Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang 'corporative scheme' ni Danding:
Ibayong pahirap sa mga magsasaka

 Read this article in English

May bago nang bansag sa ligal na pangangamkam ng lupa: Ang "corporative scheme" ni Eduardo 'Danding' Cojuangco, na idineklarang Administrative Order No. 9 (AO 9) ng Department of Agrarian Reform (DAR). Ito ay umaakma sa Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA) ng gubyerno na nang-eengganyo sa malalaking lokal at dayuhang kapitalista na lubusang ariin at pakinabangan ang likas-yaman ng Pilipinas at pagsamantalahan ang mamamayang Pilipino.

Lalong pinalalala ng "corporative scheme" sampu ng AFMA ang tigib nang kahirapan ng mga magbubukid. Pinaiigting ang malapyudal at pyudal na pagsasamantala at pang-aapi sa kanila, habang pinabibilis ang pagkamal ng yaman ng malalaking negosyante-asendero gaya ni Cojuangco.

Isinasalaksak ito sa kalagayang mismong ang gubyerno na papet ng imperyalismong US at kinatawan ng mga kroni ni Marcos ang naglalako ng mga lupain at kagubatan ng bansa para maging 100% pag-aari ng mga dayuhan, todo-todong nag-aangkat ng mga produkto sa napakamurang halaga, at marahas na nang-aagaw ng lupa sa mga magbubukid.

Balik-tanaw sa "corporative scheme"

Pumapatungkol ang "corporative scheme" sa pagtatayo ng mga "kooperatiba ng magsasaka" na nakapailalim at mahigpit na nakatali sa isang korporasyon. Dito, ang mga magsasakang kabilang sa "kooperatiba" ang magbubungkal ng lupa na kanilang pag-aari diumano habang ang korporasyong kanilang "kasosyo" ang bahalang mamuhunan sa kapital, teknikal na espesyalisasyon at kagamitan at higit sa lahat, kumontrol sa negosyo at paggamit sa lupa. Ito diumano ay isang paraan, at modelo pa ngang paraan, ng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang walang lupa sa ilalim ng programa ng huwad na reporma sa lupa.

Inilabas ang "corporative scheme" bilang isa na namang pagkukunwari sa reporma sa lupa habang tahasang itinataguyod ang interes ng mga panginoong maylupa laban sa masang magsasaka. Subalit bagong tatak lamang ito ni Danding sa "stock-sharing scheme" na sinimulan ng kanyang mga pinsan na taga-Hacienda Luisita sa Tarlac. Ginaya ni Danding ang pakanang ito sa kanyang transaksyon sa mahigit 4,000 ektarya ng lupain niya sa Negros.

LALONG PINALALALA NG "CORPORATIVE SCHEME" SAMPU NG AFMA ANG TIGIB NANG KAHIRAPAN NG MGA MAGBUBUKID.

Sa "korporatiba", nagtatayo muna ang mga asendero ng korporasyong pagmamay-ari nila upang pangasiwaan ang kanilang lupain. Pagkatapos ay namamahagi ng mga likhang-isip na "sapi" ng korporasyon sa isang "kooperatibang" itinayo rin ng panginoong maylupa at kinabibilangan ng mga kasam�ng magsasaka. Ito'y upang magmistulang kapwa "may-ari" ng lupa na binubungkal nila ang mga kasam�. Pinangangakuan din ang huli ng bahagi sa tubong kikitain mula sa ani. Ngunit dahil ang negosyante-asendero ang may kontrol sa takbo ng "sosyohan", madali nilang namamanipula ang pagkukwenta ng ani at tubo upang walang mapala o kaunti lamang ang makuhang pakinabang ng mga magbubukid.

Danding: Salot sa mga magsasaka

Ang implementasyon ng "corporative scheme" ni Danding Cojuangco ay patunay ng sabwatan niya at ng rehimeng US-Estrada upang mabawi ni Cojuangco ang kanyang nakaw na yaman at lubusan siyang makapanumbalik sa kapangyarihan. Paghahanda rin ito ni Danding sa balak niyang maging pangunahing kasosyo ng mga multinasyunal na korporasyong agribisnes at pagmimina na animo'y mga ibong mandaragit na dadagsa sa bansa oras na magtagumpay si Estrada na pawiin ang mga nalalabing restriksyon sa saligang batas laban sa mga negosyong dayuhan.

Subalit patuloy na sumisingaw ang kontra-magsasakang katangian ng "corporative scheme".

Pinasinungalingan ng mismong mga magbubukid ng Negros ang ipinagbubunyi ng gubyernong "libreng pamimigay" ni Danding ng lupain. Inilantad nila ang papeles na nagpapatunay na pinagbabayad ng ECJ & Sons Agricultural Enterprises, Inc. (na pag-aari ni Cojuangco at siyang korporasyong sangkot sa "stock-sharing" sa 4,631 ektarya ng lupa sa Negros) ang mga magbubukid ng P350,000 bawat ektarya sa loob ng 10 taon.

Kakutsaba ni Cojuangco ang reaksyunaryong gubyerno sa panloloko sa mga magbubukid. Noong nakaraang taon, inaprubahan ni Antonio Cerilles, kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang pagkakaloob ng 6,400 ektaryang lupang sakahan sa Pinggot, Ilog, Negros Occidental kay Cojuangco. Ayon sa upisyal na rekord, ang lupa ay gagamitin sa pagsusulong ng mga proyekto ng gubyerno hinggil sa produksyon ng prutas at pagpoproseso ng woodpulp. Alinsunod rito, nagbuhos ng P1 bilyon mula sa kabang bayan ang rehimeng Estrada. Ngunit sa katunayan, ang kakontrata ni Danding sa lupa ay ang Yves Saint Laurent (YSL), isang korporasyong Pranses na gumagawa ng pabango. Gagamitin ang lupa para tamnan ng ilang-ilang. Ang mga magsasaka ay inalok ni Danding ng P140 arawang sahod at 30% "sosyo" sa Agro-Fruit Corporation (pag-aari rin ni Cojuangco), at binantaang palalayasin kung hindi sasang-ayon.

ANG IMPLEMENTASYON NG "CORPORATIVE SCHEME" NI DANDING COJUANGCO AY PATUNAY NG SABWATAN NIYA AT NG REHIMENG US-ESTRADA UPANG MABAWI NI COJUANGCO ANG KANYANG NAKAW NA YAMAN AT LUBUSAN SIYANG MAKAPANUMBALIK SA KAPANGYARIHAN.

Pinasidhi ng naturang proyekto ang hirap nang kalagayan ng mga magsasaka. Dahil binili na ng YSL ang eksklusibong karapatan (patent) na magtanim, magparami, magproseso at magbenta ng ilang-ilang, pinagkakaitan nito ng karapatan ang sinuman — kabilang na ang mga maralitang magsasaka ng Barangay Pinggot — na gamitin ang ilang-ilang bilang isang tradisyunal na halamang gamot. Imbes na bahaginan ng lupa at tulungang makapagpaunlad ng mga imprastrukturang pansaka ang mga magbubukid, nagbuhos ng malaking halaga ang gubyernong Estrada upang ibayo pang patatagin ang monopolyo ni Danding sa Negros. Pang-kumpleto ng larawan ang paghirang ni Cojuangco kay Nehemias dela Cruz, isang "sumukong rebelde", bilang pinuno ng Agro Fruit Corp. Si dela Cruz ang nanguna sa "pangungumbinsi" sa mga magsasaka na magtrabaho para kay "Boss Danding". Nang magprotesta ang mga magbubukid, madaling winalang-bahala ni Cerilles ang mga ito, at sinabing hindi naman kabilang ang mga nagpoprotesta sa "Pinggot AgroForestry Development Association", isang "kooperatiba ng mga magbubukid" na inorganisa ni Danding.

Gayundin, sa Kabankalan, Negros Occidental, pinalalayas ang 7,000 magbubukid mula sa pampublikong kolehiyong Negros Occidental Agricultural College (NOAC), upang bigyang-daan ang Tri-Partners, Inc.(TPI). Ang TPI ay isang pribadong kumpanya na nagtatanim ng mga puno ng kape para sa Nestl�, isang higanteng korporasyon sa agribisnes. Ang mga naturang magbubukid ay may kontrata sa DENR (batay sa Proclamation 459) para sa isang proyekto sa reforestation, subalit winalang-bahala ito ng DENR. Bagkus, kinatigan nito ang 10-taong kontrata ng pagpapaupa sa TPI ng 1,000 ektarya ng lupa. Walang kaabug-abog na pinalalayas ang mga apektadong magsasaka.

Maging ang mga paaralan ay hindi ligtas sa kuko ng "corporative scheme". Napag-alaman na ang Nestl� ang magsusuplay ng mga buto ng kape at magsasanay sa mga estudyante ng NOAC sa kanilang practicum. Sa gayo y libre nilang magagamit sa negosyo ang mga estudyante sa panahon ng kanilang pagsasanay. Mayroon ding tiyak na mapagkukunan ang Nestl� ng mga skilled worker para sa mga subsidyaryo nito tulad halimbawa ng 500-ektaryang United Equity Corp., isang plantasyon ni Roberto Benedicto, na dati ring kroni ni Marcos.

Patuloy na pambobola ni Estrada

Ang "corporative scheme" ay desperadong pagtatangka ng rehimeng Estrada upang pagtakpan ang lalong sumisidhing pyudal at malapyudal na pagsasamantalang dinaranas ng mga magsasaka sa ilalim ng reaksyunaryong sistema:

Nagpapatuloy na pagpapalit-gamit ng mga lupang sakahan. Kamakailan, iniutos ni Estrada na itigil ang lahat ng kumbersyon ng mga bukirin upang matiyak ang "seguridad sa pagkain". Subalit todo-todo namang itinutulak ang AO 9, AFMA at mga kaugnay na patakaran na nagbibigay ng 100% kalayaan sa mga lokal at dayuhang kapitalista na wasakin ang mga lupang sakahan at mga kagubatan para sa pagtatanim ng mga cash crop, pagmimina, real estate development at iba pang negosyo.

Noong 1998 pa lamang, mahigit kalahati na ng 2.3 milyong ektaryang palayan ang isinailalim na sa pagpapalit-gamit. Kayat katawa-tawa ang bukambibig ng Department of Agriculture na gagawing numero-unong taga-eksport ng bigas ang bansa sa 1999. Katunayan, noong 1998 ay kinailangang mag-angkat ng napakamurang produktong agrikultural upang punan ang kakulangan sa produksyon.

Malawakang pangangamkam ng lupa. Bukambibig din ng kontra-mamamayang administrasyon na sa loob ng ilang taon ay makukumpleto na ang target na lawak ng mga lupang ipamamahagi sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Subalit buong-layang nangangamkam ng lupang sakahan ang pinakamalalaking lokal at dayuhang negosyante sa real estate gaya nina House Speaker Manuel Villar, Sen. Juan Ponce Enrile at pamilya Ayala, at ang mga real estate conglomerate tulad ng Manila Southcoast Development Inc., Sta. Lucia Realty at Berenguer Estate. Kabilang din sa pangunahing mang-aagaw ng lupa ang pinakamasisibang dating kroni ni Marcos at mga multinasyunal. Samantala, sa Negros Occidental, Bukidnon, Samar, Laguna, Batangas, Bulacan at iba pang bahagi ng bansa, parami nang parami ang mga lugar kung saan maramihang binabawi ng DAR ang mga iginawad na nitong Certificate of Land Ownership Award sa ilalim ng CARP upang bigyang-daan ang pangangamkam.

Pribatisasyon ng NIA at pagkapon sa NFA. Bubuhusan umano ni Estrada at Edgardo Angara ng pondo ang sektor ng agrikultura sa bansa upang mapatatag at mapaunlad ang mga imprastruktura nito. Pero sa halip, pinakitid ni Estrada ang saklaw ng gawain ng National Food Authority (NFA) at isinapribado ang National Irrigation Administration (NIA).

Ang NFA ay ginawa na lamang tagasubaybay sa mga presyo ng mais at bigas, at inalisan ng kapangyarihang isaayos ang distribusyon ng mga pangunahing butil sa pambansang saklaw. Nagresulta na ito sa pagkabulok ng tone-toneladang mais sa Mindanao.

Ang pagsasapribado naman ng National Irrigation Administration ay nagresulta sa pagkakatanggal ng mga empleyado nito. Sa halip na pahusayin ng bagong pangasiwaan ang sitwasyon ng patubig para sa mga maralitang magsasaka, ang binibigyang-pakinabang ngayon sa irigasyon ay ang mga golf course at taniman ng cash crop.

Walang patutunguhan ang mga buladas ng makaasenderong rehimeng Estrada kundi ang ibayong pagkalantad nito at ang sariling kasiraan. Balang araw, mismong ito ay hindi na makapapalag sa kalaliman ng sariling-likha nitong krisis, at wala itong magagawa kundi ang harapin ang naniningil na mamamayan, laluna ang masang magsasaka bilang pangunahing pwersa.

Sa halip na magpalinlang sa bawat patakaran, iskema o proyektong inihahain sa kanila ng gubyerno, ang mga magsasaka ay lalo lamang natututong sumandig sa kanilang lakas at sumulong sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka. Sa pagkakapit-bisig ng mga manggagawa, magsasaka at ng lahat ng aping uri at sektor ng lipunan, natitiyak hindi lamang ang katuparan ng tunay na reporma sa lupa, kundi ang ganap na panlipunang pagbabago.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Hulyo 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Puspusang ilantad, labanan at ihiwalay ang reaksyunaryo, papet at pasistang rehimeng US-Estrada

Agosto 20: Natitipong unos laban sa naghaharing pangkating Estrada
Tatalim ang alitan ng mga reaksyunaryo hinggil sa pagbabago ng konstitusyon
Oplan Makabayan:
Pasistang pakana ng rehimeng US-Estrada

Tugon ng Timog Katagalugan sa Oplan Makabayan:
Taktikal na opensiba, kilusang masa

Ang malupit na hagupit ng liberalisasyon at deregulasyon sa sektor ng pangisda
Ang 'corporative scheme' ni Danding:
Ibayong pahirap sa mga magsasaka
Usaping "coco levy":
Lutong Danding pa rin

Pag-iral ng mga kartel:
Monopolyo sa industriya ng asukal at iba pang pangunahing tanim

Ika-1 ng Oktubre 1999:
Ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng tagumpay ng Rebolusyong Tsino!

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.