Sa lahat ng kalaban ng imperyalismo
Isa sa pinakamasasamang maaring sapitin ng isang aktibistang anti-imperyalista ang masaktan, mapaslang, o sa kaso ni Hugo Chavez at Fidel Castro ng Cuba, mapatalsik sa poder sa pamamagitan ng isang lantarang bira ng US at mga kampon nito.
Subalit wala nang mas sasama pa sa malinlang at matangay ng matatamis na salita ng mga nagkukunwang anti-imperyalista ngunit sa katotohana'y makakamandag na ahas.
Nagkalat ngayon ang mga ahas na ito. Nasa likod sila, at madalas ay nasa harap din, ng iba't ibang internasyunal na organisasyon at porum na kunwa'y bumabatikos sa imperyalistang globalisasyon subalit ang tunay na intensyon ay ilayo ang mamamayan ng daigdig sa progresibo at rebolusyonaryong landas ng paglaban at tiyakin ang pagpapatuloy ng ligaya ng mga imperyalista.
Umiikot sila sa buong mundo at pinalalaganap ang kanilang mapanlinlang na mensahe gamit ang mga pondo mula sa Ford Foundation at iba pang imperyalistang institusyon.
Nangungunang halimbawa ng mga porum na ito ang World Social Forum at ang Focus on the Global South. Sa dalawang ito, at sa ilang iba pa, kabilang sa mga lider si Walden Bello. Si Bello, na wala namang pinaninindigan kundi mga reporma sa sistemang imperyalista, ay ipinakikilala sa mga porum na ito bilang "pangunahing tagapagsalita laban sa globalisasyon."
Ginagamit ni Bello ang kanyang mga internasyunal na ugnay upang atakehin ang mga progresibo, pambansa-demokratiko at anti-imperyalistang organisasyong masa sa Pilipinas. Katulad ng propaganda ng militar, inakusahan niya ang Kilusang Mayo Uno, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Bagong Alyansang Makabayan at ang Ibon Foundation bilang mga prente ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).
Bahagi ito ng kanyang kampanya para siraan, hatiin at pahinain ang anti-imperyalistang kilusan sa Pilipinas. Pangunahin niyang inaatake ang PKP at si Kasamang Jose Maria Sison. Ipinagkakalat niya sa buong mundo ang kasinungalingang balak siyang likidahin ng PKP-BHB na binabansagan niyang pasista.
Marapat lamang paalalahanan ang lahat ng pwersang matapat na naninindigan laban sa imperyalistang "globalisasyon" na hadlangan ang kampanya ni Bello para pag-away-awayin at hatiin ang internasyunal na hanay laban sa imperyalismo.
Sa harap ng walang awat na pananalanta ng imperyalismo sa mamamayan ng daigdig, napakahalagang palawakin at pagkaisahin sa isang pandaigdigang prenteng anti-imperyalista ang mga pagsisikap ng mga tunay at matatapat na pwersang progresibo at rebolusyonaryo sa buong mundo. Dapat ibilang sa mga pagsisikap na ito ang kolektibong pagmamatyag sa sariling hanay upang hindi makapuslit ang mga mapanghating katulad ni Walden Bello.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|