Patuloy na lumalala ang sistema ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo
Anim na buwan matapos lumahok ang puu-puong libong kabataan at estudyante sa pagpapatalsik sa tiwali at anti-mamamayang si Estrada, wala pa ring positibong hakbang sa mga hinaing nila ang kasalukuyang administrasyon. Walang ibang pagbabago sa kalagayan ng mga estudyante sa ilalim ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo kundi ang mas pagbigat pa ng patung-patong na mga pahirap sa kanila.
Sa harap ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, mga pangunahing bilihin, tubig at iba pang gastusin ng mga pamilya, mas nadagdagan ang pasanin ng mga estudyante at kanilang mga magulang. Nitong pasukan, lampas sa 400 pribadong kolehiyo at unibersidad sa buong bansa ang nagtaas ng matrikula. Sa Mindanao, humigit-kumulang 26 na pampublikong kolehiyo at unibersidad ang nagtaas ng mga bayarin nang abereyds na 15%.
Noong Mayo 23, inaprubahan ng Board of Regents ng University of the Philippines (UP) ang pagtataas ng matrikula at ibang bayarin sa UP Manila, UP College Baguio, UP Visayas at 20 sa 25 kolehiyo sa UP Diliman. Labintatlong kolehiyo sa UP Diliman ang nagtaas ng graduate tuition fees mula P300 tungong P500 bawat yunit, apat na kolehiyo mula P300 tungong P600 at isang kolehiyo mula P300 tungong P700. Ang mga kursong may laboratoryo sa College of Science na P300 kada yunit noong 1997 ay umaabot na sa P1,500 ngayon ang singil.
Sa Baguio City, may mga kolehiyo at unibersidad na nagtaas ng matrikula at ibang bayarin nang 5-10%. Maraming estudyante mula sa pribadong eskwelahang elementarya sa lunsod na ito ang lumipat sa mga pampublikong paaralan ng syudad dahil sa pagtaas ng mga bayarin.
Ang mga pagtaas ng mga bayarin sa eskwela ay dulot pa rin ng Education Act of 1982 na pinananatili ng kasalukuyang rehimen. Sa batas na ito, wala nang restriksyon sa pagtataas ng matrikula. Nagdulot ito ng 2,000% pagtaas sa matrikula mula nang isinabatas ito ng diktador na si Marcos. Sa kabila ng mga pahirap na dala ng mataas na presyo ng edukasyon, tanging ang pagpipirmi sa 15% maksimum na pwedeng itaas ng matrikula ng mga estudyante sa unang taon nila sa kolehiyo ang paulit-ulit na ipinapanukala sa Kongreso.
Ayon mismo sa mga pahayag ng mga upisyal ng Department of Education, Culture and Sports (DECS), kulang ng 16,214 silid-aralan, 142 milyong libro at 29,000 guro. Sa kabila nito, mas ang pagpapalobo ng badyet ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang binigyang-pansin ng rehimen. Nitong Hulyo, sa anibersaryo ng AFP, ipinahayag ni Macapagal-Arroyo ang pagbibigay ng P10 bilyon dito para sa "modernisasyon" nito. Ang pagbabayad ng utang panlabas at korapsyon ang iba pang malalaking lumalamon sa badyet ng reaksyunaryong gubyerno.
Noong 1997, naglaan ang reaksyunaryong gubyerno ng P12 bilyon mula sa utang sa World Bank para sa pagpapagawa ng 2,000 silid-aralan bawat taon. Subalit noong 1998, dalawa lamang ang naipagawa mula rito at 200 lamang sa unang hati ng taong kasalukuyan.
Noong Enero 23, kauupo pa lamang ni Macapagal-Arroyo sa poder, nagpahayag ng apat na kahilingan ang mga estudyante, sa pamamagitan ng National Union of Students of the Philippines. Ang mga ito ay ang 1) pagtigil sa pagtaas ng matrikula, 2) pagtaguyod sa mga demokratikong karapatan ng mga estudyante, 3) pagdagdag sa subsidyo ng edukasyon, at 4) walang kundisyong pagpapalaya sa mga estudyanteng bilanggong pulitikal. Wala pang tugon ang rehimen sa mga ito.
Sa panibagong pagtaas ng mga bayarin sa eskwela at sa kakulangan ng subsidyo ng pamahalaan, inulan ng mga batikos, pagtutol at protesta ang rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Pabalbal itong sinagot ng Commission on Higher Education sa pagsabing kung nais ng mga estudyante ng may kalidad na edukasyon, kailangan nila itong bayaran.
Nagbuo ng alyansa ang mga mag-aaral na tinawag nilang Education for All (Edukasyon para sa Lahat). Nitong Hulyo 23, sa State of the Nation Address ni Macapagal-Arroyo, lumahok sa malawak na protesta sa Kongreso ang mga estudyante upang muling igiit ang kanilang mga kahilingan.
Malaon na ang laban ng mga estudyante sa bulok na sistema ng edukasyon. Kapalit ng komersyalisado, pyudal, maka-imperyalista at elitistang edukasyon, ipinaglalaban nila ang libre, siyentipiko, makabayan at makamasang edukasyon. Habang walang batayang pagbabago sa sistema ng ating lipunan, mananatiling api ang kabataan at siil ang kanilang karapatan sa edukasyon.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|