Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Hambalos ng "Globalisasyon" at Krisis sa Manggagawang Pilipino

Sa atrasado at agraryong kalagayan ng ekonomyang malapyudal, permanenteng sitwasyon ang sobra-sobrang suplay ng paggawa, ang napakalaking hukbo ng wala at kulang ng empleyo at ang kaakibat na labis na mababang pasahod, di makataong kundisyon sa paggawa, kawalan ng seguridad sa trabaho at iba pang kasamaan ng maliit at atrasadong kapitalistang sektor na nasa dominasyon ng dayuhang monopolyong kapital.

Anumang pakinabang at karapatang natatamasa ng mga manggagawa ay kailangang ipaglaban nang pukpukan at pagkatapos pa�y hindi tinatantanan ng pag-uk-ok, pagsagasa, pagpapaikot at pagpapaatras ng mga kapitalista. Kaya ang kabuuang katayuan ng mga manggagawa sa pabrika at sa lipunan ay nakasalalay sa lakas ng kanilang kilusan at pakikibakang pang-unyon at pampulitika.

Bunga ng mga pakikibaka ng kilusang manggagawa sa pamumuno ng Congress of Labor Organizations (CLO), naobliga ang reaksyunaryong estado na pormal na kilalanin ang karapatan ng mga manggagawa sa kolektibong pag-oorganisa at kolektibong pakikipagtawaran. Pero gaya ng madalas na mangyari, ang repormang dagdag na ani ng rebolusyonaryong pakikibaka ay kinilala ng mga reaksyunaryo pagkaraan lamang madurog ang rebolusyonaryong pwersang nagtaguyod niyon, sa layuning pigilan ang muli nilang pagtitipon.

Noong mga dekadang 1950 at 1960, pormal na umiral ang kolektibong tawaran sa mga relasyong industriyal, gayundin ang mga pamantayang nasa batas tungkol sa sahod, mga kalagayan sa paggawa at mga karapatang unyon. Ang mga ito ay mas nilabag kaysa tinupad bagamat nakapagbigay ng ilang puwang sa mga unyon at kolektibong pakikipagtawaran laluna sa malalaking empresa.

Mula 1973, tahasang ipinagbawal ng pasistang diktadurang US-Marcos ang mga welga at tinangkang tuwirang kontrolin ang mga unyon at ang mga alitang industriyal. Lalong pinahina ang kolektibong tawaran; namayani ang mga usapang trilateral (gubyerno, negosyo at paggawa), pagkuha ng estado ng hurisdiksyon at, higit sa lahat, pasistang pambabraso. Sa ngalan ng pag-akit sa dayuhang pamumuhunan, lantarang sinikil ang mga manggagawa at mga unyon at pinanatiling mababa ang sahod.

Ang mga unang taon ng rehimeng Aquino ay panahon ng transisyon sa pulitika at ekonomya. Minana nito ang ekonomyang lubog sa utang sa labas, pinahihirapan ng napakalaking depisit sa kalakalan, at nasa kumpletong kontrol ng IMF-WB at mga dayuhang bangkong transnasyunal. Mas lumiit pa ang bahagi ng industriya sa kabuuang empleyo, lumobo ang impormal na sektor laluna sa serbisyo, at mas masahol pa ang problema sa disempleyo.

Nakahandusay ang ekonomya, pero ginamit ang popularidad ng bagong presidente para patuloy na itali ang bansa sa produksyong nakatuon sa eksport, pagbibigay-prayoridad sa paghuhulog sa utang sa labas, pagsalig sa dayuhang puhunan at pautang, at patuloy na liberalisasyon para sa dayuhang monopolyong kapital. Gayunman, sa programang Philippines 2000 ni Ramos todong ipinatupad ang patakarang denasyunalisasyon, deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon na dikta ng IMF-WB-WTO alinsunod sa imperyalistang "globalisasyon". Sa programang isinusugal ang buong kapalaran ng bansa sa dayuhang puhunan, dayuhang pautang at dayuhang pamilihan, tahasang isinasantabi kahit ang mga pabalat-bungang proteksyon sa kapakanan at karapatan ng mga manggagawa. Lubos na pinamamayani ang walanghabag at walang-kasiyahang kagustuhan ng pamilihang kontrolado ng monopolyong kapital para lahatang-panig na atakihin ang kapakanan at karapatan ng mga manggagawa, ikural sila at animo�y hayop na isingkaw sa trabaho kapalit ng karampot na sahod.

Mas masahol pa, ang pagsambulat at patuloy na paglala ng depresyon sa Asia ay mabilis na ibayong nagpapalala sa krisis sa ekonomya ng bansa. Ang dating di na matiis na pambubusabos at kahirapan ay higit pang sumasahol dala ng pagkabangkrap ng mga negosyo, maramihang tanggalan sa trabaho, pagdagsa ng daan-daang libong migranteng manggagawang nawalan din ng empleyo, at sari-saring dagdag pang pabigat na ipinapataw ng mga imperyalista para maipasa sa mga neokolonyang gaya ng Pilipinas at sa mga uring pinagsasamantalahan ang mga pasanin sa krisis. Ayon sa reaksyunaryong gubyerno, may 2.6 milyon ang walang empleyo at 6.4 milyon ang walang sapat na empleyo sa kasalukuyan. Dagdag pa dito ang tinatayang mahigit 200,000 nawalan ng trabaho mula Hulyo 1997 hanggang unang kwarto ng 1998 sa Mindanao pa lamang. Kung tutuusin, hindi lang 10 milyon sa mahigit 30 milyong lakas paggawa ang wala o kulang ng hanapbuhay. Mas makatotohanang pagtaya ang mahigit 50% ng populasyong may kakayahang magtrabaho ang wala o hindi sapat ang hanapbuhay.

Napakababang Pasahod

Napakababa at lalo pang bumabagsak ang halaga ng tinatanggap na sahod ng mga manggagawang Pilipino.

Hindi nakabubuhay ang sahod ng mga manggagawang Pilipino. Noong Enero 1998, tinataya ng ahensya ng gubyerno mismo na aabot sa P410 ang gastos sa araw-araw para sa mga pangangailangan ng isang karaniwang pamilyang may anim katao. Pero P198 lamang ang itinakdang minimum na sahod sa Metro Manila.

Upang lalo pang itulak pababa ang sahod, binaklas ng reaksyunaryong estado ang pambansang pamantayan ng minimum na sahod at ginawang lokalisado ang pagtatakda ng minimum na sahod sa pamamagitan ng mga Regional Wage Board. Sa gayon, hindi lamang pinaghahati-hati ang mga manggagawa; ang pagtatakda ng sahod ay mas mahigpit pang kinokontrol ng mga burukrata at kapitalista at higit pang arbitraryo at makaisangpanig laban sa mga manggagawa.

Mas masama pa, kahit napakababa ng takdang sahod, hindi sumusunod ang kalakhan ng mga empresa. Ayon sa pag-aaral ng reaksyunaryong gubyerno noong Pebrero 1997, ang mga pamantayan sa paggawa na pinakamadalas labagin ng mga kapitalista ay ang minimum na sahod, kasunod ang iba pang pamantayan sa pasahod tulad ng 13th month pay at pagbabayad ng kontribusyon sa SSS (Social Security System). Sa isang pagsisiyasat sa mga pabrika ng kasuotan, pipito (7) sa 16 na empresang nasarbey ang nagbabayad ng minimum. Pero ang pitong empresang nabanggit ay nagsasahod naman ayon sa kota. Binabawasan ng sahod ang mga manggagawang hindi makaabot sa kota.

Dahil lubhang malayo ang sahod sa araw-araw na gastos ng mga manggagawa, patuloy na bumabagsak ang kalidad ng kanilang pamumuhay. Pinalalala pa ito ng patuloy na pagtindi ng kasalatan sa mga pangunahing serbisyong panlipunan dulot ng kapabayaan ng gubyerno.

Dahil hindi sapat ang sahod, ang karaniwang kinakain ng mga manggagawa ay hindi nakakaabot sa minimum na pamantayan para sa pag-aalaga ng malusog na pangangatawan. Ayon sa Food and Nutrition Research Institute, hindi umaabot sa inirerekomendang antas ang araw-araw na konsumo ng karne, mais, harina at lamang-ugat ang karaniwang Pilipino. Kaya madali silang dapuan ng sakit. Pero wala naman silang mapagkukunan ng libre o murang paggamot. Wala silang maayos na pabahay at mga pasilidad para sa malinis at ligtas na pamumuhay.

Ayon sa IBON FACTS AND FIGURES, 70% ng populasyon sa kalunsuran ay maralitang nakatira sa slum. Lalong hindi nakasasapat ang kanilang kinikita para sa edukasyon ng kanilang mga anak lalo pa�t tuluytuloy na tumataas ang matrikula.

Ang napakababang sahod ang nasa ubod ng napakasidhing pagsasamantala sa mga manggagawang Pilipino ng mga dayuhang monopolyong kapitalista at lokal na malaking burgesyang kumprador. Sa pamamagitan nito, nakakapiga sila ng napakalaking sobrang-halaga at nakapaglalabas ang mga monopolyong kapitalista ng dambuhalang superganansya.

Ang minimum na sahod sa Estados Unidos ay $5.15 kada oras (katumbas ng P206 kada oras o P1,648 kada araw)�ibig sabihin, mahigit walong ulit ang laki sa P198 na ligal na minimum na sahod sa Metro Manila. Ang pasahod sa isang di-sanay na manggagawang Amerikano ay makakapagpasahod sa walong manggagawang Pilipino. At dahil sa debalwasyon ng piso mula P25 tungong P40 sa isang dolyar, ang puhunang dolyar ng mga dayuhang kapitalista ay makakabili ng di hamak na mas mahaba pang oras ng lokal na paggawa.

Nasasamantala ng mga monopolyong kapitalista ang murang lakas paggawa ng ikatlong daigdig sa pamamagitan ng paglilipat sa huli ng mga bahagi ng produksyon na mababa ang teknolohiya at nangangailangan ng mas malaking oras ng paggawa. Bukod pa, sa pagbabawas ng bag-as ng mga empleyado at manggagawa sa sariling bayan, nakakatipid sila nang malaki sa gastos sa paggawa at mas nakapagpapalaki ng tantos ng ganansya. Sa paglilipat ng mga prosesong industriyal na lubhang mapanganib sa kapaligiran at kalusugan, nakaiiwas din sila sa mga problemang pampulitika at sa mataas na gastusin sa pagkontrol sa polusyon.

-"Pleksibilisasyon"

Dahil malapyudal, dati nang lubhang "pleksible" ang mga kundisyon ng paggawa, maging sa sektor ng industriya. Pero sa paglalapat ng konseptong sunod sa uso sa Kanluran, lalong walang patumanggang itinutulak ng malaking burgesya at mga burukrata ang pagpapaatras ng dati nang primitibong mga kalagayan sa paggawa sa mga pabrika sa bansa.

Sa kaibuturan, ang mga hakbang na ito sa "pleksibilisasyon" ay naglalayong pababain hangga�t maaari ang sahod at gastos sa paggawa, pahabain ang oras ng paggawa at sagarin sa buto ang pagpiga ng sobrang-halaga mula sa mga manggagawa.

Sa isang pag-aaral ng ILO (International Labor Organization) noong 1992, natuklasang 73% ng mga empresa sa Pilipinas ang nagpapatupad na ng mga "pleksibleng" sistema ng paggawa. Laganap ang iba�t ibang anyo nito gaya ng labor-only contracting, kaswalisasyon at kontraktwalisasyon, subcontracting/out-jobbing, rotation at iba�t ibang paraan ng "pleksibleng" oras ng paggawa, at pwersahang obertaym.

Hangga�t magagawa, pinaliliit nang pinaliliit ang bilang ng regular na manggagawa sa mga gulugod ng proseso ng produksyon at superbisyon. Tinatanggal ang kalakhan ng mga regular na manggagawa at pinapalitan ng mga manggagawang kontraktwal at kaswal o di kaya�y kinontrata sa mga pribadong ahensya sa labas, sa kaayusang hindi nalalayo sa mga sakada.

Ang mga kaswal o kontraktwal na manggagawa ay hindi binabayaran ng minimum na sahod, walang mga benepisyo tulad ng 13th month pay, sick leave, vacation leave, at iba pa. At higit sa lahat, dahil hindi sila regular na manggagawa o di kaya�y hindi direktang nakaempleyo sa kapitalista sa pabrika, hindi kinikilala ang kanilang karapatan sa paguunyon at sa kolektibong pakikipagtawaran.

Tampok na halimbawa ang Shoemart (SM), ang pinakamalaking chain ng supermarket at department store sa bansa. Sa humigit-kumulang 20,000 empleyado nito, 1,731 lamang ang regular.

Ang karamihang iba pa ay mga manggagawang nakakontrata sa mga recruitment agency at may kontratang hindi aabot ng anim na buwan. Bukod sa mas mababa ang sahod at hindi tumatanggap ng iba pang kabayarang itinatakda ng batas para sa mga manggagawang regular, kinakaltasan pa ng ahensya ang kanilang sahod.

Ang labor only contracting ay natuklasan sa isang sarbey na ipinatutupad sa 857 pabrika noong 1994. Dahil lubhang kapaki-pakinabang sa mga kapitalista at ineengganyo ng reaksyunaryong gubyerno, mabilis itong lumaganap. Noong 1995, may 1,070 pabrika na ang nagpapatupad nito at sa sumunod na taon, 1,255 pabrika.

Sa pamamagitan ng labor-only contracting, pinipiga nang husto ng mga kapitalista ang mga bentahe para sa kanila ng napakalaking hukbo ng walang hanapbuhay. Dinadala sa sukdulan ang pagaagawan ng milyun-milyong walang hanapbuhay para sa napakalimitadong oportunidad sa empleyo.

Isa pang laganap na palakad ang tuwirang pagkuha ng mga kontraktwal, kaswal, aprentis o temporaryong manggagawa. Karaniwan ito sa mga empresang nasa malakihang produksyong-kamay tulad ng industriya ng kasuotan, elektroniks at handicrafts.

Dati-rati'y libu-libo ang regular na manggagawa ng Manila Bay Hosiery sa Marikina City, ang pangunahing tagagawa ng medyas sa Pilipinas.

Ngayo'y humigit-kumulang 250 na lamang ang regular nitong manggagawa. Nagtayo ang kumpanya ng "hiwalay" na empresa sa loob ng dati pa ring pabrika, na ang mga manggagawa ay may kontratang tiglilimang buwan lamang.

Ang mapambusabos na palakad na ito ay ginawang ligal ng mga batas na nagpapahintulot ng hanggang anim na buwang apprenticeship. Subalit kahit ito ay karaniwang nilalabag. Maraming kaso ng mga nananatiling apprentice o temporaryo nang ilang taon at gayo�y pwedeng sipain anumang oras.

Laganap din ang "pleksibleng" oras ng paggawa: pagpapatrabaho nang lampas sa walong oras sa isang araw, pagpapatrabaho kahit araw ng pahinga o rotation. Iba�t ibang paraan ito para paigtingin ang produksyon at pataasin ang nayayari ng mga manggagawa nang walang dagdag na kompensasyon ni dagdag sa pirming kapital.

Sa Wyeth Philippines na nasa Laguna, isang empresang gumagawa ng gamot, ipinatutupad ang palakad na "6-2". Dito, tuluy-tuloy na nagtatrabaho nang anim na araw ang manggagawa at pagkatapos, magbabakasyon nang dalawang araw . Sa pamamagitan nito, ang mga manggagawa ay napupwersang magtrabaho nang Sabado at Linggo nang walang bayad sa obertaym at magtrabaho nang sobra sa 40 oras sa isang linggo, bagay na labag sa kanilang CBA at mga pamantayan sa paggawa.

Karaniwan sa mga Export Processing Zones (EPZ) ang pagpapatrabaho nang 10 hanggang 12 oras kada araw. Sa isang empresang Taiwanese sa Kabite, ang mga manggagawa ay pwersahang pinagtatrabaho nang 14 oras mula Lunes at Sabado, at walong oras tuwing Linggo. Kung naghahabol ng kota, ang mga manggagawa ay pinagtatrabaho mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi, o minsan pa�y hanggang hatinggabi o madaling araw.

Ang pagpapataw ng kota ay isa pang paraan ng pagpapaigting sa produksyon at pagpwersa sa mga manggagawa na mag-obertaym. Nagpapataw ng mga kota na imposibleng matupad sa loob ng walong oras ng karaniwang paggawa. Kaya�t napipilitan ang mga manggagawa na pabilisin ang kanilang pagtatrabaho, na kadalasan ay nagreresulta sa pisikal na pinsala sa mga manggagawa. Kung hindi naman, napupwersang magtrabaho nang lagpas sa walong oras ang manggagawa para lamang matupad ang kota at makuha ang buong arawang sahod na walang bayad ang obertaym.

Patakarang Anti-Unyon at Anti-Welga

Ang iba�t ibang sistema ng "pleksibleng" paggawa ay hindi lamang pag-atake sa sahod ng mga manggagawa; pag-atake rin ang mga ito sa karapatang mag-unyon ng mga manggagawa. Ang mga ito ay naipatutupad lamang matapos supilin, pilayin o tuluyang durugin ang unyon.

Kaalinsabay, sa pamamagitan ng kontraktwalisasyon at kaswalisasyon, pinagkakaitan ng karapatang magbuo at sumapi sa unyon ang parami nang paraming manggagawa. Kinakasangkapan din ng mga kapitalista ang mga dilawang unyon upang linlangin at lansihin ang mga manggagawa sa pagtanggap ng kalakarang mapang-alipin.

Makikita ang mga ito sa nangyari sa Rubberworld Philippines. Dating may mahigit 5,000 manggagawa, ang kumpanya ay nagsimulang magbawas ng regular na manggagawa noong 1991. Isinara ang tatlong planta nito na nagresulta sa pagkakatanggal ng 2,300 manggagawa. Idinahilan ang pagkalugi. Pero ang totoo�y inilipat lamang ang operasyon sa mga subcontractor na gumagawa ng iba�t ibang bahagi ng sapatos at tsinelas. Upang tuluyang maisara ang sentral na planta sa Novaliches, kinutsaba ng kapitalista ang dilawang unyon noong 1994. Hindi tinutulan ng huli ang pagsasara ng Rubberworld: Sa halip, humingi lamang ito ng mga benepisyo at nanawagan sa boluntaryong pagreretiro ng mga manggagawa. Ang isa sa mga pinaglipatan ng operasyon ng Rubberworld ay ang Rubberland na may 400 manggagawa noong 1996 na pawang kontraktwal na isinuplay ng ahensyang EC Dynamics Manpower Development.

Kalakaran sa mga Export Processing Zones ang mahigpit na pagbabawal sa unyon at welga. Ang pagpapataw ng patakarang "no union-no strike" ay direktang pinangungunahan ng mga burukratang kapitalistang tulad ni Juanito Remulla sa Cavite Export Processing Zone noong dekada 1980, Jose "Peping" Cojuangco sa Luisita Industrial Park at Richard Gordon sa Subic Bay Freeport.

Sa Subic Bay Freeport, mahigit 3,374 manggagawa ang direktang nasa pangangasiwa ni Gordon at ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA). Sa pamamagitan ng awtoridad ni Gordon sa SBMA, ng pulisya at militar, pinaiiral ang "katiwasayang industriyal" sa pamamagitan ng kamay na bakal. Agad tinatanggal sa trabaho ang sinumang magtangkang mag-organisa ng unyon o maglunsad ng welga. Hindi pwedeng tanggapin ang sinumang naging unyonista o welgista.

Sa Bataan Export Processing Zone (BEPZ), mahigpit na ipinatutupad ang patakarang "no unionno strike". Noong kasagsagan ng anti-pasistang pakikibaka sa ilalim ng diktadurang US-Marcos, mahigit 50 unyon ang nabuo dito. Ngayon, 18 unyon na lamang sa 62 pabrika ang nakatayo. Kalahati na lamang sa 25,000 manggagawa sa BEPZ ang regular. Karaniwan na ang pansamantalang pagsasara ng pabrika at pagbubukas sa ibang pangalan para palitan ng kontraktwal at kaswal ang mga manggagawang regular. Para pigilan ang paguunyon, karaniwang ikinukulong ang mga manggagawa sa mahigpit na ginugwardyahang mga dormitoryo sa loob ng pabrika.

Ang reaksyunaryong gubyerno ay pasimuno at aktibong kasapakat sa paggamit ng mga export processing zone para sikilin ang mga unyon, supilin ang mga manggagawa at lubos na ipaubaya sa mga kapitalistang karamiha�y dayuhan ang pagpapasasa sa katutubong lakas paggawa.

Noong 1996 lamang ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ay nakapagtala ng 80 kaso ng paglabag sa mga karapatan na apektado ang 2,436 manggagawa. Isang manggagawa ang pinatay at isa pa ang tinangkang patayin. May tangkang pagmasaker sa 26 unyonista at iligal na inaresto ang 253 manggagawa. May 25 kaso ng harasment sa piketlayn na bumiktima sa 1,338 manggagawa.

Paglaban ng mga Manggagawa

Ang manggagawang Pilipino ay may karanasan sa pag-iipon ng lakas, paglaban at pagsulong sa malupit na kalagayan ng lantad na teroristang paghahari ng pasistang diktadurang US-Marcos. Sa harap ng walang taros na pagdaluhong sa kanilang kapakanan at mga karapatan, muling pinalalakas ng mga manggagawa ang kanilang kolektibong organisasyon at paglaban.

Masigasig na lumalawak at lumalakas ang mga protesta at aksyong masa para sa pagtataas ng sahod, tulong sa milyun-milyong biktima ng disempleyo at laban sa kontraktwalisasyon at kaswalisasyon. Nangunguna rin ang mga manggagawa sa mga protesta laban sa paulit-ulit na pagtaas ng presyo ng mga produktong langis. Umani ng malawak na simpatiya at pagsuporta ang "Lakbayan Laban sa Kahirapan" noong Oktubre 20- 24, 1997.

Muling bumubwelo ang kilusang welga ng mga manggagawa. Noong 1997, 40 welga ang naitala ng Kagawaran sa Paggawa at Empleyo (DOLE). Mula Enero hanggang Abril 1998, mahigit nang 40 welga ang naitatala. Mabilis na lumalaki ang bilang ng manggagawang kalahok sa welga at ang laki ng oras ng paggawang nawawala. Pumuputok ang mga welga sa pinakamalalaking kumpanya gaya ng Philippine Airlines na tinutumbok na ng kontraktwalisasyon at kaswalisasyon.

Sa higit pang pagtindi ng krisis sa pulitika, maramihang lumalahok din ang mga manggagawa sa mga pakikibakang pampulitika. Libu-libong manggagawa ang sumama sa dambuhalang martsa at rali noong Setyembre 21, 1997 laban sa pagamyenda sa konstitusyon para patagalin si Ramos sa Malakanyang.

Pagkakaisa at determinadong paglaban ang tanging tumpak na tugon sa walang patumanggang pagtindi ng pagsasamantala at pang-aapi sa masang manggagawa. Ang ubos-kayang paglaban sa pambubusabos at pagyurak sa mga demokratikong karapatan ay isang saligang rekisito sa pagbubuo ng militante at rebolusyonaryong lakas ng uring manggagawa at sa pagmamartsa nito sa unahan ng rebolusyonaryong pakikibaka ng lahat ng uring pinagsasamantalahan at inaapi.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Abril 1998
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Erap Kontra Mahirap

Mula sa tagapaglathala:
Bagong kapasyahang muling ilathala ang Ang Bayan

Ang pagbabalik ng mga Marcos sa poder
KS: Arestuhin ang mga alipures ng diktador
Rebolusyonaryong Kilusan sa Gitnang Luzon
Pagbangon at Pagpapanibagong-Lakas

Nueva Ecija: Matingkad na Pagsulong
Tungkol sa mga Buladas ng Triong Magdangal-Bill-Olive
Hambalos ng "Globalisasyon" at Krisis sa Manggagawang Pilipino
Rebolusyonaryong Kilusang Lihim sa Pabrika, Sumusulong
25 Taong Tagumpay sa Rebolusyonaryong Nagkakaisang Prente
Paggalang sa karapatang-Tao:
Integral sa kondukta ng digmang-bayan

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.