Bayan Muna, iba pang progresibong partido, ginigipit
Patuloy na ginigipit ang mga progresibong partido at kandidato habang umiinit ang kampanyang pang-eleksyon. Ang partidong Bayan Muna at iba pang progresibong partido ang nangunguna sa mga sarbey hinggil sa eleksyong party list.
Pinakahuling insidente ang pagdukot kay Pedro Bueta, 54 anyos na organisador ng Anak Pawis, sa Barangay Buo, Magdalena, Laguna. Ayon sa asawa niyang si Rosita, dinukot si Bueta noong Marso 13 ng 15 katao bandang 10:30 ng umaga. Isa sa mga dumukot kay Bueta ay elemento ng CAFGU, ayon sa kanilang kapitbahay na nakasaksi sa pangyayari.
Bandang alas-8 ng gabi noong Marso 10, iligal na inaresto ng mga sundalo ng 46th IB ng Philippine Army si Joy Batis Paloma, 17 anyos na organisador ng Anak Pawis habang nasa pamamahay ni Bernardo Batis sa Barangay Hiluctugan, Carigara, Leyte. Dinala siya sa Camp Macalpi sa bayan ding iyon at isinailalim sa "tactical interrogation" ng mga militar simula Marso 10. Pinalaya lamang siya noong Marso 12 sa harap ng protestang pinangunahan ng "Task Force Joy" ng Anak Pawis, Concerned Citizens for Justice and Peace, KATUNGOD-Karapatan, PCPR-Eastern Visayas at mga upisyal ng pamahalaang bayan ng Carigara.
Samantala, hindi pa inililitaw ang dalawang Bayan Muna organizer na sina Jacquelin Paguntalan at Rolando Fortaleza na dinukot ng mga armadong lalaki noong Pebrero 21 sa Baybay, Leyte.
Mas maaga pa rito, iligal na idinitine ng 71st IB noong Pebrero 8 si Teresita Abellera, Bayan Muna coordinator ng Lupao, Nueva Ecija.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|