Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Rebolusyonaryong Kilusan sa Gitnang Luzon
Pagbangon at Pagpapanibagong-Lakas

Maaliwalas ang hinaharap ng armadong rebolusyon sa Gitnang Luzon. Bunga ng puspusang pagtatakwil sa maling linya, mahigpit na pagkapit sa wastong linya at masigasig na pamumuno sa mga pakikibakang bayan, patuloy na nagpapanibagong-lakas ang Partido, Hukbong Bayan at kilusang masa sa rehiyon.

Sa kabila ng anti-Partidong panghahati at pananabotahe na nakagulo sa rebolusyonaryong pwersa sa dalawang prubinsya, matatag na sumusulong sa kabuuan ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Ang kasapian ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa nitong Mayo 1997 ay lumaki nang mahigit 350% kung ikukumpara sa bilang noong 1992. Dumami rin nang 26% ang bilang ng baryong nakikilusan, 50% ang bilang ng mandirigma ng Hukbo at 14% ang kasapian ng Partido.

Nagpapanibagong-sigla rin ang ligal na demokratikong kilusan sa mga syudad at sentrong bayan ng Gitnang Luzon.

Labing-walong welga ang inilunsad mula 1996 hanggang 1997 sa iba�t ibang mga pabrika sa Bataan, Bulacan at Pampanga na nilahukan ng higit sa 1,700 manggagawa para igiit ang pagpapataas sa kanilang sahod. Ang naturang mga pagkilos ay matagumpay na nailunsad sa kabila ng pananakot at panggigipit na dinanas ng mga manggagawa mula sa kamay ng mga kapitalista at ng Department of Labor and Employment. Bukod sa welga, dumalo rin ang daan-daang mga manggagawa sa rehiyon sa mga aksyong masa laban sa pagtaas sa presyo ng langis, deregulasyon ng industriya ng langis at sa pakanang �charter change' ng rehimeng Ramos. Higit sa 3,000 manggagawa ang dumalo sa raling inilunsad upang gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa at ilang daan ang nakiisa sa pagkilos na idinaos sa Maynila laban sa pambubuladas ni Ramos sa kanyang State of the Nation Address.

Ang militanteng kilusang manggagawa sa rehiyon ay sumasaklaw sa mahigit 60 pabrika sa limang prubinsya. Ang mga pabrikang ito ay may ilampung libong manggagawa at mga unyong sumasaklaw sa 85% ng mga manggagawa. Nakatayo sa malaking mayorya ng mga unyon ang lihim na rebolusyonaryong bag-as ng Partido o di kaya�y ng mga sulong na aktibistang manggagawa.

Nitong 1997, libu-libong estudyante mula sa 16 na malaking paaralan ang lumahok sa 19 na aksyong masa. Malaganap at masigla rin ang gawaing propaganda at edukasyong pampulitika sa hanay ng mga estudyante. Tampok na mga isyu ang Education 2000, Medium Term Philippine Development Program, imperyalistang globalisasyon, APEC, pagtaas ng presyo ng langis, karapatang-tao, pagtaas ng matrikula at mga isyung kaugnay ng karapatan at kagalingan ng mga estudyante. Mula 1996 hanggang 1997, halos 8% ang inilaki ng kasapian ng Kabataang Makabayan sa rehiyon.

Mga Mayor na Salik

Ang higit na nakararaming kadre at kasapi ng Partido sa rehiyon ay determinado sa pagwawasto sa mga nakaraang paglihis at pagkakamali. Mahigpit din silang tumatalima sa wastong linya ng demokratikong rebolusyong bayan at malawak at masinsing pakikidigmang gerilya na nakabatay sa papalapad at papalalim na baseng masa. Ang mga ito ang pinakamahalagang dahilan ng makabuluhang mga pagsulong na natamo ng rebolusyonaryong kilusan sa Gitnang Luzon. Sa pamumuno ng Komiteng Panrehiyon ng Partido, iwinaksi ang maling linya ng estratehikong kontra-opensiba (strategic counter-offensive o SCO) sa loob ng estratehikong depensiba. Ito ang nagdulot ng maling transpormasyon ng Hukbo sa mga panlabang yunit na libre sa gawaing masa, na labis na nagpahina sa gawaing masa at kakayahang militar sa mga lokalidad, at pagkatapos ay sinundan pa ng walang patumanggang pagpapaigting ng digma.

Ang kasapian ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa nitong Mayo 1997 ay lumaki nang mahigit 350% kung ikukumpara sa bilang noong 1992.
Iwinaksi rin ang linyang insureksyunista na labis na nagpalaki sa timbang ng pakikibakang lunsod, nagpaigting sa pakikidigmang partisanong sumagasa sa kilusang masa at pakikibakang lunsod, naglaro ng insureksyon, at dumistrungka sa wastong latag ng pwersa at pakikibaka sa kanayunan at kalunsuran. Itinakwil din ang oportunistang linyang salungat sa wastong linya sa uri ng rebolusyong dalawangyugto, na nagpalabnaw sa makauring batayan ng pakikipag-isang prente at nagwaksi sa proletaryadong pamumuno ng Partido sa rebolusyon.

Determinadong binaka ng Partido sa Gitnang Luzon ang mga naturang kamalian. Muling binigyang diin ang pagbubuo ng mga organisasyong masa at ng Partido sa batayang antas sa lunsod man o kanayunan. Pinasimple ang istruktura ng pangangasiwa para maitalaga sa gawaing masa at pagbubuo ng mga lokal na sangay ng Partido ang pinakamalaking bilang ng kadre ng Partido. Ipinatupad ang sistema ng pag-uulat sa bawat antas ng organisasyon at pana-panahon, ang mga namumuno ay nagsasagawa ng tuwirang pagsisiyasat sa mga nakabababang yunit, hanggang sa batayang antas.

Kaakibat ng malalim na pag-uugat ng mga kasama sa masa, iwinasto ang mahigit isang dekadang kapabayaan sa pag-aaral ng mga saligang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo- Maoismo at mulat na aplikasyon nito sa rebolusyonaryong praktika. Ang kapabayaang ito�y nagdulot ng malalaking kalituhan, paglihis at kamalian. Ang paglitaw ng linyang SCO mismo ay manipestasyon ng mababaw na pagsapol sa teorya ng digmang bayan.

Sa pang-ideolohiyang konsolidasyon ng Partido sa rehiyon, ipinatupad ang wastong estilo ng pag-aaral na nagsasanib ng rebolusyonaryong teorya sa rebolusyonaryong praktika sa pamamagitan ng masinop na teoretikong edukasyon, pagsasagawa ng mga panlipunang pagsisiyasat, pagtatasa at paglalagom at pagpuna at pagpuna-sa-sarili. Mahalagang bahagi ng pagwawasto sa larangan ng edukasyong pampulitika ang pag-aaral sa moda ng produksyon at pagsusuri ng mga uri. Ilalagay nito sa matibay na tuntungan ang linya ng bagong demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Pinapawi nito ang maling pananaw ng mga insureksyunista na kapitalista na ang moda ng produksyon sa Gitnang Luzon (at Pilipinas) kung kaya�t insureksyon ang dapat na estratehiya sa rehiyon (at buong kapuluan). Nilagom din ang karanasan ng rebolusyonaryong kilusan sa Gitnang Luzon upang mula rito�y makahalaw ng mga aral at hindi na maulit pa ang mga kamalian at paglihis noong nakaraan.

Habang puspusang isinusulong ang kilusang pagwawasto sa rehiyon at ang mga gawain sa internal na konsolidasyon, mapangahas at malikhaing pumupwesto sa unahan ng pakikibaka ng mamamayan ang Partido. Tinitiyak nito na ang pakikibaka ay magluluwal ng ibayong pagdami at paglakas ng rebolusyonaryong organisasyon sa batayang antas at mag-aambag sa pagpapanibagong- sigla at muling paglakas.

Duyan ng Rebolusyon

May natatanging kabuluhan ang muling pagsulong at paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa Gitnang Luzon.

Sa Gitnang Luzon isinilang noong Disyembre 26, 1968 ang muling itinatag na Partido Komunista ng Pilipinas. Iniluwal ito sa gitna ng Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto na nagtakwil sa rebisyunismo ng pangkating Lava. Matapos ang tatlong buwan, sa ikalawang distrito ng Tarlac itinatag ang Bagong Hukbong Bayan. Binuo ang siyam na iskwad ng BHB at binuksan ang kauna-unahang larangang gerilya sa Pilipinas. Sinaklaw nito ang ikalawang distrito ng Tarlac at kanugnog nitong ilang bahagi ng Pampanga , Zambales at Nueva Ecija.

Sa Gitnang Luzon unang pumutok ang armadong pakikibaka. Nailunsad dito ang mga taktikal na opensiba na nakapagdagdag ng halos 200 ripleng awtomatik sa arsenal ng BHB.

Dito rin inilunsad ang ilan sa kauna-unahang mayor na aksyong masa na pinamunuan ng muling itinatag na Partido. Ginanap sa Tarlac noong Abril 1969 ang isang ligal na demonstrasyong nilahukan ng 50,000 katao. Nailunsad bago mag-batas militar ang isang malaking rali sa Clark Air Base laban sa digmang agresyon ng US sa Vietnam na dinaluhan ng may 100,000 katao. Ito ang naging bunga ng pagkilos sa hanay ng kabataan-estudyante at mga manggagawa bago pa mag-1968.

Sa kabila ng malalaking pananalakay ng kaaway, hindi nadurog ang rebolusyonaryong kilusan sa Gitnang Luzon. Gumamit ito ng mga pleksibleng taktika at mga pamamaraan sa kilusang lihim na nakapagpreserba sa hukbong bayan at rebolusyonaryong pwersa. Nakapaglunsad pa ng mga taktikal na opensiba ang BHB. Pagdating ng 1972, umabot na sa 15 ang iskwad ng Bagong Hukbong Bayan at kumikilos na ang mga ito sa limang prubinsya ng rehiyon. Mayroon na rin noong 320 myembro ng Partido sa rehiyon (na katumbas ng 16% ng kabuuang kasapian ng Partido sa taong iyon).

Sa pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa Gitnang Luzon, nakapagpalitaw ito ng mga tauhan at armas na tumulong sa pagtatanim ng binhi ng armadong pakikibaka sa ibang rehiyon. Patuloy nitong ginampanan ang nangungunang papel sa armadong pakikibaka at kilusang masa sa panahong inilalatag at inihahanda pa ang mga larangang gerilya sa iba�t ibang dako ng kapuluan.

Ang kalapitan ng Gitnang Luzon sa Kamaynilaan ay nagbiibigay ng namumukod na kabuluhan sa paglulunsad ng armadong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusang masa sa rehiyon. Dahil halos nasa tarangkahan na ito ng pambansang sentrong urban, madaling maitambol sa Maynila at ibang bahagi ng Pilipinas ang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan dito �- bagay na nakapagpapataas sa morale ng mamamayan at rebolusyonaryong pwersa at nagdudulot ng kakaibang dagok sa estado.

Ipinamalas ng Gitnang Luzon ang ganitong kakayahan noong unang hati ng dekada �80 nang lumubha ang krisis sa ilalim ng pasistang diktadurang US-Marcos. Ang malaganap na mga taktikal na opensiba at malalaking aksyong protesta sa rehiyon ay nakaambag nang malaki sa pagyanig sa diktadura at nakapagpabilis sa pampulitikang pagkakahiwalay at tuluyang pagbagsak nito. Sa huling taon ng pasistang diktadura, tatlong ambus, pitong reyd at malaganap na mga operasyong partisano ang isinagawa ng hukbong bayan. Sa Bataan, pinasabog noong Hunyo 1985 ang 27 mga tower ng transmission line ng plantang nukleyar. Sinundan ito ng ikalawang BEPZ (Bataan Export Processing Zone)-wide strike na nilahukan ng mahigit 10,000 manggagawa at ng welgang bayan laban sa pag-oopereyt ng plantang nukleyar noong taon ding iyon na nilahukan ng ilampung libong mamamayan. Umalingawngaw sa buong bansa ang mariing pagtutol ng mamamayan ng Bataan di lamang sa plantang nukleyar kundi maging sa diktadura.

Sa patuloy na pagsulong sa rehiyon ng kilusang pagwawasto, tiyak na patuloy din ang makabuluhang pag-aambag ng Gitnang Luzon sa kabuuang pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas.

Masalimuot na Landas

Bago nakalarga ang IDKP at pagpapanibagonglakas sa Gitnang Luzon, dumaan muna ito sa mahaba at masalimuot na pakikipagtunggali sa mga elementong petiburges na ayaw magpanibagonghubog at humarang sa kilusang pagwawasto sa rehiyon.

Noong 1994, nilagom ang 11 taong karanasan ng rebolusyonaryong kilusan sa Gitnang Luzon. Isang bloke sa pamunuan ng rehiyon na pinangungunahan ng magkalaguyong Bill (Luisito dela Cruz) at Olive (Caridad Magpantay) ang nagpanggap na nagtataguyod sa kilusang pagwawasto habang matigas namang nagtanggol sa linyang SCO at sa mga patakaran at tungkuling ipinatupad sa rehiyon alinsunod nito. Nakapangibabaw ang maling pananaw ng blokeng ito sa maraming usapin. Subalit nagkaisa rin ang Komiteng Panrehiyon na ihapag muna sa Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral ang resulta ng paglalagom.

Sa 55-araw na konsultasyon sa pagitan ng KTKR at ng KTKS noong unang kwarto ng 1996, nagpanggap ang ilan sa kanila na nakikipagkaisa sa husga ng kilusang pagwawasto sa linyang SCO, sa pagsusuri kung paano ito ipinatupad sa rehiyon at kung ano ang ibinungang pagbagsak at pagkagasgas ng pwersa, gayundin sa kasalukuyang mga patakaran ng Partido kaugnay ng kilusang pagwawasto. Nagpanggap din ang bloke na nakikipagkaisa sa pangangailangang ulitin ang paglalagom dahil kailangang ituwid ang mga maling kongklusyon nito.

Subalit pagkatapos ng konsultasyon, patuloy nilang ipinangalandakang �walang naganap na regularisasyon sa Gitnang Luzon' at �tama ang transpormasyon' ng Hukbo sa mga buongpanahong yunit panlaban. Sa kabila ng matiyaga at tuluy-tuloy na pagsisikap na hikayatin sila, nagmatigas sila sa pagtataguyod sa linyang SCO, laluna sa kumbinasyon ng bertikalisasyon ng hukbo at insureksyunismo, linyang burges sa nagkakaisang prente at pagbabase sa syudad.

Sa serye ng mga �pag-aaral' at �pulong' ay kanilang itinulak ang mga pagsusuri, linya at konseptong salungat sa kilusang pagwawasto at sa linya at mga patakaran ng Partido. Kasunod ay nagpakulo sila ng mga gawa-gawa at pinalaking isyu laban sa mga tapat na kasapi ng KR na ginamit para ipatupad ang sabay-sabay na resignasyon upang lumikha ng krisis sa organisasyon. Ginawa nila ito upang lalong maipwesto ang sarili sa pamunuan ng rehiyon at ihiwalay sa Partido ang panrehiyong organisasyon sa Gitnang Luzon.

Ginapang nila ang mga organo at indibidwal at tinangkang kunin ang kanilang simpatya sa pamamagitan ng pagkakalat ng lason at intriga laban sa matatapat na kasapi ng Partido.

Nang mapagpasyang humakbang ang KTKS at ang KR para sila ay sansalain sa maling ginagawa, tumungo na ang bloke sa lantarang pagpapaksyon at panghahati. Naobliga ang Partidong itiwalag at itakwil ang lumantad nang paksyong Bill-Olive noong Agosto 28, 1997. Si Nicolas Magdangal (Francisco Pascual) na sa simula�y nagpanggap na tagapamagitan habang aktibong kasabwat sa panghahati at pananabotahe ay itiniwalag din sa Partido noong Enero 1998, pagkaraang lumantad na pasimuno ng paksyong anti-Partido at nagtangkang manghati sa dating National Peasant Secretariat.

Mabigat ang pananagutan ng paksyon. Sa matagal na pagkaantala ng kilusang pagwawasto sa rehiyon, patuloy na nakalasap ng matitinding pinsala ang organisasyon ng Partido sa Gitnang Luzon. Tampok dito ang pagkahuli ng bag-as ng panrehiyong pamunuan na nakahon sa matagal na panahong pagbabase sa syudad. Sa lahat ng rehiyon, pinakamataas ang rekord ng Gitnang Luzon sa bilang ng mga kadreng nadakip sa urban. Sa naturang pangyayari, hindi lamang napilayan ang pamunuan ng rehiyon kundi nakasamsam pa ang kaaway ng pinakasariwa at detalyadong datos tungkol sa latag ng pwersa at mga gawain.

Bukod ito sa disoryentasyon at demoralisasyon sa mga kadre at mandirigmang likha ng paguurong- sulong sa pagwawasto at pananaw sa linyang SCO. Sa labis ding pagkaantala ng rektipikasyon, patuloy na nagpatung-patong at lumala ang mga dati nang kamalian at suliranin, kabilang na ang problema sa relasyon sa masa� bagay na nagdulot ng dagdag pang mga pinsala at kahirapan.

Subalit ang paksyunalismo at panghahati mismo�ang tahasang pangwawarat sa Partido, Hukbo at baseng masa�ang pinakamalaking pinsalang ginawa ng mga pwersang anti-rektipikasyon na ngayo�y naging lantad nang anti-Partido. Ang paksyunalismo at panghahati ng trio ang pinakamapait na bunga ng malulubhang paglihis at pagkakamali sa nakaraan.

Bagamat napigilan silang magkalat sa kalakhan ng panrehiyong organisasyon, labis na nakapanggulo ang trio sa Partido, Hukbo at baseng masa sa Bataan at Zambales, ang dalawang prubinsyang matagal na kinontrol ng mga pasimuno ng paksyon. Sa lahat ng lalawigan sa Gitnang Luzon, tanging ang dalawang ito ang hindi nakapagtala ng paglaki ng kasapian ng Partido, Hukbo at ng baseng masa mula 1992.

Nabigo ang trio sa pagtatangkang gamitin ang mga natangay nilang kadre at mandirigma upang manggulo sa mga katabing prubinsya. Sa Bulacan, tinangka nilang manlinlang at manghatak. Subalit napatalsik ang pangunahing �asset' ng mga paksyunalista sa prubinsya nang wala man lamang natangay kahit isa sa organisasyon ng Partido at baseng masa. Arogante silang gumagamit ng armadong pagbabanta, tulad ng pananakot sa masa at rebolusyonaryong pwersa sa ilang lugar sa Bataan na nabawi ng Partido. Nariyang iparada nila ang kanilang nakaripleng pormasyon, kasabay ng pagpwersa sa masa na mamili ng panig na sasamahan. Ang mga taumbaryong natutukoy nilang napapakilos ng Partido ay pilit ding pinatitigil sa pagtulong sa rebolusyon. Subalit ayon na rin sa ulat ng yunit na nasa gawaing masa sa mga lugar na ito, lulugo-lugo ring umaalis ang armadong grupo ng paksyon dahil �sa kilusan at Partido ang komitment ng masa'.

Sa harap ng ganitong mga probokasyon, mahigpit na iniiwasan ng mga proletaryong rebolusyonaryo ang armadong kumprontasyon upang patampukin ang pampulitikang paglalantad sa mga paksyunalista.

Sa kabilang banda, tuluyan nang nabulok ang mga pwersang nalinlang at natangay ng mga paksyunalista. Tulad ng mga bandidong pangkating Taruc-Sumulong, nauwi sa pangingikil ang mga armadong grupo ng pangkatin. Nagbubunga ito ng mabilis na disintegrasyon at pagkakawatak-watak sa kanilang hanay. Ang mga natangay na kabataang mandirigma, halimbawa, na dating punung-puno ng sigla ay nanlalamig, lubusang nawawalan ng loob at umaalis matapos ang ilang buwan lamang na paglabas at pagsalungat sa linya at mga saligang prinsipyo ng rebolusyon.

Ngayon, ang paksyon ay lantad na nakipagsanib sa Alex Boncayao Brigade- Revolutionary Proletarian Army (ABB-RPA) ni Sergio Romero at iba pang grupong nauna nang humiwalay sa Partido gaya ng pangkating Manjet Manalo. Nakatuon na ang kanilang atensyon sa panggugulo sa kilusang masa sa Maynila-Rizal dahil mabilis nang nalalansag ang pwersang natangay nila sa kanayunan. Para matupad ito, bumubuo sila ng sapin-saping mga alyansa na pawang nakatuntong sa mga pwersang nag-oopisina (walang matatawag na baseng masa) at nagdadala ng linya ng lumangtipong pambansang demokrasya (pakikibakang pinamumunuan ng burgesya).

Patuloy ang kanilang pagsasaboy ng lason at intriga laban sa Partido at pambabaluktot sa mga saligang prinsipyo nito. Nitong Abril, inilabas nila ang katawa-tawang paratang na �inaabanduna na ng Partido ang ligal na pakikibaka� at puro pagsusulong na lamang daw ng armadong pakikibaka sa kanayunan ang aatupagin nito. (tingnan ang kaugnay na artikulo)

Ang tanging positibong bagay na masasabi sa naturang paksyunalismo at panghahati ay ang aral na idinulot nito sa mga sinsero at matapat na kadre at kasapi ng Partido. Ang mga paksyunalista ay nagsilbing mga buhay na negatibong halimbawa ng mga elementong petiburges na tumigil sa pagpapanibagong-hubog, nabulok hanggang sa humantong sa pananabotahe at pangwawasak sa loob.

Ang mapait na karanasan sa internal na tunggalian at ang baku-bakong dinaanan ng rektipikasyon ay nag-iwan ng napakalalim na mga leksyon sa tunggalian ng dalawang linya. Sa proseso ay ibayong lumalim ang pagsapol ng mga kadre at kasapi ng Partido sa rehiyon sa mga usapin sa prinsipyo, linya at mga patakaran ng Partido.

Sa tulak ng pukpukang pakikipagtunggali sa mga paksyunalista, sininop ng matatapat na elemento ng Partido ang wastong paglalagom sa mga karanasan (mula 1982 hanggang 1997), pagpapalaganap ng mga pag-aaral sa mga kurso ng Partido, pagpapalakas at pagsusulong ng gawaing masa at kilusang masa.

Mahigpit na hawak ang mga aral mula sa mga positibo at negatibong karanasan, nasa mahusay na katayuan ngayon ang Partido sa Gitnang Luzon na pamunuan ang rebolusyonaryong pakikibaka sa rehiyon sa gitna ng matinding krisis ng naghaharing sistema.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Abril 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Erap Kontra Mahirap

Mula sa tagapaglathala:
Bagong kapasyahang muling ilathala ang Ang Bayan

Ang pagbabalik ng mga Marcos sa poder
KS: Arestuhin ang mga alipures ng diktador
Rebolusyonaryong Kilusan sa Gitnang Luzon
Pagbangon at Pagpapanibagong-Lakas
Nueva Ecija: Matingkad na Pagsulong
Tungkol sa mga Buladas ng Triong Magdangal-Bill-Olive
Hambalos ng "Globalisasyon" at Krisis sa Manggagawang Pilipino
Rebolusyonaryong Kilusang Lihim sa Pabrika, Sumusulong
25 Taong Tagumpay sa Rebolusyonaryong Nagkakaisang Prente
Paggalang sa karapatang-Tao:
Integral sa kondukta ng digmang-bayan

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.