Ang papel ni Eduardo "Danding" Cojuangco sa huling mga buwan ni Estrada sa Malakanyang
Pinakatuso sa lahat ng tuso ang padrino ni Joseph Estrada na si Eduardo "Danding" Cojuangco. Sa mga naghihingalong araw ng rehimeng Estrada, bilyun-bilyong piso ang kanyang ibinuhos upang mapanatili sa pwesto ang kanyang mga alipures sa gubyerno habang sinisigurong hindi matitinag ang malawak niyang imperyo kung sakaling babagsak si Estrada at naghahanda ng kontra-kampanya laban sa papalit na rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Nakinabang nang husto ang pamilya at mga kroni ng kinamumuhiang diktator na si Marcos katulad ni Lucio Tan at Cojuangco sa ilalim ng rehimeng Estrada. Limang araw pa lamang sa pwesto si Estrada, iniupo na niya si Cojuangco bilang presidente ng San Miguel Corporation (SMC) sa pamamagitan ng saping sekwestrado o hawak ng gubyerno. Noong Disyembre, ibinigay niya kay Cojuangco ang pondong coco levy sa pamamagitan ng isang kautusang ehekutibo. Iniluklok sa pinakamatataas na pwesto ng gabineteng Estrada ang kanyang inalagaang mga tau-tauhan. Pinalawak at pinalakas din ni Estrada ang pangkatin ni Cojuangco sa loob ng militar. Sa mahahalagang desisyon at negosasyon ng gubyerno, hindi nawala ang kamay ni Cojuangco. Hindi lamang muling nabuhay itong isa sa pinakamalaking kroni ng dating diktador na si Marcos, lumawak pa ang kanyang kapangyarihan kapwa sa pulitika at ekonomya.
Maniobra sa pulitika
Matingkad ang papel ni Cojuangco sa rehimen ni Estrada, laluna sa huling mga buwan nito sa Malakanyang. Isa siya sa pinakamatigas na pumusisyon laban sa kusang pagbibitiw ni Estrada. Oktubre pa lamang noong nakaraang taon, inutusan na niya ang kanyang pinagkakatiwalaang alagad na si Ernesto Maceda upang 1) konsolidahin at ibayong palakasin ang LAMP, ang alyansa ng mga partidong maka-Estrada; 2) ikumpas ang maka-Estradang propaganda; at 3) tanggalin sa pwesto si Cong. Manuel Villar bilang Speaker of the House at Sen. Franklin Drilon bilang presidente ng senado dahil tiyak ang kanilang pagbaligtad kay Estrada.
Sa pamamagitan ng panunuhol ng limpak-limpak na salapi, napasumpa niya sa kanyang partidong Nationalist People�s Coalition ang 40 kongresista, napabaliktad ang 15 sa 77 pumirma sa impeachment complaint at naipwesto si Arnulfo Fuentebella, malapit na kaibigan ni Maceda bilang bagong Speaker of the House. Kakutsaba ang isa pang tuso na si Senador Juan Ponce Enrile, natiyak din niya na may sapat na boto ang pagpapawalang-sala kay Estrada sa reaksyunaryong senado. Napakalaki na ng ipinuhunan ni Cojuangco sa kanyang mga alipures na pulitiko upang basta-basta na lamang bitiwan ang kanyang kapangyarihan sa ekonomya at pulitika. |
Siya ang nagkumpas sa pagtatanggol at pagsasalba kay Estrada sa impeachment court. "Ipinahiram" niya ang kanyang abugadong si Estelito Mendoza (bilang upisyal na bahagi ng panel sa depensa) at ang bise-presidente ng SMC na si Ramon Ang (bilang di-upisyal na bahagi ng panel sa depensa) upang manguna sa depensang ligal ni Estrada. Si Cojuangco rin ang nagbayad sa napakaraming abugadong nagpasimuno ng sarisaring pakana upang pagtakpan ang mahahalagang ebidensya at pahabain ang paglilitis. Pinakilos din niya ang kanyang mga pulitiko upang takutin at pagbantaan ang mga saksi.
Labas sa impeachment court, aktibo ang tambalang Cojuangco-Estrada sa panlilinlang at paghahasik ng teroristang lagim sa balangkas ng dalawang planong naglayong ibangon ang maruming imahen ni Estrada. Pinangunahan nilang dalawa ang huwad na kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng reaksyunaryong gubyerno at mga espesyal na ahente nito sa kontra-rebolusyonaryong grupo nina Arturo Tabara sa Negros noong Disyembre 10. Sa pag-aakalang masusuhulan nila ang mga lider ng kilusang anti-Estrada, "nangako" si Estrada na palalayain ang mga bilanggong pulitikal at ibabasura ang batas na nagpapataw ng parusang kamatayan. Ngunit ang sadyang pinakakamuhi-muhing pakana ng tambalang Cojuangco-Estrada ay ang teroristang pambobomba ng kanilang mga tauhan sa matataong lugar noong Disyembre 30. Dalawampu�t dalawa ang namatay sa naturang pambobomba at mahigit 100 ang nasugatan. Binalak nitong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga iskandalosong impormasyong lumilitaw sa paglilitis at ituro ang duguang kamay sa Moro Islamic Liberation Front, Bagong Hukbong Bayan, sa mga makakanan o kung sinu-sino na lamang. Ginawa nila ang karumal-dumal na krimeng ito upang muling ilunsad ang digmaang anti-Moro sa Mindanao at pahigpitin ang pasistang kordon sa Kamaynilaan.
Paniniguro sa ekonomya
Sa likod ng kanyang mga pagsisikap upang mapanatili si Estrada sa pwesto, tahimik na naghahanda si Cojuangco sa posibilidad na mapatalsik ang nauna. Malayo pa ang aktwal na paglilitis, kinonsolida na niya ang kanyang hawak sa SMC at tuluy-tuloy na pinaghandaan ang pagkopo sa pondong coco levy.
Pinalawak niya ang saklaw ng mga operasyon ng SMC at pinatatag ang kanyang pamumuno rito. Magkakasunod na binili ng SMC ang Sugarland, Philippine Dominion (pagawaan ng delatang tuna) at isang bahagi ng Metro Pacific. Sa kasalukuyan, nakikipagnegosasyon ang SMC sa Coca-Cola Amatil sa kagustuhan nitong bilhin ang 65% ng nasabing kumpanya. Tahimik ding bumili si Cojuangco ng dagdag na 20% sapi ng SMC sa pamamagitan ng iskemang buy-back upang patatagin ang kanyang pusisyon bilang pinakamalaking shareholder ng kumpanya. Sa gayon, kahit maibenta sa ibang negosyante ang nalalabing 27% sekwestradong sapi, mananatili kay Cojuangco ang kontrol ng kumpanya.
Ilang linggo bago siya mapatalsik, pinirmahan na ni Estrada ang isang kautusang ehekutibo na naglegalisa sa pagkopo ni Cojuangco sa pondong coco levy sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang "foundation". Una rito, pinalakas ni Estrada ang hawak ni Cojuangco sa industriya ng niyog kung saan tusong minaniobra ng huli ang presyo ng kopra. Sa loob ng ilang araw noong Pebrero 2000, bumagsak sa P2.50/kilo mula P18/kilo ang presyo ng kopra. Binawi rin ni Cojuangco ang huwad na mga stock certificate na ipinamudmod niya noong 1998 sa mga magsasaka ng sekwestradong lupain sa Negros. Matatandaang bahagi ito ng iskemang "stocksharing" ng Department of Agrarian Reform na noo�y pinamumunuan ng alagad niyang si Horacio "Boy" Morales.
Si Cojuangco pagkatapos ni Estrada
Bagamat napatalsik na si Estrada, nananatili ang kapangyarihan ni Cojuangco sa ekonomya at sa signipikanteng bahagi ng pambansang pulitika at militar. Hangga�t hindi siya direktang sinasagasaan ng kasalukuyang naghaharing pangkatin, posible pang makipagkasundo si Cojuangco kay Macapagal-Arroyo. Ngunit tanda ng katusuhan ni Cojuangco, handa siyang gamitin ang kanyang grupo sa militar at pulisya, mga alagad sa kongreso, senado at mga lokal na gubyerno at mga abugado upang ikasa ang planong destabilisasyon laban sa bagong rehimen at iluklok sa poder ang sinumang mas "mapagkaibigan" sa kanya at kanyang mga interes. Mula sa pagkwestyon sa ligalidad ng panunungkulan ni Macapagal-Arroyo hanggang sa pagbabanta at aktwal na paglulunsad ng kudeta, gagawin ni Cojuangco ang lahat, mapangalagaan lamang ang kanyang mga interes. Maliit lamang ang nakalaang P2 bilyon kumpara sa posibleng kawalan kung isasara o paiimbestigahan ang kanyang kayamanan, nakatago at hindi.
Napakalaki na ng ipinuhunan ni Cojuangco sa kanyang mga alipures na pulitiko upang basta-basta na lamang bitiwan ang kanyang kapangyarihan sa ekonomya at pulitika. Sa kasalukuyan, puspusan ang paghahanda ni Cojuangco para sa eleksyon ng Mayo. Hindi magaatubili si Cojuangco na gamitin ang pinakamarurumi at mararahas na paraan, mailuklok lamang ang kanyang mga kandidato.
Katulad kay Estrada, malaki ang pangangailangang papanagutin ang pinakamalalaking kroni ng kanyang rehimen, laluna ang padrino rin niyang si Cojuangco, para sa walang pakundangang pandarambong at pagnanakaw sa kaban ng bayan. Dagdag dito, dapat papanagutin din si Cojuangco sa mga anti-magsasaka at anti-manggagawang hakbang na isinagawa niya sa kanyang mga kumpanya. Dapat rin siyang kasuhan sa mga krimen na ipinatupad sa ngalan ng rehimeng Estrada. Matagal nang naantala ang katarungang hinihingi ng mamamayang Pilipino.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|