|
|
Sa mga pahayag na inilabas noong Disyembre 10, 2001, inilantad ni Ka Salvador del Pueblo, tagapagsalita ng PKP-BHB-NDF sa Hilagang Silangang Luzon at ni Ka Delio Baladon, tagapagsalita ng Benito Tesorio Command (BTC) ng BHB ang mga kasinungalingan ni Brig. Gen. Rodolfo Alvarado ng 5th ID sa Isabela. Pilit na itinatago ni Alvarado ang paglapastangan ng mga tropa ng 5th ID sa karapatang-tao ng mamamayan sa mga operasyon ng dibisyon sa Hacienda Sta Isabel sa Ilagan; Vintar, Dolores at San Macario sa Quirino; sa Germitan, Dibulod, Namnama at karatig baryo sa bayan ng Jones, Madadammian, Diasan, Villa Campo, Narra at karatig baryo sa bayan ng Echague. Kabilang sa mga pinagtatakpan ni Alvarado ang mga naitalang kaso ng mga sundalo -- pagbabawal na magsaka, sapilitang pagpapagiya, pananakit sa kabataan at matatanda, pagbabase sa mga eskwelahan at kabahayan ng masa, gabi-gabing paglalasing at pagsusugal at ilang kaso ng pambabastos sa kababaihan. Naglubid ng mga kwento si Alvarado sa mga panayam sa kanya sa radyo. Pilit niyang ikinukubli ang mga paglabag sa karapatang-tao sa Ilagan at Quirino at ang pang-aabuso ng mga tropa ng 5th ID na pinamumunuan nina Captain Marana, Lieutenant Betinol at Lieutenant Gay sa mga taga-Villa Bello, Jones. Ani Alvarado, wala diumanong batayan ang mga ibinunyag ng BTC hinggil sa mga kaso ng panggugulo at paglabag ng 502nd Brigade sa mga karapatang-tao ng mamamayan. Ito ay sa kabila ng malinaw na mga ebidensya sa mga kasong inihapag ng mga magsasaka sa Barangay Villa Bello at ng mga nagsagawa ng fact finding mission sa lugar noong Nobyembre. Idinagdag pa ni Kasamang Baladon na nagpatuloy ang mga operasyong pangkombat ng may 200 tropa ng 502nd Brigade ng AFP sa panahon ng idineklarang tigil-putukan ng rehimeng Macapagal-Arroyo noong Disyembre 10, 2001 hanggang Enero 6, 2002. Sinaklaw ng mga operasyong ito ang mga baryo ng Echague at Jones. Pawang panlalansi sa mamamayan ang mga isinasaboy na kasinungalingan ni Alvarado. Tulad ng mga operasyong militar sa iba pang mga prubinsya sa bansa, itinatago ang bangis ng kaaway sa Isabela sa pamamagitan ng mga civil-military operation tulad ng pagsasaayos ng mga daan; pagta-tayo ng mga pergola (waiting shed) at kubeta; pagtutuli at paglulunsad ng mass wedding. Kinakasangkapan ang mga gawaing ito upang magpanggap na may intensyong mabuti kasabay ng paglapastangan sa mamamayan. Ayon sa pahayag ni Kasamang Baladon, "hindi nagkataon lamang kung habang may militar na gumagawang kubeta sa Barangay Diasan, may militar ding nangangaladkad at nanggagapos ng magsasaka sa Barangay Villa Bello!"
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|