155,000 patay sa tsunami sa Indian Ocean
Aabot sa 155,000 ang namatay nang hagupitin ng mga tsunami noong Disyembre 26 ang mga baybay ng silangan at kanlurang dulo ng Indian Ocean. Daan-daang libo pa ang sugatan. Aabot naman sa limang milyon ang nawalan ng mga tahanan at nawasak ang mga kabuhayan.
Karamihan sa mga biktima ay mga mangingisda at iba pang maralitang naninirahan sa mga baybaying komunidad.
Ang mga tsunami ay ibinunsod ng lindol sa ilalim ng silangang bahagi ng Indian Ocean. Sumukat ito nang 8.9 sa Richter Scale, pinakamalakas sa nagdaang 40 taon.
Pangunahing binayo ang Aceh, isang prubinsya sa hilagang dulo ng Sumatra, Indonesia. Tinatayang aabot sa 80,000 ang bilang ng namatay sa Aceh, kabilang ang 40,000 o 80% ng populasyon ng bayan ng Meulaboh. Ang Aceh ay mahigit 160 kilometro lamang mula sa sentro ng lindol.
Hinampas din ng matataas na alon ang kanlurang bahagi ng Sumatra, ang pinakamalaking isla sa Indonesia. Sa kabuuan, tinatayang hihigit sa 100,000 ang kabuuang bilang ng namatay sa Indonesia. Aabot naman sa 30,000 ang namatay sa Sri Lanka, 9,500 sa India at 5,000 sa Thailand. May mga namatay din sa Myanmar, Maldives, Somalia at Kenya.
Nagpaabot ng pakikiramay ang Partido Komunista ng Pilipinas.
Lubhang napakarami ng namatay sa tsunami dahil walang paraan para magbigay-babala sa mga taong naninirahan sa mga baybayin. Bagamat relatibong mura at limampung-taon nang nagagamit ang mga "tsunameter" (mga instrumento na nagbibigay-babala sa namumuong tsunami), wala ni isa sa mga bansang tinamaan ng pinakamatitinding hagupit ang may ganitong mga kagamitan.
Responsibilidad ng mga gubyerno sa mga bansang ito ang napakalaking bilang ng namatay. Kriminal na kapabayaan ng mga gubyernong ito ang kabiguang gumamit ng mga "tsunami early warning device." Patunay ito ng kawalan ng malasakit sa kapakanan ng daan-daang libo nilang mamamayan na naninirahan at nabubuhay sa mga baybay-dagat.
Lalong walang malasakit ang imperyalistang US. Kahit may suspetsa na ang mga ahensya ng US na may namumuong tsunami sa Indian Ocean, hindi ito gumawa ng anumang hakbangin upang ipaabot ang impormasyong ito sa mga kinauukulang bansa. Subalit kaagad itong nakapagpaabot ng babala sa base militar nito sa Diego Garcia.
Sa harap ng napakalaking trahedya, inianunsyo ng US na $18 milyon lamang ang iaambag nitong tulong sa mga bansang nabiktima ng trahedya. Binatikos ito ng internasyunal na komunidad na labis na nagngangalit sa lubhang napakaliit na halagang inilaan ng US para ipantulong sa mga biktima, lalupa't kung ihahambing sa $1.5 bilyong araw-araw na badyet sa gera at pananakop.
Muli ring ipinakita ng rehimeng Arroyo ang lantarang oportunismo at kawalan ng malasakit nito sa mapait na sinapit ng milyun-milyong biktima ng tsunami nang ipangalandakan nito ang pakinabang ng turismo sa bansa dahil sa pagsasara ng maraming tourist destination sa mga apektadong lugar.
Kabaligtaran nito, ang mga komunista at rebolusyonaryong pwersa, laluna sa Sri Lanka, India at Aceh, ay maagap na nagsagawa ng mga operasyon upang ikoordina ang mga tulong at tiyakin na ang mga ito'y makararating sa pinakaliblib na lugar na tinamaan ng mga tsunami. Bilang pagkilala sa kanilang awtoridad, ang mga internasyunal na makataong ahensya ay nakipagkoordina at nakipagtulungan sa kanila.
Ano ang tsunami?
Ang tsunami (binibigkas na su-na-mi) ay isang serye ng malalaki at mabibilis na alon na ibinubunsod ng malakas na paggalaw ng lupa sa ilalim ng dagat o malapit sa dagat dulot ng lindol o mga pagsabog ng bulkan. Ang tsunami ay karaniwang nag-aanyong mabilisang pagbaba at pagtaas ng tubig sa mga aplaya. Sa serye ng mabibilis na along ito, maaaring may isa o higit pa sa mga ito ang mag-anyong malaking alon, depende sa layo mula sa pinagmulan nitong paggalaw ng lupa. Depende rin sa lakas ng lindol o pagsabog ng bulkan, ang mga tsunami ay maaaring magtagal nang hanggang ilang oras. Pinakakaraniwan ang mga tsunami sa Pacific Ocean na pinalilibutan ng humigit-kumulang 1,150 bulkan (ang tinatawag na "Pacific Ring of Fire"), kapwa sa lupa at ilalim ng dagat. |
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|