Patuloy ang pandarahas sa piketlayn ng Hacienda Luisita
Wala pa ring paglubay ang pandarahas sa piketlayn ng Hacienda Luisita Inc. (HLI). Nito lamang Enero ay naganap ang pinakahuling pag-atake nang barilin nang malapitan ng mga armadong lalaki ang dalawang welgista, sina George Loveland at Ernesto Ramos, na tumatao sa piketlayn sa West Gate ng asyenda bandang alas-11 ng gabi noong Enero 5. Kasalukuyan pang agaw-buhay ang dalawa sa ospital bunga ng malulubhang tama ng bala sa dibdib. Ni hindi man lamang tuminag ang pulu-pulutong na mga pulis na nakapaligid sa piketlayn nang maganap ang pamamaril.
Bago ito, pinatay noong Disyembre 8 sa kanyang tahanan sa Tarlac City ang lider magsasakang si Marcelino (Ka Mar-cing) Beltran, susing saksi sa masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre. Si Ka Marcing ay tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Tarlak, pangalawang pangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon at kinatawan ng partidong Anakpawis sa Tarlac.
Mariing kinundena ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng PKP, ang patraydor na pamamaril kina Ka Marcing, Loveland at Ramos. Aniya, ito ay desperadong hakbang ng rehimeng Arroyo, angkang Cojuangco at pasistang AFP at PNP para wasakin ang kapasyahan ng mga manggagawa ng HLI na ipaglaban ang makatwirang sahod at seguridad sa trabaho at kamtin ang katarungan para sa biktima ng masaker sa Hacienda Luisita.
Mariin din itong kinundena ng PKP sa Central Luzon. Anito, parurusahan ng Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon ang mga berdugong yunit ng militar at pulisya na walang awang bumibiktima sa mamamayang mapayapang naggigiit ng kanilang mga karapatan. Noong Disyembre ay nilusob at dinisarmahan ng isang tim ng BHB ang tactical command post ng 69th IB sa Mexico, Pampanga. Ang 69th IB ang direktang nagsagawa ng pagmamasaker sa mga welgista at demonstrador sa HLI noong Nobyembre 16 at sa pagpatay kay Ka Marcing sa sumunod na buwan.
Nitong Disyembre 26, ipinahayag din ni Jose Agtalon, tagapagsalita ng Josepino Corpuz Command ng BHB-Central Luzon na aarestuhin at lilitisin ng hukumang bayan ang mga may sala sa masaker sa Hacienda Luisita, kabilang sina Gloria Arroyo, ilang myembro ng angkang Cojuangco at si Patricia Sto. Tomas, kalihim ng Department of Labor and Employment na nag-isyu ng assumption of jurisdiction order na naging batayan para sa sunud-sunod na marahas na pag-atake sa piketlayn sa HLI.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|