Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pagtataguyod sa Rebolusyonaryong Integridad ng PDPP sa Usapang Pangkapayapaan

 Read this article in English

Malinaw ang espesyal na adyenda ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa usapang pangkapayapaan: Nais nitong lansihin upang pasukuin ang Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas (PDPP).

Kasalungat nito ang layunin ng PDPP. Lumalahok ito sa usapang pangkapayapaan upang isulong ang interes ng masa at lutasin ang mga saligang suliranin ng bayan bilang susi sa pagkamit ng matagalan at makatarungang kapayapaan. Kaakibat nito, kailangang ipagtanggol at itaguyod ng rebolusyonaryong kilusan ang pampulitikang integridad nito at, sa gayon, ipagtanggol at itaguyod ang saligang karapatan ng bayan na magrebolusyon laban sa pagsasamantala at pang-aapi at pangalagaan at isulong pa ang mga tagumpay na nakamit sa 30 taon ng masikhay na pakikibaka. Habang hindi binibitiwan ang rebolusyonaryong paninindigan nito, patuloy na nakikipaglaban ang PDPP sa larangan ng negosasyong pangkapayapaan upang magkamit ng mga tunay at makabuluhang konsesyong pabor sa mamamayan.

Sa proseso ng usapan, puspusang nahaharap at nalalantad ang pagkukunwari ng GRP habang patuloy na napatitingkad ang sinseridad ng pambansa-demokratikong kilusan.

Konstitusyunal na Balangkas ng GRP

Gawi na ng sinumang reaksyunaryong papet na nakaupo sa Malakanyang na kasangkapanin ang usapang pangkapayapaan para sa kanilang mga pangangailangang taktikal at pulitikal.

Bilang "minoryang presidente," si Fidel Ramos ay agresibong gumamit sa usapan upang pabanguhin ang sarili, palawakin ang kanyang maniobra sa pulitika, at palakasin ang kanyang kontrol sa sentro ng estado poder. Samantala, ang rehimeng Estrada ay naghanap ng puwang na makamaniobra sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga oportunidad sa usapang pangkapayapaan pagkaraang salubungin ito ng patung-patong na problema sa ekonomya at pinansya at dumugin ng mga pagbatikos sa pasyang bigyang-parangal si Marcos.

Dahil pare-parehong walang matinong adyenda sa usapang pangkapayapaan, ang kasalukuyan at dalawang nakaraang papet na rehimen ay madalas na bumabaling sa krudong paggigiit sa reaksyunaryong konstitusyon ng GRP at kasingkrudong sapilitang paghingi sa pagpapailalim ng PDPP doon. Matatag namang ipinagtatanggol ng PDPP ang integridad nito bilang rebolusyonaryong pwersang may sariling konstitusyon at programa.

Nang lagdaan ng mga prinsipal ng magkabilang panig ang Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-tao at sa Internasyunal na Makataong Batas, muling iginiit ng mga elemento ng GRP na tutol sa usapang pangkapayapaan ang usapin ng konstitusyunal na balangkas ng GRP. Pinakamasugid si Ambassador Howard Dee sa pagpupumilit na ang konstitusyon ng GRP ang gawing balangkas sa pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan at sa implementasyon ng Kasunduan. Samantala, inianunsyo ni Exec. Sec. Ronaldo Zamora na hindi kikilanlin ng GRP ang mga obligasyon nito sa ilalim ng Kasunduan kung hindi itutuloy ang negosasyong pangkapayapaan alinsunod sa mga maka-isang panig na kundisyon ng GRP.

Noong huling linggo ng Oktubre, mas garapal ang pananabotahe ni Sen. Franklin Drilon, isa sa mga bagong talagang myembro ng panel ng GRP. Pinamunuan niya ang isang pangkat na tumungo sa The Netherlands upang igiit sa PDPP na hindi kayang maipatupad ng GRP ang Artikulo 4 ng Ikatlong Bahagi at Artikulo 6 ng Ikaapat na Bahagi ng Kasunduan. Pumapatungkol ang mga nasabing probisyon ng Kasunduan sa masusing imbestigasyon at paglilitis sa mga taong lumalabag sa mga karapatang-tao at sa internasyunal na makataong batas. Hinihingi rin ng mga probisyon ang indemnipikasyon sa mga biktima ng mga paglabag.

Ayaw pumayag ng GRP na maging katuwang ang PDPP sa pagpapatupad ng mga artikulong ito. Tutol ang GRP na ang PDPP ang siyang maglilitis sa kaso ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines na maaaring madakip ng Bagong Hukbong Bayan.

Pagtatanggol sa Rebolusyonaryong Integridad

Ang paggigiit ng GRP sa reaksyunaryong konstitusyon nito bilang balangkas sa usapan ay pagbalewala sa mga nauna nang kasunduang pinagtibay na ng magkabilang panig.

Malaon nang niresolba ng Pinagsamang Deklarasyon ng The Hague ng 1992 ang usaping ito. Isinaad sa deklarasyon na tanging mga prinsipyong katanggaptanggap sa magkabilang panig ang gagabay sa usapang pangkapayapaan. Salungat sa Pinagsamang Deklarasyon ang pagpataw sa konstitusyon ng GRP bilang balangkas sa usapan. Ipinapalagay ng Pinagsamang Deklarasyon ng The Hague na ang PDPP at GRP ay may mga sariling konstitusyong itinataguyod sa kani-kanyang teritoryo.

Ang ganitong pagpupumilit ng GRP ay salungat sa likas na katangian at layunin ng negosasyong pangkapayapaan. Subalit patuloy na nilalabag ng GRP ang pinagsamang deklarasyon.

Samantala, maraming probisyon ang Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-tao at sa Internasyunal na Makataong Batas na malinaw na nagbabasura sa mga argumento ng GRP. Kabilang dito ang:

Art. 3, Ikalawang Bahagi: "Itataguyod, pangangalagaan at palalaganapin ng mga Partido ang buong saklaw ng mga karapatang-tao, kabilang ang mga karapatang sibil, pulitikal, pang-ekonomya, panlipunan at kultural. Sa pagtalima sa gayong obligasyon karampatang konsiderasyon ang ibibigay sa kani-kanyang mga prinsipyo sa pulitika at sirkunstansya ng mga Partido."

Art.1, Ikaapat na Bahagi: "Sa pagpapatupad ng kanilang mga likas na karapatan, ang mga Partidong nasasangkot sa armadong tunggalian ay tatalima at mapapaloob sa mga prinsipyo at pamantayan ng internasyunal na makatong batas na katanggaptanggap sa karamihan."

Art 1, Ikaanim na Bahagi: "Ang mga Partido ay patuloy na aako ng magkakahiwalay na tungkulin at responsibilidad para itaguyod, pangalagaan at palaganapin ang mga karapatang-tao at mga prinsipyo ng internasyunal na makataong batas alinsunod sa kani-kanyang mga pampulitikang prinsipyo, mga organisasyon at sirkunstansya hanggang malutas ang armadong tunggalian."

Art.3, Ikaanim na Bahagi: "...Anumang pagtukoy ng Kasunduan sa mga tratadong nilagdaan ng GRP at sa mga batas at mga ligal na proseso nito ay hindi makasisira sa anumang paraan sa integridad sa pulitika at organisasyon ng PDPP." Ang mga probisyong ito ay pawang pinagkaisahan ng dalawang panig pagkaraan ng matagal, masalimuot at mahirap na negosasyon. Ang mga ito ay nagdadagdag ng kinang sa rebolusyonaryong integridad ng PDPP na patuloy na nananalig sa armadong pakikibaka ng masa ng sambayanan.

Habang nagtatangka ang GRP na pasukuin ang PDPP sa usapang pangkapayapaan, tumitingkad ang katumpakan ng wastong pagdadala ng rebolusyonaryong kilusan sa negosasyon. Ibayong nagtatagumpay ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pagtataguyod sa kawastuan ng armadong pakikibaka bilang pangunahing porma ng pakikibaka na lulutas sa sosyo-ekonomikong krisis sa Pilipinas. Kaalinsabay nito, tanging sa balangkas ng matatag na pagtatanggol sa rebolusyonaryong integridad, maaaring mapanghawakan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang negosasyong pangkapayapaan bilang dagdag na larangan ng pagtatanggol sa mga saligang karapatan at kapakanan ng masa ng sambayanan.

Mayroon man o walang usapang pangkapayapaan, nananatili ang rebolusyonaryong integridad ng Partido at buong rebolusyonaryong kilusan sa masikhay na pagsusulong ng rebolusyon na siyang naghahawan ng landas sa pagkakamit ng tunay at makatarungang kapayapaan para sa sambayanan.

 


Previous articleBack to topNext article

10 Disyembre 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Papanagutin ang GRP sa mga Obligasyon nito sa Kasunduan sa Karapatang-tao!

Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang-tao at sa Internasyunal na Makataong Batas
Makasaysayang Dokumento ng Pakikibaka ng Sambayanang Pilipino para sa Karapatang-tao

Ang pasikut-sikot na daan ng usapang pangkapayapaan
Pagtataguyod sa Rebolusyonaryong Integridad ng PDPP sa Usapang Pangkapayapaan
Dalawang Pahayag
Pahayag hinggil sa mga paghahabol kaugnay sa karapatang-tao sa ilalim ng Artikulo 5, ikatlong bahagi ng CARHRIHL

Dalawang Pahayag
Hindi tutupdin ni Estrada ang kanyang pangako

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.