Ka Argie: Mandirigmang medik, dentista at siruhano
Bunga ng pagpupursige at pagsisistematisa ng Bagong Hukbong Bayan sa mga pagsasanay sa gawaing medikal, kabilang ngayon sa hanay nito ang daan-daang medik, dentista at siruhano (surgeon). Ang kanilang talino at kakayahan ay sadyang kamamanghaan maging ng mga propesyunal at beteranong manggagamot na nakapag-aral ng medisina sa mga unibersidad. Ang naipong karanasan ng mga Pulang medik sa panggagamot ay mayamang kaban ng kaalaman sa medisina at syensya na kaagad nang napaglilingkod sa mga rebolusyonaryong pwersa at sa mamamayan.
Isa si Ka Argie sa mga medik ng BHB. ![](../../angbayan/images/040707/argie.gif)
Sa edad na 35, napakayaman na ng karanasan ni Ka Argie bilang isang mandirigma, medik at siruhano. Mula sa uring magsasaka, siya ay nagsimulang kumilos bilang kabataang aktibista noong 1982 sa kanilang baryo sa Cagayan Valley.
Di naglao'y nagpasya siyang sumapi sa BHB. Bagamat wala pa siyang anumang kaalaman noon sa gawaing medikal, siya ay hinirang na maging medik ng yunit na kinabilangan niya. Sa gitna ng mga pagsasanay pampulitika at pangmilitar, si Ka Argie ay dumaan sa masusing pagsasanay sa gawaing medikal sa pangunguna ng isa nilang kasama sa yunit.
Mula noon, si Ka Argie ay nagsilbing Medical Officer (MO) ng iba't ibang yunit ng BHB na kanyang kinatalagahan. Noong mga taon ng di napapanahong regularisasyon at maiigting na armadong labanan sa pagitan ng BHB at AFP, nahasa ang kasanayan ni Ka Argie bilang siruhano, laluna sa paggamot ng mga sugat na dulot ng tama ng bala.
Sa paglulunsad ng kilusang pagwawasto at pagbabalik ng tamang pansin at panahon ng BHB sa pag-oorganisa sa masa, nahasa rin ang ibang aspeto ng kaalamang medikal ni Ka Argie. Sa yunit sa gawaing masa, bahagi ng kanyang pang-araw-araw na gawain ang pagtsek-ap sa mga taumbaryo at pagbibigay ng kagyat na lunas sa mga natutukoy na karamdaman. Ang pagbibigay ng gayong mga serbisyong medikal sa masa ay isa sa mahihigpit na tungkulin ng BHB bilang tunay na hukbo ng bayan.
Sa mahigit dalawang dekada bilang Pulang mandirigma at manggagamot, lumawak pa ang kaalaman at kakayahan ni Ka Argie sa larangang medikal. Natuto rin siyang maging dentista. Nakapaglilinis at nakabubunot na siya ng ngipin at nakagagawa ng pustiso.
Mayroon na rin siyang kaalaman sa pagsusuri sa ihi at dugo at maging sa pagsukat sa grado ng mata.
Bilang siruhano, bukod sa mayamang karanasan sa pag-oopera ng mga tama ng bala, nakaranas na rin siyang mag-opera ng mga may luslos at cyst. May karanasan na rin siya sa amputation o pagputol ng kamay o paa kapag wala nang ibang posibleng lunas.
Nakapagkabit na rin si Ka Argie ng aserong stainless upang kumpunihin ang nabaling buto ng isang pasyente. Bukod sa kasanayan sa pagsesemento ng mga nabaling buto, may karanasan na rin siya sa bone grafting o pagdudugtong ng buto gamit ang buto mula sa ibang bahagi ng katawan.
Nakabahagi na rin si Ka Argie sa pag-oopera ng mata, sa partikular, sa paglalagay ng artipisyal na mata. Mayroon din siyang karanasan sa skin grafting o paggamit ng balat sa isang bahagi ng katawan upang ipantapal sa ibang parteng natuklapan ng balat.
Ang tuluy-tuloy na pag-unlad ng kaalaman at kasanayan ni Ka Argie ay patunay ng masusing pansin at pagpapahalagang ibinibigay ng BHB sa gawaing medikal.
"Ang gawaing medikal ay bahagi ng gawaing masa ng BHB," ani Ka Argie. Itinutuon ito hindi lamang sa mga pangangailangang pangkombat, kundi maging sa pagtatayo at pagpapatatag ng baseng masa, dagdag niya.
Ayon pa sa kanya, "Hindi man ganoon kataas ang antas ng espesyalisasyon ng BHB sa larangang medikal, napakalaki at napakalawak ng netong pakinabang dito ng mamamayan." Sa tulong ng gawaing medikal ng BHB, ang pinalawak at pinatatag na baseng masa ng BHB ay nagsisilbing salalayan ng pagpapaunlad ng kasanayang medikal kapwa ng hukbong bayan at ng mamamayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|