Itaas ang antas ng pakikibaka para sa makabuluhang dagdag na sahod
Tumpak at lubos na kinakailangan ang muling pagsigla ng pakikibaka ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod. Nananatiling wasto at makatarungan ang panawagang dagdagan ng `125 ang arawang minimum na sahod upang mapaliit ang napakalaking agwat sa pagitan ng natatanggap na sahod sa aktwal na pangangailangan ng mga pamilya ng mga manggagawa.
![](../../angbayan/images/040921/sahod.gif)
Layunin ng pakikibakang ito na pigilin ang tuluy-tuloy na pagdausdos ng kakayahang bumili (purchasing power) ng mga manggagawa bilang tugon sa tuluy-tuloy na hambalos ng pang-ekonomyang krisis. Ngunit higit pa rito, tinutugunan nito ang batayang karapatan at kundisyon ng makatao at disenteng pamumuhay na ipinagkakait at marahas na niyuyurakan ng mga kapitalista, kasabwat ang mga naghaharing uri na nasa pusisyon.
Inilalantad nito ang sistema ng sahurang pang-aalipin at nilalabanan ang walang hangganang pagsasamantala sa mga manggagawa at lahat ng masang anakpawis. Tinutumbok nito ang pangangailangan para sa pambansa-demokratikong rebolusyon bilang solusyon sa krisis pangkabuhayan na likas sa malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan.
Kakoro ang mga padrino nitong kapitalista, patuloy na hinahadlangan ng rehimeng Arroyo ang pagtataas ng sahod. Sa nakaraang tatlong taong panunungkulan nito, wala itong makabuluhang idinagdag sa sahod maliban sa pabarya-baryang inilimos ng mga regional wage board na mas nakainsulto kaysa nakatulong sa mga manggagawa. Masahol pa, ipinapanukala ngayon ng rehimen ang buu-buong pagbawi sa kakarampot na idinagdag sa pamamagitan ng mga bago at dagdag na buwis.
Kailangang mahigpit na panghawakan ng kilusang manggagawa ang lakas nito upang magkamit ng mga tagumpay sa pakikibaka para sa karagdagang sahod. Maaaring sumiklab ang isang pambansang pakikibaka para sa karagdagang sahod kung puspusang palalakasin ang pagkakaisa ng iba't ibang mga sentro ng paggawa. Kailangang puspusang palakasin ang mga unyon at organisasyon ng mga manggagawa, laluna sa mga lugar na pinakamataas ang kanilang konsentrasyon. Napakahalagang basagin ang terorismo ng estado at malalaking kapitalista sa mga enklabo at igiit ang kalayaan doon ng mga manggagawa na mag-organisa at magpahayag. Napakahalagang labanan ang mga dilawan kung saan sila nakapangingibabaw. Pagtuunan din ng pansin ang mga komunidad ng mga mala-manggagawa at mga manggagawang bukid. Ang kanilang mga unyon at organisasyon ang magbabandila sa panawagang itaas ang sahod sa kani-kanilang mga lugar.
Kasabay ng pakikibaka para sa dagdag na sahod sa nakaraan, marapat ding ipagpatuloy ang paglalantad ng malalaking usapin sa kilusang paggawa katulad ng malawakang disempleyo, kontraktwalisasyon at panunupil sa mga karapatan sa paggawa. Ang mga kampanyang ito ang papayong at susuporta sa lokal na mga pakikibaka at maaaring maging sentrong panawagan para sa pagpapalawak at pagpapalakas ng mga unyon.
Kaugnay nito, napakahalagang ilantad at labanan ang mga tuso at mapanghating maniobra ng mga dilawan at kontra-rebolusyonaryo. Sila ay nagpapanggap na boses ng mga manggagawa at naghahain ng kung anu-anong alternatibang bumubuntot sa pangangatwiran ng mga kapitalista at ng rehimen at dumidiskaril sa pakikibaka ng mga manggagawa.
Napakataba ng lupa para palawakin ang nagkakaisang prente para sa pagtataas ng sahod. Tiyak ang paglawak ng mga alyansang nabuo sa pagitan ng mga manggagawa at mga demokratikong pwersa sa simbahan, mga lokal na gubyerno at iba pang mga institusyon. Tiyak ding lalawak pa ang mga taktikal na alyansa sa mga seksyon ng mga naghaharing uri habang mabilis na lumalala ang krisis ng buong naghaharing sistema.
Higit kailanman, mahalagang nakapwesto ang kilusang manggagawa sa unahan ng kilusang masa sa kalunsuran. Naghihintay lamang ng kumpas at direksyon ang disgusto at galit ng mamamayang lalo pa ngayong pinahihirapan ng krisis at malulupit na patakarang pang-ekonomya ng rehimen.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|