Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Ambus sa Camarines Sur

 Read this article in English

Noong Marso 1, inambus ng BHB ang mga tropa ng 42nd IB sa Barangay Bataan, Tinambac, Camarines Sur. Mahusay na nagamit sa naturang taktikal na opensiba ang iba't ibang porma ng eksplosibo upang sindakin at mabilis na gapiin ang kaaway. Sumusunod ang salaysay ng pangyayari.

Mag-aala-una ng madaling araw nang mag-ulat sa radyo ang lookout na nakapwesto malapit sa sentro ng baryo. "Narito na," aniya. "Isang trak."

Agad nag-alerto ang mga kasamang nasa pusisyong ambus. Ginising ang di iilang napaidlip na sa pag-aabang. Pang-apat na gabi na nila sa pusisyon.

Mabilis na nagligpit ng mga gamit ang mga gerilya at pumwesto sa kani-kanyang kober. Dinig na ang ugong ng papalapit na trak ng militar. Naghanda ang mga kasama. Alerto nilang hinintay ang blaster na siyang magbibigay ng hudyat na putok. Ang iskwad Kaloy at Baking ang itinakdang dumikit sa kalsada at magpako sa kaaway.

Ngunit biglang tumigil ang ugong ng trak bago pa tuluyang pumasok sa pwesto ng mga kasama. Naglakad ang mga sundalo.

Handa ang mga Pulang mandirigma sa pagpihit ng sitwasyon. Hinintay nilang umabot ang mga kaaway sa pwesto ng Kaloy na siyang unang magpapaputok.

Ilang saglit pa'y nasa bitag na ang kaaway. Maiingay pang nagkukwentuhan habang naglalakad. Pinasabog ng Kaloy ang ilang bombang anti-personnel bilang signal fire.

Mabilis na nakadikit ang Baking sa kalsada. Ang Kaloy ay naantala ng ilang nanlabang mga sundalo na sanhi ng dilim ay di matiyak ang kinalalagyan.

"Asolt na, Baking at Kaloy!" anang kumand. Dahan-dahang umabante ang mga mandirigma habang nagpapaputok. Sunud-sunod din ang paghahagis nila ng mga improbisadong granada upang agad na durugin ang kapasyahan ng kaaway na lumaban. Nagmintis naman ang ilang inihagis na pang-ilaw. Sa gitna ng dilim, ulinig ang pagtakbo ng mga sundalo paalis sa lugar.

Makaraan ang ilan pang sandali ay nakadikit na rin ang Kaloy sa gilid ng kalsada. Muling nakapangibabaw ang katahimikan na panaka-nakang pinupunit ng pagmumura at pagpapaputok ng iisang sundalong naiwang nanlalaban.

Bandang alas-2:15 nang makaasolt ang mga kasama. Isang M203 ang una nilang nasamsam.

Humupa ang mga putok dakong alas-2:30 ng umaga. Bago mag-alas-3:00, pito mula sa bawat iskwad ang minobilisa para galugarin ang paligid ng pinaglabanan, tugisin ang natitira pang kaaway at maghanap ng dagdag pang baril na makiklining. Ngunit sadyang malaking balakid ang dilim. Nagpasya ang kumand na pagpahingahin muna ang mga kasama at maghintay ng liwanag bago ituloy ang pagsuyod para sa clearing.

Mag-aalas-6:00 ng umaga nang muling umabante ang mga nakatalaga para sa clearing. Makaraan ang halos isang oras, nasukol nila sa di kalayuan mula sa pinaglabanan ang dalawang sundalo. Nakakober ang mga ito sa iisang puno ng niyog. Nagpalipas sila ng dilim sa pag-asang aatras na ang BHB at habang naghihintay ng saklolo.

Pinayuhan sila ng BHB na sumuko na lamang, magtiwalang tatratuhin sila nang mahusay, rerespetuhin ang kanilang mga karapatang-tao at gagamutin sila kung may sugat. Kapagdaka'y lumabas sina Lt. Ronaldo Fedelino, kumander ng "C" Company ng 42nd IB, at Pfc Ronel Leme�o. Isinalong nila ang isang M203, isang M14 at mga bala. Kasalukuyan silang nasa pangangalaga ng BHB bilang mga bihag ng digma. Tatlong tropa ng kaaway ang kumpirmadong napatay sa ambus.

Sumibad sa pain. Bago ang matagumpay na opensiba, naglatag muna ng pain ang BHB. Noong petsa 27, ilang kasama ang sadyang naglantad sa sentro ng Tamban, isang malaking barangay sa Tinambac na may mayor na daungang nagsisilbing lagusan ng maraming tao mula sa apat na bayan sa Camarines Sur. Kaaalis pa lamang ng isang detatsment ng 42nd IB sa naturang baryo noong Disyembre 2003 at masinsin pa ang presensya roon ng mga ahenteng paniktik ng kaaway. Kinausap ng mga kasama ang ilang alyado sa baryo at sinita at binalaan ang ilang residenteng nakikipagtulungan sa kaaway.

Dalawang maghapon ding nagtsekpoynt ang mga kasama humigit-kumulang limang kilometro mula sa ambush site at ilandaang metro lamang mula sa Tamban.

Pinara ng mga kasama sa tsekpoynt ang lahat ng sasakyang nagmumula sa Tamban patungong lunsod ng Naga. Bawat dumaan sa tsekpoynt ay pinaliliwanagan ng mga kasama tungkol sa pananaw ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay ng darating na eleksyon. Layunin din sa pagtsekpoynt na kumpiskahan ng baril ang sinumang matyempuhang armadong tauhan ng kaaway.

Dalawang tauhan ng CAFGU ang nasita ng mga kasama sa tsekpoynt at kagyat na nagsumbong sa kampo sa Mananao, Tinambac. Rumesponde ang militar noong Pebrero 29 nang hatinggabi, at nahulog sa bitag ang 14 sundalong sumama sa strike operation.

Parang pista. Masayang sinalubong ng masa sa mga dinaanang baryo ang mga Pulang mandirigma nang umatras sila matapos ang matagumpay na opensiba noong umaga ng Marso 1. Sa isang pansamantalang hinimpilan ng mga kasama, buong maghapo'y walang patid ang pagdating ng masang nagpaabot ng kanilang malugod na pagbati. Abala rin ang masang taguyod sa pagsasaing para sa malaking tropang naglunsad ng taktikal na opensiba.

Mangha ang bihag na si Pfc Leme�o sa nasaksihan niyang mainit na samahan at pagkakaisa ng masa at Hukbo. "Ganito pala kayo 'pag nagtitipon," aniya, "parang pista."

Habang umaatras, tiniyak ng mga kasama ang pagkausap at pakikipagtalakayan sa mga bihag. Ipinaliwanag sa kanila ang mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan ukol sa pangangalaga sa mga bihag at ang proseso ng pagpapalaya sa kanila. Nakipagtalakayan din sila kaugnay ng ilang usaping pampulitika at nakipagkwentuhan tungkol sa kanilang mga pamilya at buhay-buhay.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Abril 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang papatinding pang-aapi sa mamamayang Moro

Mga Moro, naglunsad ng protesta
Pananalanta ng pasistang estado:
Mga tampok na paglabag sa karapatang-tao sa unang kwarto

32 sa mahigit 300 bilanggong pulitikal, palalayain
Atake sa mga progresibong partido, tumitindi
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Ambus sa Camarines Sur
Mga Ulat Koresponsal:
Matatagumpay na opensiba inilunsad sa Eastern Visayas

Mga Ulat Koresponsal:
Paggamit ng mga sibilyang pananggalang, kinundena

Mga Ulat Koresponsal:
Paglaban sa RSOT sa Eastern Visayas

Mga Ulat Koresponsal:
Labanan sa Cagayan Valley

Mga Ulat Koresponsal:
BHB sa Mindanao: Lumalakas, lumalawak

Bigong pribatisasyon
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.