplan Makabayan:
Taktikal na opensiba, kilusang masa

Ang malupit na hagupit ng liberalisasyon at deregulasyon sa sektor ng pangisda
Ang 'corporative scheme' ni Danding:
Ibayong pahirap sa mga magsasaka

Usaping "coco levy":
Lutong Danding pa rin

Pag-iral ng mga kartel:
Monopolyo sa industriya ng asukal at iba pang pangunahing tanim

Ika-1 ng Oktubre 1999:
Ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng tagumpay ng Rebolusyong Tsino!

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.