Desperadong pag-atake ng Israel sa Palestine
Mula Marso 29, walang habas ang pananalakay ng Israel sa Palestine. Gamit ang modernong mga tangke, helikopter at iba pang kagamitang pandigma, sinalakay ng mahigit 10,000 pwersa ng Israeli Defense Forces (IDF) ang mamamayang Palestino na may mga simpleng armas lamang at inokupa ang halos buong West Bank ng Palestine.
Layunin ng gubyerno ni Prime Min. Ariel Sharon ng Israel na lubos na wasakin ang Palestine upang mapilitan itong tanggapin ang anumang ipapataw na resolusyon ng Israel kaugnay ng pag-iral ng estadong Palestine.
Bago ang pananalakay na ito, sinuportahan ng US ang gubyernong Sharon sa pagtatapos ng negosasyong Palestine-Israel at pagturing na "terorista" ang mga militanteng Palestino. Pailalim nitong sinuportahan ang "karapatan" ng Israel na salakayin ang Palestine sa ngalan ng "digmang kontra-terorismo". Gayunman, matapos kundenahin sa buong mundo ang pananalakay ng Israel, naobligang umatras sa pusisyong ito ang US at manawagang itigil ng Israel ang kasalukuyang pananalakay nito sa Palestine.
Subalit ayon kay US President Bush, "nauunawaan" niya ang dahilan ng pagkubkob ng Israel kay Arafat at ang "kabagalan" ng pag-atras ng Israel na umaantala sa muling pagbwelo ng negosasyon.
Sa harap ng presyur ng US at Israel, matatag na iginiit ni Arafat ang kagyat na pag-atras ng Israel sa Palestine. Ayon kay Arafat, kinakailangang lumahok ang third party (pangatlong grupo) sa anumang negosasyon upang lutasin ang kasalukuyang usapin sa Palestine.
Ang panibagong pananalakay ng Israel ay lalong nagdidiin sa pagiging makatarungan ng pakikibaka ng mga Palestino, nagpapatibay ng kanilang pagkakaisa at nagpapalakas ng determinasyon nilang lumaban. Inudyok din nito ang ibayong pagkakaisa ng mga bansang Arabo laban sa Israel at ang walang kasinlawak na pandaigdigang suporta at simpatya sa paglaban ng mga Palestino at ang pagkundena ng daigdig sa Israel. Naglikha rin ito ng malaking lamat sa sinisikap buuin ng US na pandaigdigang koalisyon para sa "digmang kontra-terorismo" nito.
|