Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Desperasyon ng rehimeng Arroyo, nagpapalala sa terorismo ng estado

 Read this article in English

Ang masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16 ay maitatala bilang isa sa pinakakarumal-dumal na mga krimen laban sa uring manggagawa at magsasaka. Muli nitong pinatingkad ang walang awang pambubusabos sa mga manggagawa't magsasaka at ang brutal na paggamit ng terorismo ng estado para yurakan ang kanilang pinakabatayang mga karapatan.

Nag-uumapaw ang galit ng mamamayan sa angkang Cojuangco at mga armadong tauhan ng rehimeng Arroyo sa walang habas na pagpapapatay nito sa mga di armadong manggagawa at magsasaka at sa walang pakundangang paglapastangan nito sa mga demokratikong karapatan sa pag-uunyon, pagwewelga, pag-oorganisa at sama-samang pagkilos ng mga uring pinagsasamantalahan at inaapi.

Ang masaker sa Hacienda Luisita ay tanda ng papatinding paggamit ng estado ng terorismo laban sa mamamayan�karahasan laban sa mga manggagawa at magsasaka upang supilin ang kanilang mga karapatan at busalan ang kanilang mga sigaw. Ang paggamit ng terorismo ay palatandaan hindi ng lakas ng estado, kundi ng ibayong pagkabulok nito at kaakibat na desperasyon sa harap ng tumitinding krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal.

Ang ibayong paggamit ng rehimeng Arroyo ng terorismo ay lubos na sinusuportahan ng imperyalismong US na lalupang nalululong sa militarismo. Sariwa pa ang dugong dumanak sa Hacienda Luisita ay pinarangalan na ng imperyalismong US si Arroyo at hinirang na reyna ng "kontra-terorismo" sa Asia-Pacific.

Habang tumatagal, lalong sumasandal si Arroyo sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Kapalit ng tinatamasa niyang suporta ng militar, ginagawa ni Arroyo ang lahat upang makuha ang katapatan ng mga upisyal ng militar. Ang mga retiradong upisyal ay hinihirang niya sa mga pinakaaasam na pusisyon sa burukrasya. Nagbubulag-bulagan siya sa harap ng pang-aabuso ng militar at walang sawa siya sa paghahabi ng mga kasinungalingan upang pagtakpan ang mga pang-aabuso ng militar laban sa mamamayan.

Hinding-hindi maaaring palampasin ng mamamayan ang terorismo ng estado. Ang kahayupang ginawa sa Hacienda Luisita, maging sa iba't ibang sulok sa buong kapuluan, ay marapat tapatan ng isang makapangyarihang kilusan ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang demokratikong pwersa. Kailangang usigin ang mga salarin at igiit ang pagpaparusa sa kanila.

Dapat abutin, pukawin at pakilusin ang pinakamalawak na hanay ng mga manggagawa at magsasaka. Kailangang pagkaisahin sila upang labanan ang anti-manggagawa at anti-magsasakang mga patakarang itinataguyod ng rehimeng Arroyo. Bigyang-pansin ang mga partikular at pangkalahatang usaping ipinaglalaban ng mga manggagawa at manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita.

Dapat kamtin ang pinakamalawak na suporta at simpatya ng mga panggitnang pwersa, kabilang ang mga simbahan, para kundenahin ang masaker at ang humahabang listahan ng mga paglabag sa karapatang-tao. Patigilin ang pambubusabos sa mga manggagawa at magsasaka at suportahan ang kanilang mga pakikibaka.

Ang mga biktima ng masaker sa Hacienda Luisita at kanilang mga kamag-anak ay nararapat ding magsampa ng mga karampatang kaso sa Joint Monitoring Committee na sumusubaybay sa pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law. Karapatan din nilang igiit ang mga imbestigasyon sa lahat ng posibleng larangan, tulad ng reaksyunaryong kongreso. Kailangang gawin ang lahat upang ibayong mailantad at matuligsa di lamang ang masaker kundi ang ilang dekada nang pang-aabuso ng mga Cojuangco at ang lahat ng anti-manggagawa at anti-magsasakang mga patakaran ng reaksyunaryong estado.

Ang masaker sa Hacienda Luisita ay lalong nagpapasiklab sa galit ng masang manggagawa at magsasaka sa reaksyunaryong estado at sa mersenaryong AFP.

Sa harap ng matinding krisis panlipunan at lalong pagpapahirap ng rehimeng Arroyo sa mamamayang Pilipino, asahan natin ang ibayong paglawak ng mga pang-ekonomya at pampulitikang pakikibakang masa ng mga manggagawa at magsasaka, at ang tuluy-tuloy na paglawak at paglakas ng mga rebolusyonaryo at progresibong organisasyon nila.

Nabubulid ang reaksyunaryong estado sa malalang krisis pang-ekonomya at pampulitika. Kinakaharap nito ang pagkabangkrap ng papet na estado, kaguluhan sa loob ng AFP at PNP dahil sa malalaking iskandalo sa korapsyon at malubhang paksyunalismo at kaguluhan sa hanay ng mga reaksyunaryo bunga ng malawakang dayaan sa nakaraang eleksyon, laganap na korapsyon at maigting na agawan sa kurakot, pribilehiyo at pakinabang.

Higit sa lahat, nahaharap ito sa tumitinding paglaban ng mamamayang inaapi at pinahihirapan. Sa harap ng desperasyon ng reaksyunaryong estado, sadyang malaki ang posibilidad na maulit pa ang mga sagad-sagarang paggamit ng terorismo ng estado laban sa mamamayan, katulad ng masaker sa Hacienda Luisita. Sasagutin ito ng papalawak na protesta at papaigting na mga armado at di armadong paglaban ng mamamayang Pilipino.

 


 Back to topNext article

07 Disyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Desperasyon ng rehimeng Arroyo, nagpapalala sa terorismo ng estado
Panananlanta ng pasistang estado:
Walang habas na paglabag sa CARHRIHL

Panananlanta ng pasistang estado:
Karumal-dumal na masaker sa Hacienda Luisita

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
18 armas, nasamsan ng BHB sa Bulacan

Luha ng buwaya
Edukasyong Pilipino:
Nananatiling komersyalisado at nakatuon sa dayuhang interes

Mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa China ng 1949-1976:
Sagot sa krisis pang-ekonomya:
Rebolusyon at sosyalistang konstruksyon

Kaugnayan ng mga kontrarebolusyonaryong grupo sa mga Trotskyista at Sosyal-Demokrata
Tigil-pasada
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.