Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal: Igiit ang laban para sa P125 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa!

 Read this article in English

Lubos na makatarungan ang kahilingan ng masang manggagawang Pilipino para sa pambansa at across-the-board na karagdagang P125 sahod. Wasto lamang na ito ay mahigpit na panghawakan at militanteng ipaglaban ng mga manggagawa. Dahil makatwiran, tinatamasa nito ang malawak na suporta ng iba�t ibang demokratikong sektor.

Ang pakikibaka ng mga manggagawa para sa karagdagang sahod ay isang mayor na pampulitikang hamon sa rehimeng Macapagal-Arroyo. Nakaambang lalong mabilis na mahiwalay ang rehimen sa mamamayan kung tatanggihan nito ang P125 dagdag na sahod na iginigiit ng mga manggagawa.

Ang kakarampot na sahod ng mga manggagawa ay hindi na makaagapay sa harap ng pagsirit ng presyo ng mga karaniwang bilihin.

Nito lamang nakaraang mga buwan, itinaas ng mga kumpanya ng langis nang mahigit 80 sentimos bawat litro ang presyo ng mga produktong petrolyo. Ang pagtaas ng presyo ng langis ay isa sa pinakamalalaking salik sa pagtaas ng presyo ng mga karaniwang bilihin. Ayon sa mismong datos ng gubyerno, bawat buwan mula Mayo ay tumaas nang humigit-kumulang 7% ang presyo ng mga bilihin.

Mismong sa pananaliksik ng National Wages and Productivity Commission, isang ahensya ng gubyerno, nakitang kinakailangang kumita ng P509 bawat araw para tugunan ang mga batayang pangangailangan ng isang anim-kataong pamilya. Kung gayon, sadyang hindi makaaagapay ang tinatanggap na minimum na sahod na P250 (sa Metro Manila).

Kung tutuusin, ang hinihinging karagdagang sahod ng mga manggagawa ay bahagyang pagbawi lamang sa dating halaga nito. Sa taya ng Kilusang Mayo Uno noong kalagitnaan ng 1999, ang halaga ng piso ay bumagsak nang mahigit 30% mula 1994. Mula noon, tumaas naman ang gastos sa pamumuhay nang mahigit 87.3%. Ang pagkamit ng hinihinging 50% karagdagan sa sahod ng mga manggagawa, kung gayon, ay malayong kulang pa para pumuno sa malaki nang nawala sa kanilang kinikita.

Sinimulang ipaglaban ng mga manggagawang Pilipino ang P125 across-the-board na karagdagang arawang sahod sa buong bansa noon pang 1998. Inilunsad ito sa gitna ng mabilis na pagbagsak ng kanilang kabuhayan at pagtaas ng mga presyo. Itinulak ito ng matinding dagok na idinulot ng krisis panlipunan sa sahod at sa katayuang panlipunan ng mga manggagawa. Bumulusok ang ekonomya ng Pilipinas na kinatampukan ng matarik na pagsadsad ng halaga ng piso sa palitan, pagtumal ng kalakalang panlabas at ng lokal na produksyon, paglaki ng disempleyo at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Nitong nagdaang mga taon, ang paggiit ng mga manggagawa para sa karagdagang sahod ang naging pangunahing laman ng mga welga at rali sa lansangan. Kinilala ang katumpakan ng kahilingang ito, niyakap ng malawak na hanay ng mga manggagawa at sinuportahan ng iba�t ibang sektor. Noong 2000, inihain sa kongreso ang panukalang batas para sa P125 dagdag na sahod ngunit binarahan ito.

Sa kabila ng napakalinaw at napakakagyat na pangangailangan para sa malaki-laking karagdagang sahod sa buong bansa, walang ginawang positibong hakbangin ang reaksyunaryong gubyerno upang harapin ito.

Sa mga nakaraang taon, tila pinatakan ng kalamansi ang sugat ng mga manggagawa nang iniutos ang kakarampot na mga pagtaas sa sahod. Ang akumulasyon ng mga idinagdag sa sahod mula 1997 ay aabot lamang ng P69 bawat araw na hindi man lamang sapat upang makaagapay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mga nakaraang taon. Umaabot na ngayon sa mahigit P292 ang agwat sa pagitan ng mabilis na lumalaking gastos para sa disentang pamumuhay at ng napakababang tinatanggap na minimum na arawang sahod ng mga manggagawa.

Mismis ang kapalit na inihahain ng rehimeng Macapagal-Arroyo, tulad ng iminumungkahi niyang Emergency Cost of Living Allowance (ECOLA) at panukalang bawasan ang binabayarang buwis. Maliit na halaga at pansamantalang lunas lamang ang mga ito. Sa katunaya�y pinaabonohan lamang sa mga negosyante ang ECOLA. Ibabalik ito ng mga manggagawa kapag may makamit silang dagdag na sahod o alawans. Ang kabawasan naman sa buwis ay napakaliit na bentahe at babawiin din ng gubyerno sa pamamagitan ng pagbabawas ng badyet para sa mga serbisyong panlipunan. Dagdag pa�y hindi aplikable ang kabawasan sa buwis sa kaso ng mga manggagawang tumatanggap lamang ng minimum na sahod.

Binibigyang-katwiran ang pagpigil sa makabuluhang pagtataas sa sahod ng mga manggagawa sa pamamagitan ng mga sagadsaring maka-imperyalista at anti-manggagawang teorya at argumento. Pinakabulaan sa mga ito ang pagsasabing anti-manggagawa ang pagtataas sa sahod ng mga manggagawa dahil umano�y magbubunsod ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, magreresulta sa pagbagsak ng mga empresa at paglaki ng disempleyo at magpapalala sa krisis sa ekonomya.

Ang neokolonyal na patakaran ng murang lakas-paggawa ang pangunahing usaping kagyat na kinakaharap ngayon ng masang manggagawang Pilipino. Kailangang isanib ang puspusang paglaban ng mga manggagawa para sa karagdagang sahod sa paglaban sa patakaran ng murang lakas-paggawa na dikta ng IMF-WB at umaayon sa "globalisasyon", liberalisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon.

Nagpupuyos ang damdamin ng mga manggagawa sa harap ng paulit-ulit na pagsambit ng rehimeng Macapagal-Arroyo na kailangan nilang tiisin ang mga hakbang sa pagtitipid samantalang pinababayaan nitong mabundat sa tubo ang malalaking kapitalista. Ito�y sa harap din ng sitwasyong tumatanggap ng milyun-milyong pisong sweldo ang mga pinuno at upisyal ng mga ahensya ng gubyerno at malalaking pribado at pampublikong korporasyon samantalang ang sahod ng mga manggagawa ay nakapako sa napakababang antas.

Kinakailangang puspusang ipaglaban ng mga manggagawang Pilipino ang kahilingan para sa karagdagang P125 sa kanilang arawang sahod upang sagkaan ang mabilis na pagbagsak ng kalilad ng pamumuhay ng mga manggagawa at ng kanilang mga pamilya. Higit dito, ang tuluy-tuloy na pagsusulong at pagpapalakas ng pakikibaka ng mga manggagawa ay magsisilbi para patatagin ang kanilang pampulitika at panlipunang katayuan at palakasin ang kakayahan sa pagsusulong ng mga pakikibaka ng mamamayan at ng kanilang uri.

Nakatakdang ipanukala sa kongreso ang karagdagang P125 sa arawang sahod. Ang bagong halal na si Kongresman Crispin Beltran, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno at lider ng Bayan Muna ang mismong maghaharap nito. Kinakailangan itong suportahan nang buung-buo. Gayundin, kinakailangang suportahan ang pagbasura sa batas na nagbuo ng mga Regional Wage and Productivity Board na siyang ginagamit upang hatiin ang hanay ng mga manggagawa, ikalat at pahinain ang kanilang pakikibaka at baratin ang kanilang mga sahod.

Ang higit na mahalagang salik upang maging matagumpay ang labang ito ay ang pagbubuo ng pinakamalawak na posibleng pagkakaisa sa hanay ng mga manggagawa kasabay ng pagpupunyagi nila sa militanteng landas ng pakikibaka. Anumang makakamit na tagumpay ng mga manggagawa, higit sa anupaman, ay nakasalalay sa lawak at igting ng kanilang paglaban sa mga pabrika at lansangan sa buong bansa. Napakalaking halaga rin ang malawak na suporta rito ng iba pang progresibong sektor at demokratiko uri sa lipunan.

Responsibilidad ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa na itaas ang kamulatan at militansya ng mga manggagawa upang magpunyagi sila sa pakikibaka laban sa malaaliping pasahod at isanib ito sa pangkalahatang paglaban kaisa ang mga demokratikong uri at sektor upang wasakin ang mapang-aping malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan at hawanin ang landas tungo sa ganap na pagpapalaya ng uri at ng mamamayan mula sa pagsasamantala at pang-aapi.

 


 Back to topNext article

Hulyo 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Igiit ang laban para sa P125 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa!
Mga milyunaryo sa gubyerno: Lantarang pandarambong sa kaban ng bayan
Ang halalan para sa party list at ang wastong papel ng mga progresibo sa loob ng reaksyunaryong parlamento
Mga katotohanan sa likod ng "pagmamalasakit" ni "Ate Glo" sa maralitang lunsod
Paggamit sa bansa bilang base militar, patuloy na iginigiit ng US
Patunay ng direktang pakikialam
Igiit ang pagpaparusa kina Estrada, mga Marcos at iba pang may mabibigat na kasalanan sa bayan!
Patuloy na lumalala ang sistema ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo
Kabataan at estudyante laban sa ROTC: Pagkakaisa laban sa dagdag-pasanin, bulok at maanomalyang programa
Mga balita ng pakikibaka
Pulong ng Group of 8 binatikos ng malalaking protesta
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.