Ang rebolusyonaryong peryodismo, ayon kay Manong Tony Zumel
Si Antonio Zumel, isa sa pinakamahuhusay na rebolusyonaryong peryodista, ay mas kilala bilang "Manong" ng laksa-laksang mga aktibista at rebolusyonaryo. Nitong Agosto 10, sa ika-72 anibersaryo ng kanyang
kapanganakan, inilunsad ng mga kasama, kapamilya at sarisaring kaibigan ng rebolusyonaryong kilusan ang Antonio Zumel Foundation. Kasabay nito, inilunsad rin ang isang koleksyon ng kanyang mahahalagang sulatin mula pa noong dekada 1960.
Tampok sa paggunita sa buhay ni Manong ang kanyang kontribusyon sa rebolusyonaryong peryodismo at sa rebolusyonaryong gawaing propaganda sa pangkalahatan.
Mataas ang pagpapahalaga ni Manong sa mga "datos" o sa kongkretong kalagayan at kongkretong karanasan ng mamamayan. Ito rin ang palagi niyang paalala sa mga manunulat at sinumang nasa gawaing rebolusyonaryong propaganda. Ayon kay Prof. Carolina "Bobbie" Malay ng UP College of Mass Communications at dating kakolektibo ni Manong sa Ang Bayan, importante ang mga datos para maging epektibo ang rebolusyonaryong propaganda. Bilang editor ng upisyal na pahayagan ng Partido Komunista ng Pilipinas, laging idinidiin ni Manong sa mga manunulat ng AB ang kahalagahan nito dahil, aniya, nakikipaglabanan tayo para sa damdamin at isipan ng mamamayan.
Dapat palaging alalahanin na babad sa sarisaring propaganda ng kaaway ang masa. Palaging idinidiin ni Manong na dapat maging mas mahusay at mas matalas ang mga rebolusyonaryong pahayagan tulad ng Ang Bayan, Liberation (at noon, ang Balita ng Malayang Pilipinas), kaysa sa reaksyunaryong mga babasahin.
Simple at direkta sa punto ang estilo ng pagsusulat ni Manong. Wala itong mga salitang "fancy" at paliguy-ligoy para madali itong maunawaan ng malawak na masa, laluna ng uring anakpawis na siyang pangunahing target ng mga rebolusyonaryong pahayag at pahayagan.
Bago pa man siya naging rebolusyonaryong propagandista, natutunan ni Manong ang pagpapahalaga sa mga datos nang nagsisimula pa lamang siyang magtrabaho sa pahayagan bilang tagatimpla ng kape at dyanitor hanggang sa maging reporter siya noong maagang bahagi ng dekada 1950. Kabilang sa positibong katangian ng pagiging reporter na nadala ni Manong sa rebolusyonaryong peryodismo ang pagpapahalaga at paggalang sa dedlayn.
Nangangahulugan ng kolektibong pagsusulat ang gawaing rebolusyonaryong peryodismo. Natutunan ito ni Manong nang simulan nila ni Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna noong 1971 na ilabas ang Tingga, isang pahayagan para sa mga manggagawa ng mga pahayagan. Si Manong ang pangulo noon ng National Press Club habang si Ka Satur naman ang pangalawang pangulo. Lumalim at napaunlad pang lalo ang gayong kolektibong diwa ng pagsusulat nang pumaloob na si Manong sa rebolusyonaryong kilusang lihim makaraang ideklara ang batas militar noong Setyembre 1972.
Hindi nagtapos ang buhay ni Manong nang mamatay siya dahil sa isang malubhang karamdaman noong Agosto 13, 2001. Nagpapatuloy ang kanyang impluwensya sa rebolusyonaryong kilusan sa iba�t ibang larangan. Gayundin, nabubuhay ang kanyang diwa sa bawat peryodistang nagmamahal ng katotohanan, kalayaan at demokrasya.
Katulad ng palagi niyang idinidiin, hindi pa natatapos ang pagsusulat tungkol sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino at ng uring anakpawis. Nagpapatuloy ito habang nagmamartsa ang kasaysayan tungo sa ibayo pang tagumpay.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|