Karagdagang buwis sa langis, ipapapasan sa mamamayan
Sa kabila ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis, binabalak ng rehimeng Arroyo na itaas pa mula 3% tungong 5-7% ang taripa sa pag-aangkat ng mga produktong petrolyo. Tiyak na ngang tataas ang presyo ng langis dahil dito, subalit ang mas masahol pa rito, dadagdagan din ng P2.00 bawat litro ang excise tax o buwis na tuwirang sisingilin sa mga kumokonsumo ng lahat ng produktong petrolyo, maliban sa LPG (liquefied petroleum gas). Inaasahan ng Malakanyang na makalilikom ito ng P34.3 bilyon bawat taon mula sa mga buwis na ito, na siyang pinakamabibigat sa mga karagdagang buwis na balak ipapasan ng rehimen sa mamamayan.
Walang naniniwala sa sinasabi ng rehimen na ang karagdagang buwis na ito ay isasabalikat ng mga kumpanya sa langis. Katunayan, mismong ang mga kumpanya sa langis ang nagbabala na itataas nila ang presyo ng gasolina nang hanggang P1.20 kada litro, at ng diesel, P1.50 kada litro. Pinaplano na ring taasan ang presyo ng LPG nang mula 50 sentimos hanggang P1 bawat kilo.
Alam na alam ng Malakanyang na malaki ang posibilidad na sumiklab ang malawakang galit ng mamamayan sa pagpapapasan sa kanila ng karagdagang buwis na ito. Kaya't tusong binabalak ng rehimen na itaon ang pagpapataw ng karagdagang buwis kapag bumababa ang presyo ng gasolina sa pandaigdigang pamilihan. Sa gayon, walang anumang kaluwagang matatamo ang mamamayan. Tumaas man o bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan, tataas pa rin ang presyo ng mga ito sa Pilipinas.
Napakabigat na para sa mamamayan ang abereyds na 50 sentimong karagdagang ipinapatong ng mga kumpanya ng langis sa bawat pagtaas ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Lalo pang mabigat na pasanin ang ipapatong pa ritong karagdagang buwis sa langis.
Sa harap nito, wastong pinanawagan sa kongreso ng mga progresibo ang nasyunalisayon ng industriya ng langis sa bansa at pagbabasura sa batas sa deregulasyon nito. Mahigit 60 beses nang itinataas ang presyo ng langis sa loob ng walong taong pag-iral ng batas sa deregulasyon ng industriya ng langis.
Ang pinakahuling pagtataas sa presyo ng mga pangunahing produktong petrolyo ay naganap nito lamang Agosto 3, kung saan dinagdagan ng 50 sentimos ang presyo bawat litro ng gasolina, krudo at gaas. Ito ang ikapitong pagtataas sa presyo ng gasolina at ikaanim na pagtataas sa presyo ng krudo mula noong Enero 2004.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|