Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang halalan para sa party list at ang wastong papel ng mga progresibo sa loob ng reaksyunaryong parlamento

 Read this article in English

Ang paglahok at pagkapanalo ng ilang progresibong pwersa sa nagdaang pakikibakang elektoral ay nagbukas ng dagdag na larangan para ibayong maihayag at maisulong ang pambansa-demokratikong interes ng mamamayan at maitaguyod ang mga pakikibakang masa.

Bagamat nakapagkamit ng ilang makabuluhang tagumpay ang mga progresibo sa nakaraang eleksyon para sa party list (at para sa mangilan-ngilang mababang lokal na pusisyon), nananatiling mapagpasyang nadodominahan ng mga reaksyunaryo ang eleksyon para sa senado, kongresista ng mga distrito, gubernador, alkalde at iba pang pusisyon sa lokal na gubyerno.

Layunin diumano ng sistemang party list ang pagbibigay ng representasyon sa mga agrabyadong sektor ng mamamayan sa kongreso. Tungo rito, nakalaan ang 20% ng kongreso para sa mga kinatawan ng mga mahahalal na partido.

Sa aktwal, karagdagang instrumento ng mga naghaharing uri ang party list para akitin ang mga lider at organisasyong progresibo na malulong sa parlamentarismo, makibahagi sa mga kabulukan at pribilehiyong ipinagkakaloob ng reaksyunaryong sistema at talikuran ang paninindigan para sa tunay na mga pagbabago sa lipunan.

Maliit na nga ang 20% ispasyong dapat nakareserba para sa mga agrabyadong sektor, sinikap pa itong agawin ng mga bulok na pulitiko at partidong kumakatawan sa mga reaksyunarong naghaharing uri sa pamamagitan ng pagpapatakbo sa eleksyong party list ng kanilang mga sugo. Nitong Mayo, maraming ganitong lumahok sa eleksyon para sa party list. Kabilang sa mga ito ang mga suportado at pinondohan ng gubyerno (MAD, VFP, COCOFED, APEC, NATCO-COOP), malalaking partido pulitikal ng mga naghaharing uri (Lakas-NUCD, NPC, PMP, LDP, LP, Promdi, Aksyon Demokratiko, True Marcos Loyalists, Osme�a), malalaking negosyo (CREBA) at malalaking sektang relihiyoso (CIBAC, BUHAY). Nakapangibabaw sa eleksyong party list ang ilan sa mga ito (MAD, VFP, Lakas-NUCD, NPC, APEC at CIBAC). Ang pagkuha ng mga ito ng mga upuan sa kongreso para sa party list ay puspusang tinutulan at napagtagumpayang mahadlangan ng mga progresibong organisasyon at demokratikong kilusang masa. Nakamit ito sa pamamagitan ng mga aksyong masa at ng taktikang pagsasampa ng kaso sa Korte Suprema. Inilinaw ng Korte Suprema na ang kwalipikado lamang na lumahok sa eleksyong party list ay ang mga partido at organisasyong tunay na kumakatawan sa mga agrabadong sektor ng mamamayan. Sa mga aktwal na nagtamo ng rekisitong pagkuha ng 2% o mahigit sa kabuuang boto para sa party list, tatatlo pa lamang�Bayan Muna, Akbayan at Butil ang obligadong kinilala ng COMELEC na kwalipikado.

Napakaliit pa rin ng bilang ng mga progresibo at tunay na kinatawan ng mga agrabyadong sektor kumpara sa mahigit 200 kinatawan ng mga reaksyunaryong naghaharing uri sa kongreso. Masahol pa, sa dalawa nang nakaraang eleksyon para sa party list sa bansa, mga isang dosena lamang ang napunan sa 52 upuang nakalaan para sa party list.

Anu�t anupaman, hindi napigilan ang malakas na suporta ng mamamayan at malinaw na pagkapanalo ng isang progresibong partido, ang Bayan Muna. Ito�y sa kabila ng garapal na dayaan, panghaharas at pagbibili ng boto ng mga reaksyunaryong organisasyong tumakbo sa party list. Sa pamamagitan ng mahigit 1.7 milyong boto, malayong nanguna ang Bayan Muna sa lahat ng iba pang tumakbo sa eleksyong party list, kabilang na ang mga ekstensyon ng mga bulok na pulitiko at partido pulitikal nila, iba pang tahasang kumatawan sa mga interes ng mga reaksyunaryong naghaharing uri, mga nagpapanggap na rebolusyonaryong partido at mga repormistang grupo. Nangahulugan ito ng pag-upo sa kongreso ng tatlong kinatawan ng Bayan Muna.

Mababa pa ang kabatiran ng publiko sa party list. Wala pang kalahati ng mga bumoto sa nakaraang eleksyon ang bumoto rito. Ang malaking boto ng Bayan Muna sa kalakhan ay nagmula pa sa malawak na latag nito sa hanay ng masang anakpawis at sa suporta ng mga panggitnang pwersang lumahok at nagtaguyod ng EDSA 2. Sa mahusay na paki- kipag-alyansa, nakapagpalitaw ito ng karagdagang rekurso, nakapagpalawak ng ugnay sa mga prubinsya, distrito, munisipalidad at syudad, nakakuha ng dagdag na boto at nakapanansala sa pandaraya. Malayong mas maliit ang boto ng iba pa, liban sa MAD.

Bagamat nakakuha rin sila ng upuan sa party list, naipamalas din ang kakitiran ng baseng organisasyunal at impluwensya sa mamamayan ng Akbayan at San- lakas at ng iba pang nagkukunwaring rebolusyonaryong organisasyon.

Sa kaso ng Sanlakas, noon pa mang huling bahagi ng 2000, nahiwalay na ito sa agos ng malawak na kilusang anti-Estrada nang isulong nito ang islogang "Resign All". Ang AMIN, isa pang mapagkunwang rebolusyonaryong organisasyon sa Mindanao ay bumili pa ng mga boto, ngunit hindi pa rin umabot sa 2%.

Sa kabila ng mga tagumpay na ito ng mga progresibo sa larangang elektoral, ang nananatiling susi sa pagsusulong ng mga demokratikong kahilingan ng mamamayan ay ang paglakas ng kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Ang pagsulong sa pakikibakang elektoral at pakikibaka sa parlamento ay bahagi ng pangkalahatang pagsulong at paglakas ng mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa. Layunin nating mas mabilis at komprehensibong isulong at palakasin ang lahat ng magkakaakibat na larangan ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Hindi dapat mahiwalay sa kilusang masa ang pagkilos ng mga kinatawan ng progresibo at demokratikong kilusang masa at ng mamamayan sa loob ng parlamento. Magiging epektibong kinatawan lamang sila ng mamamayan sa loob ng reaksyunaryong parlamento kung pananatilihin nilang mahigpit ang ugnay nila sa demokratikong kilusang masa sa labas nito. Kinakailangang manatili ang tuon nila sa adyenda ng mamamayan at kilusang masa habang ginagamit din ang pamamaraan ng parlamento.

Pangunahing tungkulin ng mga progresibong pwersa sa loob ng parlamento na ilantad ang reak- syunaryong kongreso at reaksyunaryong estado sa kabuuan sa pamamagitan ng puspusang pagtataguyod sa mga isyu at pakikibaka ng sambayanan laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Hindi sila dapat magamit sa layuning pabanguhin o sagipin ang bulok at naghihingalong sistema.

Mahalagang tungkulin din nila ang mahigpit na pagbabantay at puspusang paglaban sa pang-aakit ng parlamentarismo at bulok na sistemang pampulitika.

Malinaw ang limitasyon at hangganan ng pagkilos ng mga progresibong pwersa sa loob ng parlamento. Dahil kongreso ng reaksyon at mga reaksyunaryo, hindi ito magpapalabas ng batas na labag sa saligang interes at patuloy na makauring paghahari ng mga reaksyunaryong naghaharing uri. Gayunpaman, kailangang puspusang ipaglaban ng mga progresibong nasa kongreso, sa pakikipagtulungan sa mga aksyong masa sa labas nito, ang mga panukala at programang magbibigay ng kahit kaunting kaluwagan sa mamamayan. Kailangang sila ang maging boses ng inaaping mamamayan laban sa pagdausdos ng kanilang kabuhayan at pagyurak sa kanilang mga demokratikong karapatan.

Nagdudumilat ding katotohanan ang panunupil ng estado sa mga progresibong pwersa. Ang patuloy na pag-igting ng mga armadong labanan sa pagitan ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mga sandatahang pwersa ng estado at ang walang patid na pagtindi ng krisis na sumasaklot sa reaksyunaryong naghaharing sistema ay ibayong nagtutulak sa kaaway na higpitan pa ang pagmamanman, panggigipit at pananalakay sa mga progresibong partido pulitikal at sa rebolusyonaryong kilusang masa. Ngayon pa lamang ay walang habas na ang paninira at paggigipit ng mga reaksyunaryo laban sa Bayan Muna. Pinalulutang ng mga propagandista at eksperto sa psywar ng AFP na ang Bayan Muna ay isa diumanong prente lamang ng Partido Komunista ng Pilipinas. Naiulat na rin sa mga pahayagan na nagpakalat na ang mga lokal na galamay ng US ng mga hit squad na tatarget sa mga lider ng hayag na demokratikong kilusan, kabilang na yaong mga kinatawan sa party list.

Malayong makitid pa ang puwang para sa mga progresibo at ang antas na kinaya nila sa pakikibakang elektoral at pamparlamento. Ang reaksyunaryong halalan ay pampulitikang arena na mahigpit na tinatanganan ng mga reaksyunaryong naghaharing uri. Kinatatangian ito ng malaganap at lubos na pagsandig ng mga reaksyunaryong pulitiko at partido pulitikal sa karahasan, kwarta, panlilinlang at pandaraya para manalo. Sa harap nito, ang pagsisikap at matagumpay na pagpupwesto ng ilang mga progresibo sa reaksyunaryong parlamento ay nagpapakita ng isang antas ng kakayahan ng mga rebolusyonaryo at demokratikong pwersa upang gamitin din ang mga kasangkapan at arena ng kaaway laban sa kanya at para magkamit ng mga bentahe para sa kilusan at sa mamamayan. Naipakita na malaki ang puwang para mahigitan pa ang mga tagumpay na ito sa hinaharap, kasabay ng higit pa ring pagsulong ng armadong pakikibaka at ng kilusang masa.

Sa kabilang banda, ang reaksyunaryong eleksyon at parlamento ay hindi mapagpasyang magagamit ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan para makapang-agaw ng kapangyarihang pampulitika at makapagkamit ng mga pundamental na pagbabago para sa kapakanan ng mamamayan. Ang armadong rebolusyon ang nananatiling tanging paraan ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan upang maibagsak ang reaksyunaryo at bulok na naghaharing sistema. Esensyal at mas nangunguna sa pakikibakang elektoral at pamparlamento ang armadong pakikibaka at kilusang masa. Kasabay ng mga pagsisikap at tagumpay sa pakikibaka sa eleksyon at parlamento, kinakailangang higit na ilinaw sa mamamayan ang di-mapasusubaliang pangangailangan para sa pagsusulong ng armadong pakikibaka at sa pagpapalawak at pagpapalalim ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan.

 


Previous articleBack to topNext article

Hulyo 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Igiit ang laban para sa P125 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa!
Mga milyunaryo sa gubyerno: Lantarang pandarambong sa kaban ng bayan
Ang halalan para sa party list at ang wastong papel ng mga progresibo sa loob ng reaksyunaryong parlamento
Mga katotohanan sa likod ng "pagmamalasakit" ni "Ate Glo" sa maralitang lunsod
Paggamit sa bansa bilang base militar, patuloy na iginigiit ng US
Patunay ng direktang pakikialam
Igiit ang pagpaparusa kina Estrada, mga Marcos at iba pang may mabibigat na kasalanan sa bayan!
Patuloy na lumalala ang sistema ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo
Kabataan at estudyante laban sa ROTC: Pagkakaisa laban sa dagdag-pasanin, bulok at maanomalyang programa
Mga balita ng pakikibaka
Pulong ng Group of 8 binatikos ng malalaking protesta
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.