Pagbubuo ng hukbong kontra-mamamayan
Noong panahon ng kolonyalismong Espanyol, inorganisa ng mga enkomendero ang lokal na kasundaluhan. Naging kasangkapan sila sa malawakang pangangamkam ng lupa. Paglaon, inarmasan ang libu-libong magbubukid upang ipanupil sa kapwa nila Pilipinong naglunsad ng mga pag-aalsang rumurok sa rebolusyong Pilipino noong 1896.
Matapos ang pagpatay sa 1.5 milyong Pilipino sa digmaang Pilipino-Amerikano (1898-1913), inorganisa ng imperyalismong US ang mga Pilipinong mersenaryo. Ginamit sila sa ibayong pagsakop sa mga Pilipino at sa paglipol sa mga rebolusyonaryong itinuring na kriminal.
![](../../angbayan/images/041107/afpbad2.gif)
Dito itinuon ang Sedition Law of 1901, Brigandage Act of 1902 at Reconcentration Act of 1903. Tinawag na bandido ang mga patriyotiko. Tinangkang ihiwalay ang mamamayan sa mga kontra-kolonyalismong gerilya. Tinugis, ipinakulong at pinalayas ang mga tumangging sumumpa sa bandila ng US. Marahas na sinupil ang mga organisasyong masa laluna ng mga manggagawa't magsasaka sa harap ng patuloy bagamat puta-putaking armadong paglaban ng mamamayan.
Sa panahon ni Manuel Roxas, kinasangkapan dito ang Counter-Intelligence Corps, Military Police Command at Civilian Guards. Sa ganitong yapak sumunod ang Philippine Constabulary at ang Philippine Army sa panahon nina Elpidio Quirino at Ramon Magsaysay. Noong 1950, lalong nakabwelo sa pandarahas ang mga pasista sa pagsuspinde ni Quirino sa writ of habeas corpus.
Nangibabaw ang kapangyarihan ng AFP nang ipataw ang batas militar noong 1972. Ipinatupad ang programang "counterinsurgency" ng US upang supilin ang rebolusyonaryong kilusan. Bukod sa Armed Forces of the Philippines na idinirehe ng CIA, JUSMAG at AID Office of Public Safety, ginamit din ang National Police Commission at National Bureau of Investigation, at inorganisa ang "Monkees", Barrio Self-Defense Units (BSDU), Civilian Home Defense Forces (CHDF) at iba pang grupong paramilitar. Ininstitusyunalisa ang sapilitang pagasasanay sa kabataan para sa kontra-rebolusyon sa pamamagitan ng Citizens Army Training (CAT), Preparatory Military Training (PMT) at Reserve Officers Training Corps (ROTC).
Ang pagbabago ng pangalan ng Philippine Constabulary (PC) tungong Philippine National Police (PNP) at ang panandaliang pagbabago ng pangalan ng AFP tungong New AFP noong 1986 ay ganap na walang kabuluhan. Walang pagbabago sa oryentasyon ng gawain ng mga ito kumpara sa panahon sa ilalim ng batas militar. Ganito rin ang kaso sa pagbubuo ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na walang pinag-iba kundi pangalan sa kinamuhian noong CHDF.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|