Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Nagpapatuloy ang pananalanta ng pasistang estado

 Read this article in English

Sa kabila ng bukambibig nitong kapayapaan, nagpapatuloy ang lansakang paglabag sa mga karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Patuloy na namiminsala ang kontra-rebolusyonaryong digma sa kumpas ng mga militarista sa loob ng rehimen.

Walang puknat ang mga mapanalantang kontra-rebolusyonaryong operasyong militar sa kanayunan. Nadaragdagan ang bilang ng mga pamilyang magsasaka na binibiktima at lalong pinahihirapan ng mga ito. Nagpapatuloy din ang malupit na pagsupil sa mga karapatan ng mga manggagawa.

Ang sumusunod ay ilan sa mga naitalang kaso ng paglabag sa karapatang tao, sa unang isandaang araw ng rehimeng Macapagal-Arroyo na walang pinag-iba sa mga nagdaang rehimen:

Abril. Sapilitang pagpapalikas sa daandaang pamilya sa Basilan, Sulu at Tawi-tawi habang inilulunsad ng may 3,000 tropa ng AFP ang todong digma laban sa bandidong Abu Sayyaf. Ang mga paglabag sa mga karapatang-tao ng mamamayan sa mga naturang lugar ay hindi na napatlangan sapul pa nang digmain ng pinatalsik na rehimeng Estrada noong Setyembre 2000 ang mamamayang Moro. Pinasasahol pa ito ng pandarahas na kaakibat ng idineklarang todong digma ng rehimeng Macapagal-Arroyo laban sa bandidong Abu Sayyaf nitong Abril.

Pebrero 23: Pamamaril na nakasugat at/o nakapatay ng mahigit 60 inosenteng sibilyan sa Talipao, Sulu; pagsunog sa may 15 bahay sa nasabing bayan, pagsira at/o pagnakaw sa ari-arian ng mga tagabaryo; pagputol ng mga puno ng niyog at pagsira sa iba pang pinagkukunan ng kabuhayan ng mamamayan.

Sa Patikul, Sulu, 30-minutong pamamaril ng dalawang platun ng Scout Rangers sa 10 bahay kung saan nasugatan ang tatlong sibilyan; pagdukot at pag-interoga kay Sabir Omar Habibulla na pinagbintangang kumakanlong sa Abu Sayyaf. Sapilitang ipinaaamin sa kanya na ang mga inosenteng sibilyang nasugatan sa pangyayari ay pawang mga myembro ng Abu Sayyaf.

Enero 23: Walang pakundangang pamamaril ng 77th IB sa mga residente ng Barangay Tayagan, Parang, Sulu, habang tinutugis umano ang bandidong Abu Sayyaf. Nagresulta ito sa pagkamatay ng dalawang sibilyan at pagkasugat ng isang batang pipi.

Abril 18: Iligal na pagdakip ng AFP sa siyam na inosenteng magsasaka sa Mt. Tag-ao sa Sityo Agcawan, Barangay Bungsu-an, Dumarao, Capiz; pagpapalabas na sila ay mga Pulang mandirigma at pagsampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa kanila. Kinabukasan, pinasinungalingan ng Norlito Aguirre Command ng BHB-Capiz na mga myembro ng BHB ang mga hinuli.

Abril 15. Pagpatay ng isang pulis kay Ramon "Bong" Ternida, 20 taong gulang, tagapangulo ng Anakbayan at Bayan Muna coordinator sa Oriental Mindoro. Sinaksak si Ternida siyam na araw pagkatapos niyang tumulong sa pagpapalaya ng POW na si Maj. Noel Buan.

Marso 31-Abril 2. Sapilitang pagpapalabas at pagpapahirap ng mga sundalo ng 30th Special Forces at 60th IB (tropang responsable sa masaker sa Mawab noong 1999) sa mga kalalakihan sa Km 28, Aliwagwag, Cateel, Davao Oriental bilang bulag na pagganti sa pagkamatay ng isa nilang katropa sa pananambang ng BHB. Ibinilad ang mga kalalakihan sa araw, pinagsisipa, pinagsusuntok at pinagpapalo ng dos por dos upang paaminin silang mga kasapi ng BHB. Matapos nito, binomba noong madaling-araw ng Abril 1 ang Mt. Tambayong ng Spur 2, karatig ng Km 28 at pinagbawalan ang mahigit 17 pamilya na lumabas sa kanilang mga bahay hanggang tanghali ng Abril 2 kahit upang bumili lamang ng pagkain.

Marso 9. Pagdukot ng mga ahente ng militar kay Christopher Chielo Suelo, isang lider ng Pagkakaisa�t Ugnayan ng Magbubukid sa Laguna (Pumalag) bandang alas 12:30 ng tanghali malapit sa upisina ng National Irrigation Administration sa Barangay Sta.Clara Sur, Pila, Laguna. Malisyosong inaakusahan ng militar ang Pumalag na isang prenteng organisasyon ng BHB.

Marso 5 at 9. Pagdemolis ng Task Force COPRISS (Control Prevention and Removal of Illegal Structures and Squatting) ng pamahalaan ng Quezon City at PNP sa bahay ng may 50 pamilya sa Old Samson Road. Hindi nag-alok kahit ng temporaryong masisilungan ang mga nandemolis. Nawalan ng matutuluyan ang mga pamilya. Dahil walang ibang mapaglagyan kundi sa tanging natitirang pag-aaring mga kariton, namatay sa tigdas ang apat na batang sina Roselyn Marabot, 10, Roselle Marabot, 5, Rosalinda Marabot, 2, Jessica Catindoy, isang taon at dalawang buwan at isa pang bata.

Marso 8. Pagdukot at tatlong araw na iligal na pagbimbin ng pitong naka-sibilyang pulis kina Vilma de la Cruz at Rod Viray, mga lider ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Bataan, bandang alas-3 ng hapon. Pinalalabas ni Supt. Arnold Gunacao, hepe sa paniktik ng Bataan-PNP na sila�y dinakip sa kasong iligal na pag-iingat ng armas.

Paggamit ng water cannon at pambabatuta ng pulisya ng Clark Development Corporation at Yokohama Tire Philippines Inc. (YTPI) sa mahigit 120 nagpipiket na manggagawa ng YTPI. Mahigit 30 manggagawa ang nasugatan sa marahas na pambubuwag. Nagpiket ang mga manggagawa laban sa pamamalakad ng kumpanya.

Noon ding Marso 8. Pagsuspinde sa 19 na lider-estudyante ng UPLB, pagkandado sa upisina ng University Student Council matapos na pamunuan ang pakikibaka ng mga mag-aaral laban sa pagpapatalsik mula sa isang dormitoryo ng mga estudyante.

Marso 6-8. Pananakot at pananakit ng 30th Scout Rangers Company sa mga residente ng Sityo Oblian, Barangay San Marcelino, General Nakar, Quezon; pang-iinteroga at sapilitang pagpapagiya sa dalawang magsasaka; panghahalughog at pagnanakaw sa ari-arian ng mga tagabaryo. Ito�y bago ilunsad ang nabigong rescue operation na pumatay sa bihag ng digma ng BHB na si P/CInsp. Abelardo Martin.

Marso 1. Pananalakay at panghahalughog ng mga tropa ng 24th IB at Pampanga-PNP sa mga bahay ng pinaghihinalaang mga tagasuporta ng BHB sa Barangay Culabasa, Mexico, Pampanga. Tinakpan ng mga pasista ang kanilang mga pangalan at badge.

Pebrero-Marso. Pagbara ng mga militarista gaya ni Gen. Renato De Villa sa itinakda na umanong pagpapalaya ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga bilanggong pulitikal; tuluytuloy na pagtanggal ng mga pangalan sa listahan ng iilampung palalayain at patuloy na pagbimbin sa mahigit pa ring 200 detenidong pulitikal, kabilang na sina Leoncio Pitao at Lorna Baba. Gayundin, lantaran nang tinanggihan ng rehimen ang pagpapalaya kina Donato Continente at Juanito Itaas na ilang beses nang ginawaran ng parole. Katunayan, ayon sa GRP, "hindi maaaring labagin ang dati nang komitment ng GRP sa US" na mananatili sa piitan ang dalawang detenido at patuloy na ibinibimbin ayon sa utos ng imperyalismong US.

 


Previous articleBack to topNext article

Abril 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Paghandaan ang mas malalaki pang laban, kamtin ang mas malalaki pang tagumpay!

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Patuloy na dumadausdos ang pambansang ekonomya

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Tunggalian at aregluhan sa hanay ng naghaharing uri

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Mainit ang pagtanggap ng mamamayan sa pag-aresto kay Estrada
Pahayag ni Gregorio "Ka Roger" Rosal
Pambansang Tagapagsalita,
Partido Komunista ng Pilipinas
Abril 26, 2001

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo:
Nagpapatuloy ang pananalanta ng pasistang estado
Central Cordillera Agricultural Programme:
Pagsasamantala sa likod ng "tulong pangkaunlaran"

Maj. Noel Buan:
Bihag ng digma, pinalaya ng BHB

Mga Balita ng Pakikibaka
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.