Sagpangin ang bawat pagkakataon, isulong ang digmang bayan
Ni Armando Liwanag Tagapangulo, Komite Sentral Partido Komunista ng Pilipinas
Sa ika-32 anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido komunista ng Pilipinas sa Bagong Hukbong Bayan, nagpupugay tayo sa mga Pulang kumander at mandirigma at binabati sila sa mga tagumpay na kanilang naipagwagi sa kasaysayan at sa kasalukuyan sa pamamagitan ng masikhay na pakikibaka at di makasariling pagpapakasakit.
Igawad natin ang pinakamataas na parangal sa ating mga rebolusyonaryong martir at bayani. Inspirasyon natin sila upang makibaka nang higit pang determinado at higit pang masigasig kaysa alinmang panahon sa nakaraan para sa rebolusyonaryong mithiin ng pambansang kalayaan at demokrasya.
Ang Bagong Hukbong Bayan ang pangunahing organisasyon upang ipatupad ang prinsipal na anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka, ang armadong pakikibaka. Sa paraang ito lamang natin maibabagsak ang kapangyarihang pang-estado ng mga mapagsamantalang uri at maitatatag ang demokratikong kapangyarihan ng mamamayan. Kumikilos ngayon ang BHB sa mahigit 100 larangang gerilya sa napakalaking mayorya ng mga prubinsya sa bansa. Mayroon itong libu-libong Pulang mandirigma na pinalalakas pa ng higit na malaking bilang ng mga milisya at yunit sa pagtatanggol-sa-sarili sa libu-libong baryo. Lahat ng ito ay humahango ng lakas mula sa milyun-milyong mamamayan. |
Mula nang ito�y itatag noong Marso 29, 1969, nagkamit ang BHB ng maalingawngaw na mga tagumpay sa pamumuno ng Partido, na ginagabayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Naisulong nito ang bagong-demokratikong rebolusyon ng proletaryado at mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan laban sa naghaharing sistema ng malalaking kumprador at mga panginoong maylupa na dominado ng US.
Mula noong Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, naituwid ng BHB ang malulubhang pagkakamaling "Kaliwa" at Kanang oportunismo. Bunga nito, nakonsolida at napalawak nito ang rebolusyonaryong hanay at baseng masa at nabigwasan ng nakamamatay na mga dagok ang kaaway.
Kumikilos ngayon ang BHB sa mahigit 100 larangang gerilya sa napakalaking mayorya ng mga prubinsya sa bansa. Mayroon itong libu-libong Pulang mandirigma na pinalalakas pa ng higit na malaking bilang ng mga milisya at yunit sa pagtatanggol-sa-sarili sa libu-libong baryo. Lahat ng ito ay humahango ng lakas mula sa milyun-milyong mamamayan.
Sa pagtahak sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan at yugtu-yugtong pag-iipon ng lakas, inilulunsad ng BHB ang pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa sa kasalukuyang yugto ng estratehikong depensiba. Isinasanib nito ang armadong pakikibaka sa reporma sa lupa at pagbubuo ng baseng masa.
Nasa pusisyon ang BHB na ibayo pang lumakas sa gitna ng papalalang krisis ng lokal na naghaharing sistema at ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Mataas ang antas ng rebolusyonaryong kamalayan ng mga proletaryong rebolusyonaryo, mga Pulang kumander at mandirigma at subok na at napanday sa mga labanan at puspusang paggawa. Kung gayon, magagawa nila, na samantalahin ang mga paborableng obhetibong kundisyon para sa armadong rebolusyon.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|