Rebolusyong Agraryo sa Timog Luzon
Sa landas ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP), muling pinahihigpit ang pagkakaisa ng Partido at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa masang magbubukid. Nagpupuna ang mga kadre at mandirigma sa mga kamaliang ibinunga ng malulubhang paglihis. Hinihikayat nila ang masa na muling pasiglahin ang rebolusyonaryong kilusang masa. Masikhay silang lumalahok sa panlipunang pagsisiyasat, solidong pag-oorganisa, mga kampanya at pakikibakang masa, gawaing propaganda at gawaing produksyon � bukod sa gawaing militar.
Dahil sa ganitong pagsisikap ng Partido at BHB, muling sumisigla ang armadong pakikibaka, ang rebolusyonaryong kilusang masa at ang pagsusulong ng antipyudal na pakikibaka.
Nasaksihan ang pagsikad ng kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran. Bumwelo ang mga taktikal na opensiba. Noong 1997, nagulantang ang reaksyunaryong estado sa sinsin ng mga taktikal na opensiba ng BHB laluna sa Timog Katagalugan at Bikol.
Sa dalawang rehiyon ding ito, masigla ang pagsusulong ng rebolusyong agraryo. May 11 matatagumpay na pakikibaka para sa pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid sa iba't ibang sonang gerilya sa Timog Katagalugan noong 1997. Nakinabang ang may 600 katao sa naturang kampanya.
Sa Gumaca, Quezon, nagkaisang kumilos ang mga kasam� sa dalawang magkanugnog na baryo at matagumpay nilang iginiit sa panginoong maylupa na kargahin ang 15% ng gastos sa produksyon sa niyugan.
Kumilos din ang ilampung pamilya sa Oriental Mindoro upang paunlarin ang mga pastuhang malaon nang inabanduna ng mga panginoong maylupa.
Sa pamamagitan ng "suyuan" at iba pang porma ng kooperasyon, tinamnan ng mga magsasaka ng palay, mais, gulay at prutas ang dating nakatiwangwang na lupa. May hayop ding inaalagaan ang mga benepisyaryo. Tuluy-tuloy itong pinangangasiwaan ng sangay ng Partido sa lokalidad katulong ng Hukbo.
Sa Rizal, ikinakampanya ang balikproduksyon, na siyang unang antipyudal na pagkilos sa buong Timog Katagalugan mula nang ilunsad ang IDKP. Hinihikayat ang mga magsasakang nalulong sa pagkakahoy na muling paunlarin ang kanilang mga bukirin at igiit ang kanilang karapatang bungkalin ang lupa.
Sa Campano-Guevarra Estate, Occidental Mindoro, patuloy sa kanilang militanteng antipyudal na pagkilos ang masang magsasaka sa kabila ng matinding militarisasyon.
Sa Bikol, muling sumisigla ang rebolusyong agraryo, kasabay ng lahatangpanig na pagsulong ng rebolusyonaryong gawain sa rehiyon. Sa ilang sonang gerilya sa Camarines Sur, naipagwagi ng mga organisadong magbubukid ang tersyong baliktad o ang 70%-30% na hatian sa aning pabor sa magsasaka. Mula ito sa hatiang 70%-30% pabor sa panginoong maylupa. Naipagtagumpay din sa ibang bahagi ng lalawigan ang P30 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawang bukid. Sa Sorsogon, naigiit ang 25% umento sa sahod. Sa Camarines Norte, sumisigla ang iba't ibang anyo ng kooperasyon katulad ng luyo-luyo.
Sa buong rehiyon, sama-samang itinataguyod ng masa ang kampanya para paunlarin ang sistemang patubig at pataasin ang antas ng produksyon.
Isa pang tanda ng pagpapanibagong-sigla ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan ay ang paglakas at paglawak din ng hayag na kilusang magbubukid. Ang paparami at papalaking mga ligal na pagkilos ng mga magsasaka na mariing tumututol sa mga pakanang kontra-magbubukid ng estado ay bahagi at tanda ng pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibakang antipyudal.
Muling naitayo ang panrehiyong pederasyon ng mga magbubukid sa Timog Katagalugan na nagsusulong ng pakikibakang hayag upang tutulan ang malawakang kumbersyon ng lupa at iba pang patakaran ng estado na pumipinsala sa buhay ng mga magbubukid. Samantala, may mga alyansang naitayo sa Albay at Camarines Sur laban sa quarrying.
Sa ganitong kalagayan, walang ibang susulingan ang masang magbubukid kundi organisadong isulong ang pakikibakang antipyudal sa ilalim ng bandila ng demokratikong rebolusyon ng bayan. |
Ang paglutas sa suliranin sa lupa sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan. Upang maisulong ang digmang bayan hanggang tagumpay, isinusulong ang rebolusyong agraryo, kaakibat ng armadong pakikibaka at pagtatayo ng mga rebolusyonaryong base sa kanayunan.Sa malakolonyal at malapyudal na kalagayan ng Pilipinas, ito ang tanging paraan para puspusang mapukaw at mapakilos sa rebolusyon ang masang magsasaka, at sa gayon, mapalawak at mapalalim ang suportang masa ng rebolusyon. Malaking mayorya ng populasyon ay mga magbubukid na dantaon nang dumaranas ng matinding pyudal at malapyudal na pagsasamantala mula sa mga panginoong maylupa, mga imperyalista at maging sa kamay ng reaksyunaryong gubyerno.
Ang rebolusyong agraryo ay hakbanghakbang na isinusulong upang likhain ang pinakasolido, pinakamatibay at pinakamalawak na rebolusyonaryong pagkakaisa at lakas ng mga magbubukid. Ang lakas na ito ang gagamitin sa hakbang-hakbang ding pagpapahina sa pampulitikang kapangyarihan sa kanayunan ng uring panginoong maylupa at iba pang reaksyunaryong uri. Maksimum na programa ng rebolusyong agraryo ang pagkumpiska ng lupain ng mga panginoong maylupa at libreng pamamahagi ng lupa sa mga magbubukid. Ipatutupad ito sa pangkabuuan kapag nakamit na ang pambansang tagumpay.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang minimum na programa ng rebolusyong agraryo. Ipinaglalaban ng mga organisasyong masa, kaisa ang BHB, ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, pagpawi sa usura, pagpapataas ng presyo ng produktong agrikultural, at pagpapaunlad ng produksyon.
Dahil ito'y susi sa matatag na pagpapalawak at pagpapalakas ng rebolusyon, ang pagsusulong ng pakikibakang antipyudal ay dapat bigyan ng pinakamataas na pagpapahalaga at pinakamatamang pag-asikaso ng lahat ng komite ng Partido at yunit ng BHB sa kanayunan. Kailangan ang malinaw na mga partikular na balak sa pagsusulong ng mga kampanya at pakikibakang antipyudal sa mga larangang gerilya at mga lokalidad. Kailangang masusing subaybayan ang mga pakikibaka ng masa, maagap na tasahin ang mga ito at lutasin ang mga problemang lumilitaw, at sa pana-panahon, dapat masaklaw na lagumin ang mga karanasan para paunlarin ang mga patakaran, taktika at pamamaraan, at iangat ang kamulatan ng masang magsasaka batay sa mga kongkretong karanasan.
Higit na malala ang sitwasyong kinakaharap ng mga magbubukid sa ilalim ng reaksyunaryong rehimeng Estrada hindi lamang sa Bikol at Timog Katagalugan. Hindi lamang nagpapatuloy kundi mas pinatitindi pa ang iba't ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala para pigain ang pinakamalaking sobrang produkto mula sa pagod ng masang magsasaka. Bukod sa mga lumang panginoong maylupa, dumadagsa sa kanayunan ang iba't ibang dayuhan at lokal na mangangamkam, ispekulador at malalaking korporasyon para manghuthot sa likas na yaman at lakas paggawa sa kanayunan, o di kaya'y maghanap ng biglang kwarta sa mga kontratang publiko at ispekulasyon sa real estate, pagmimina at iba pa. Ang labis at lalo nilang pinahihirapan ay ang masang magsasaka.
Sa ganitong kalagayan, walang ibang susulingan ang masang magbubukid kundi organisadong isulong ang pakikibakang antipyudal sa ilalim ng bandila ng demokratikong rebolusyon ng bayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|