Mga Balita
2 SUNDALO PATAY SA SAGUPAAN SA ZAMBOANGA DEL SUR
Dalawang sundalo ang namatay at isang CAFGU ang nasugatan nang makipagsagupaan ang mga tropa ng 51st IB sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Barangay Mahalingob, Lapuyan, Zamboanga del Sur noong Enero 3. Naglulunsad ang mga sundalo ng operasyong militar sa kabila ng deklaradong tigil-putukan sa Kapaskuhan, nang makaengkwentro ng mga ito ang BHB.
DATING PC, PINARUSAHAN NG BHB SA SORSOGON
Ginawaran ng BHB ng parusang kamatayan ang isang dating myembro ng Philippine Constabulary (PC) sa bayan ng Irosin, Sorsogon nitong Enero 27 ng umaga. Pinarusahan ng BHB si Igmedio Panti Sr., 60, dahil sa mahabang rekord nito ng pagmamalupit at pagpapahirap sa mga residente ng Barangay Gulanggulang, Irosin, sapul noong panahong siya ay nasa PC pa.
PAGPATAY SA ISANG MEYOR NG ABRA, DI KAGAGAWAN NG BHB
Pinabulaanan ng Chadli Molintas Command (CMC) ng BHB sa Kordilyera na sila ang pumatay kay Jose Segundo, alkalde ng Tubo, Abra, noong Disyembre 27, 2001. Sinabi ng CMC na mahigpit silang tumalima sa patakaran ng NDF sa pansamantalang tigil-putukan. Gayunman, sinabi ng kumand na sadyang maraming kasalanan laban sa mamamayan ng Tubo si Segundo at marami itong naging kaaway. Kabilang sa mga krimen ni Segundo ang panggagahasa sa kababaihan. Ipinahayag ng BHB na talagang nakatakda na ang pagpaparusa sa abusadong alkalde.
LAND OCCUPATION SA STANFILCO, INILUNSAD
Mahigit 150 manggagawang bukid na nagtratrabaho sa Stanfilco Company ang nag-okupa ng pitong ektaryang taniman ng saging noong Enero 14 sa Panabo City, Davao del Norte. Ang Stanfilco, na nagmamay-ari ng 1,004-ektaryang taniman ng saging ay isang multinasyunal na kumpanya na subsidyaryo ng Dole Philippines. Ang lupang inokupa ng mga magsasaka ay bahagi ng 134-ektaryang ibinukod para tamnan ng palay sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) noong 1991. Kamakailan ay iligal na binawi ng Stanfilco ang lupa para tamnan muli ng saging. Nagbanta ang mga magsasaka na mag-ookupa pa sila ng mas malawak na lupain kung hindi tutugunan ng Stanfilco ang kanilang karapatang magkaroon ng lupang tatamnan ng palay.
MGA KAMOTENG KAHOY, BINUNOT SA NURSERY NG SMC SA ISABELA
Pinagbubunot ng mga magsasaka ang mga tanim na kamoteng kahoy sa isang ektaryang nursery ng San Miguel Corporation (SMC) sa Barangay Santiago, Quirino, Isabela nitong huling linggo ng Enero. Tinututulan ng mga magsasaka ang iskema ni Eduardo "Danding" Cojuangco, may-ari ng SMC, na gawing taniman ng kamoteng-kahoy ang 150,000 ektarya sa 12 bayan ng Isabela. Aabot sa 500 ektarya ang gagawing nursery para sa kamoteng kahoy.
IKA-15 ANIBERSARYO NG MENDIOLA MASSACRE, GINUNITA
Ginunita ng libu-libong magsasaka at iba pang sektor ang ika-15 anibersaryo ng Mendiola Massacre nitong Enero 22 upang igiit ang katarungan para sa lahat ng magsasakang biktima ng paglabag sa karapatang-tao. Nagrali sa Mendiola at embahada ng US ang mga magsasaka sa pamumuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Kilusang Enero 22. Mariin nilang kinundena ang pag-igting ng pasismo laluna sa ilalim ng sagadsaring papet na rehimeng Macapagal-Arroyo. Mahigit 300 myembro naman ng Bagong Alyansang Makabayan, Bayan Muna at iba pang mga militanteng grupo ang nagrali sa Nueva Ecija upang igiit ang katarungan para sa 17 magsasakang biktima ng Lupao Massacre noong 1987 at pito pang biktima ng pagpatay ng AFP nitong mga nakaraang buwan sa Pantabangan at General Natividad.
RALI NG MGA KATULONG SA HONGKONG, PINAMUNUAN NG MGA PILIPINO
Sa pamumuno ng United Filipinos in Hongkong, organisasyon ng mga Pilipinong domestic helper, idinaos ang pinakamalaking rali ng mga Pilipino sa Hongkong noong Enero 13 laban sa pagbabawas ng sweldo ng mga katulong doon. Iginiit ng libu-libong mga katulong mula sa Pilipinas, Indonesia, Nepal, Sri Lanka at Thailand na nagmartsa sa mga lansangan ng Hongkong ang pagmantine ng sahod (wage freeze) na inaprubahan noong 1999 matapos dumanas ng matinding resesyon ang Hongkong. Ang minimum na sahod ng mga katulong na HK$3,670 ay balak bawasan tungong HK$3,120 hanggang HK$2,876 pagsapit ng Pebrero 1. Mahigit 152,000 Pilipino at 66,000 Indones ang apektado ng pagbawas sa sahod.
MAHIGIT 3,000 MANGGAGAWA SA 186 KUMPANYA TATANGGALIN SA TRABAHO
Unang buwan pa lamang ng taon, inanunsyo nang 3,075 mga manggagawa mula sa 186 na kumpanya ang matatanggal sa trabaho. Umabot sa 2,232 mangggagawa ang tatanggalin mula sa 161 kumpanya habang 843 ang masisisante dahil sa pagsasara ng 25 negosyo dulot ng matinding krisis sa ekonomya. Pinakamalaking bilang ng mga mawawalan ng trabaho ay mula sa National Capital Region (2,268). Kabilang sa mga magtatanggal ng mga manggagawa ang Coca-Cola Bottlers Phil. (325), Royal Match (229) at ABS-CBN (150). Sa kaugnay na balita, nagwelga ang 800 manggagawa ng Nestlé Philippines sa Cabuyao, Laguna nitong Enero 14 upang tutulan ang plano ng kumpanyang tanggalin ang 30% ng pwersang paggawa at igiit ang karapatan nilang tumanggap ng cash pension at iba pang benepisyo.
KATIWALIAN SA P10 BILYON PEACE BONDS, INUNGKAT
Naungkat sa pagdinig sa Senado noong Enero 29 ang mga detalye tungkol sa katiwalian kaugnay ng P10 bilyon treasury bonds (mga bono na inilalabas ng pambansang ingat-yaman) na tinatawag na Poverty Eradication and Alleviation Certificates o PEACe bonds. Kumita ang CODE-NGO ng P1.4 bilyon mula sa pagbebenta ng RCBC ng PEACe bonds; ang RCBC, P300 milyon, at ang Capex Incorporated at ibang mga tagapayong pampinansya ng CODE-NGO, P100 milyon. Sangkot sa katiwalian ang National Treasurer na si Sergio Edeza, ang Finance Secretary na si Jose Isidro Camacho at kapatid niyang tagapangulo ng CODE-NGO na si Marissa Camacho-Reyes. Ang CODE-NGO ay isa sa mga pangunahing NGO na ginagamit ng mga sosyal demokrata para sa panlilinlang sa mamamayan at pangungurakot ng pondo mula sa mga pandaigdigang ahensyang tumutustos sa mga sosyo-ekonomikong proyektong ipinapanukala ng mga NGO sa iba�t ibang bansa.
PERA NG BAYAN, NILUSTAY NG MGA MAMBABATAS
Aabot sa P1.34 bilyon ng pera ng bayan ang ginugol ng 22 senador at 222 kongresmen noong 2000. Ang Senado ay nakagastos ng P249 milyon samantalang ang Kongreso ay gumastos ng P1.09 bilyon. Ang pinakamalalaking gastador sa Kongreso ay sina Mamintal Adiong ng Lanao del Sur (P6.8 milyon) at Abdullah Mangotara ng Lanao del Norte (P6.3 milyon). Gumastos ng abereyds na P5 milyon ang isang kongresman. Sa Senado, ang pinakamagastos ay ang mga pro-Estradang sina Vicente Sotto (P12.92 milyon), Robert Jaworski (P12.30 milyon), Anna Dominique Coseteng (P12.28 milyon), Juan Ponce Enrile (P12.20 milyon), Francisco Tatad (P12.05 milyon) at Blas Ople (P12.04 milyon). Gumugol din ng P1.8 milyon ang mga mambabatas para sa sahod ng mga kawani at mga "konsultant" na kadalasa�y mga kamag-anak nila.
PAMPUBLIKONG ARI-ARIAN PALUGING IBINENTA SA DAYUHANG BANGKO
Pinirmahan ng rehimeng Macapagal-Arroyo at Lehman Brothers Asia nitong Enero 12 ang "Philippine Recovery Fund", isang kasunduang popondo sa mga proyekto ng gubyerno kapalit ng mga non-performing loans (NPL) at pag-aari ng estado kabilang na ang mga lupaing pampubliko. Sa ilalim ng kasunduan, paluging ibinenta ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang P611 bilyong pag-aaring publiko kapalit ng kakarampot na halagang P50 bilyon ($1 bilyon). Ang naturang P611 bilyong halaga ng ari-arian ay binubuo ng P461 bilyon NPL na mga sangla (mortgages) at luging negosyo ng gubyerno sa mga proyektong pabahay at P150 bilyon narematang ari-arian (foreclosed properties). Ang Letter of Intent ng $1 bilyong kasunduan ay pipirmahan ng naturang bangko at ni Macapagal-Arroyo sa Pebrero 3 pagbisita niya sa US.
PAGKALUGI NG MGA KUMPANYANG U.S., LUMALAWAK
Dumadami ang mga kumpanyang US na nagdedeklara ng pagkalugi sa gitna ng resesyong bumabayo sa US. Noong 2001, umabot sa 251 negosyong US ang nalugi. Noong 2000, umabot lamang sa 176 ang mga nabangkrap. Kalakhan sa mga nalugi ay nasa sektor ng telekomunikasyon at sa kompyuter. Kabilang na sa nabangkrap ang pinakamalaking kumpanya ng enerhiya sa US, ang Enron, na may $63 bilyon na pag-aari. Ang kabuuang pag-aari ng mga nangaluging industriya ay aabot ng $254 bilyon, mas mataas nang tatlong beses sa nakaraang taon. Nagbabadya ito ng pagdami ng bilang ng manggagawang mawawalan ng trabaho at paghila sa mga kaakibat na industriya sa lalo pang pagkalugi. Ayon sa mga ekonomista, walang nababanaag na pagsigla sa ekonomya ng US sa unang dalawang kwarto ng 2002.
KUMPANYANG DI NAKABAYAD NG UTANG, DUMAMI SA 2001
Lumaki ang bilang ng mga kumpanyang di nakapagbayad ng utang noong nakaraang taon. Umabot sa 211 kumpanya na may kabuuang $115.4 bilyon utang ang nagdeklarang di makababayad, ayon sa Standard and Poor�s, isang ahensyang US na gumagawa ng mga pagsusuri sa ekonomya ng mga bansa. Pinangungunahan ng US ang mga di nakapagbayad, sa pag-abot nito sa 162 default o di pagbayad sa takdang panahon. Kalakhan ng mga di nakapagbayad ng utang at nag-default ay nasa industriya ng telekomunikasyon. Sa Argentina, kabilang ang 10 bangko sa mga di nakabayad ng utang dahil sa krisis pang-ekonomya.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|