Mga kagyat at pangmatagalang hinaharap ng usapang pangkapayapaan
Inaasahan ng Partido Komunista ng Pilipinas na sa darating na buwan ay masisimulan na ang pagpapatuloy ng naputol na pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng reaksyunaryong gubyerno.
Matagal itong nabinbin dahil sa maraming sagkang inilagay dito ng rehimeng Arroyo sa nakaraan. Kabilang sa mga sagkang ito ang pagtanggi ng rehimen na igalang at ipatupad ang mga kasunduang napirmahan na sa nakaraan; ang puspusang pangangampanya nito para matatakan na "terorista" ang Partido, ang Bagong Hukbong Bayan at ang Senior Political Consultant ng NDFP peace panel na si Kasamang Jose Ma. Sison; ang paggigiit nito ng "Final Peace Agreement" na makaisang-panig na binalangkas at sa totoo'y walang iba kundi isang "kasunduan ng pagsuko"; at ang mga militaristang patakaran at paglulunsad nito ng all-out war na salungat sa paghahangad ng kapayapaan.
Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy na naghahangad at di nagsasara ang Partido at rebolusyonaryong kilusan sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa kasalukuyang rehimen o kung hindi man ay sa sinumang kasunod nitong gustong makipag-usap.
Ngunit ngayo'y kailangang-kailangan ng rehimeng Arroyo na maghabol para muling mabuksan ang usapang pangkapayapaan bago maubos ang nalalabing oras nito. Batid ng pangkating Arroyo na ang nakararaming mamamayan ay gustong maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan. Inaasahan ng rehimeng Arroyo na makatutulong ang muling pagbubukas ng usapan para maisalba pa nito ang kanyang sarili mula sa lubhang pagkakahiwalay sa mamamayan at sa pagbulusok ng pag-asang mananalo pa sa darating na eleksyon.
Malaking bagay ang paglalabas ng magkasanib na pahayag na pinirmahan kamakailan ng mga tagapangulo ng peace panel ng dalawang panig. Sa pinirmahang pinagsanib na pahayag ng mga peace panel ng NDFP at GRP, tinukoy nitong nasa balangkas ng The Hague Joint Declaration of 1992 at mga kasunod na kasunduan sa pagitan ng NDFP at GRP ang pagtutuloy ng usapan. Kabilang sa mga napagkasunduan ang sumusunod:
- Muling pagtitibay sa The Hague Joint Declaration of 1992 at iba pang kasunduan bilang pundasyon at balangkas ng usapan;
- Pagharap sa usapin ng pagbilang sa mga myembrong organisasyon at punong konsultant ng NDFP sa listahan ng mga "terorista" at pagbibigay-proteksyon sa mga kinauukulan alinsunod sa The Hague Joint Declaration at doktrina sa kasong Amado Hernandez kaugnay ng mga kasong pulitikal;
- Pagbubuo ng Joint Monitoring Committee kaakibat ng CARHRIHL;
- Muling pagpapatuloy sa usapan kaugnay ng mga sosyo-ekonomikong reporma;
- Pag-uusap kaugnay ng mungkahi ng GRP sa pagkakasunud-sunod at pagpapabilis ng usapan;
- Pagsasagawa ng confidence-building measures katulad ng pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at pagpapabilis sa pagbibigay ng indemnipikasyon sa mga biktima ng batas militar.
Malaking bagay din na maumpisahan man lamang muli ang matagal nang nauntol na usapang pangkapayapaan. Puhunan na ito para maipagpatuloy ang pakikipagnegosasyon sa rehimen, sinuman ang magwagi sa darating na eleksyong presidensyal.
Isang aspeto lamang ang inaasahan nating pagkakamit ng mga taktikal na tagumpay sa kasalukuyang takbo ng usapang pangkapayapaan. Kailangang linawin na ang pagkakamit ng tunay, matagalan at mapagpalayang kapayapaan ay nakabatay, at hindi kailanman maihihiwalay, sa puspusan nating pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan at pagpupursige sa matagalang digmang bayan, mayroon man o walang usapang pangkapayapaan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|