Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Panghihimasok ng imperyalismong US

 Read this article in English

PANGHIHIMASOK
MILITAR NG
U S

Tuluy-tuloy ang pagtutol ng mamamayan sa Balikatan

Walang pagod na naglulunsad ng mga kilos protesta ang mamamayan laban sa Balikatan. Sa iba't ibang dako ng bansa, tuluy-tuloy na isinasagawa ang malalaki at maliliit na aksyong masa bilang pagtutol sa presensya ng mga tropa ng US sa Pilipinas. Sumusunod ang ilan sa mga pinakatampok na rali:

Protest caravan sa Gitnang Luzon. Sinalubong ng protestang bayan noong Abril 22 ang pagbubukas ng Balikatan 02-2. Daan-daang mamamayan ang naglunsad ng protest caravan mula sa Quezon City. Sumanib ito sa may 2,000 residente ng Cabanatuan City at tumuloy sa Laur, Nueva Ecija para magdaos ng programa. Pinangunahan ito ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Bayan Muna, Kilusang Mayo Uno at GABRIELA. Nagrali sila sa mismong tapat ng Fort Magsaysay sa kabila ng pagtatangka ng Recom 3 na pigilan ang kilos protesta.

Sa pangunguna pa rin ng BAYAN, kinalampag ng protest caravan ang pagtatapos ng Balikatan 02-2 sa Clark Air Base, Pampanga nitong Mayo 6. Nagbuo ng human chain ang may 1,000 demonstrador sa pasukan ng Clark. Iginiit nila na hindi na dapat tumagal nang kahit isa pang araw ang mga sundalong Amerikano na lumahok sa pagsasanay.

People's Caravan sa Timog Katagalugan. Inilunsad nitong Mayo 5 ng 400 mamamayan mula sa Calamba, Laguna ang isang caravan laban sa Joint RP-US Military Exercises sa Ternate, Cavite. Kinabilangan ito ng 14 na sasakyan at dumaan sa Trece Martires City, Naic, Maragondon, Tanza, Ternate at Noveleta, pawang sa Cavite. Pinangunahan ito ng BAYAN-Southern Tagalog at Movement for the Advancement of Nationalism. Tinuligsa rin ng mga nagprotesta ang nagpapatuloy na militarisasyon sa Timog Katagalugan.

Tinangka ng mga pulis na pigilan ang programa ng mga nagpoprotesta pagdating sa sentro ng Cavite. Nang hindi ito mapigilan, nagpaingay ng sariling sound system ang pulisya upang tabunan ang sigaw ng mga nagrarali.

Aksyong masa ng mga Aeta. Naglunsad ng kilos protesta laban sa Balikatan 02-2 ang mga Aeta mula sa Gitnang Luzon sa tapat ng US Embassy noong Abril 30. Nagsagawa sila ng sayaw pandigma (war dance) upang tutulan ang pagpapalayas sa kanila mula sa Crow Valley Gunnery Range sa Capas, Tarlac. Ang Crow Valley ay saklaw ng mga lupang ninuno ng mga Aeta na ginagamit tuwing idinaraos ang Balikatan. Bukod sa 40 pamilyang Aeta na pinalayas sa Sityo Tarukan para sa Balikatan 02-2, 20 pang pamilya ang nauna nang pinalayas sa Durungawan, isang burol sa naturang gunnery range. Tinayuan ng squadron building ng mga sundalo ng US ang burol.

Matataas na upisyal-militar ng US, bumisita sa Basilan

Ipinakikita ng sunud-sunod na pagbisita kamakailan sa Basilan ng matataas na upisyal sa depensa at militar ng US na lagpas sa pagtugis sa iilang bandidong Abu Sayyaf ang kabuluhan ng presensya ng mga tropa ng US sa Mindanao.

Noong Abril 28, sa kauna-unahang pagkakataon mula nang simulan ang Balikatan noong 1981, bumisita ang pinakamataas na upisyal-militar ng US na si Gen. Richard Myers, pinuno ng US Joint Chiefs of Staff, sa mga tropang "nagsasanay" sa Zamboanga City at Basilan.

Nitong Mayo 7, dumating sa Pilipinas si US Army Department Undersecretary Les Brownlee upang mag-inspeksyon sa mga sundalo ng US na nakadeploy sa Zamboanga at Basilan.

Dumating naman nitong Mayo 5 sa Basilan ang kumander ng 3rd Expeditionary Force ng US Marines na si Lt. Gen. Wallace Gregson, kasama ang 160 karagdagang US Special Forces.

Eskwelahan at mga bahay sa Mabalacat, binagsakan ng jetfighter

Sumabog sa ere at bumagsak sa Mabalacat Elementary School sa Pampanga nitong Mayo 2 ang isang Air Force F-5 Freedom Fighter jet na ginagamit sa Balikatan 02-2.

Nasunog ang buong katawan at namatay sa ospital si Jesus Rivera, isang guro, samantalang 10 pang sibilyan ang nasugatan. Apat na gusali ng paaralan at ilang bahay malapit dito ang nawasak sa pagbagsak ng jetfighter.

Nagpahayag ng pangamba ang mga biktima na maaaring maulit pa ang ganitong insidente sa mga susunod pang pagsasanay-militar. Nangangamba rin silang hindi sila mabibigyan ng bayad-pinsala gaya ng naranasan ng mga naunang biktima ng mga aksidenteng tulad nito. Bago ito, nagpahayag na ng pag-aalinlangan ang mga residente ng Mabalacat hinggil sa paggamit ng kanilang lugar bilang ruta ng mga eroplanong pandigma sapagkat kinakatangian ito ng sunud-sunod na bahayan.

Galing sa landing practice sa Ternate, Cavite ang jetfighter at pabalik na sa Clark Air Base nang ito ay sumabog. Nasawi ang piloto ng jetfigher.

Mamamayan ng Zambales, ginagambala ng mga eroplanong pang-Balikatan

Inireklamo ng mga residente ng Barangay Palanginan, Iba, Zambales noong huling linggo ng Abril ang ingay na dulot ng pagpapalipad ng mga eroplano at helikopter na ginagamit sa Balikatan 02-2. Anila, dahil sa mababang lipad ng mga Cobra, Black Hawk at F-18 Hornet, naliligalig ang mga bata at natataranta ang mga hayop sa bukid.

Samantala, nagpahayag ng pag-aalala sa kanilang kaligtasan ang mga mangingisda sa San Antonio, Zambales dahil sa mga pagsubok na pambobomba (mock bombing) ng mga naturang fighter plane. Anila, malapit lamang sa San Antonio ang Capones Island, na siyang dating paboritong target range ng mga tropang Amerikano.

 


Previous articleBack to topNext article

Mayo 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Paghandaan at labanan ang tuluy-tuloy at papataas na antas ng interbensyong militar ng US sa Pilipinas

Panghihimasok ng imperyalismong US
Walang habas na paglabag sa karapatang-tao sa Sulu
Usapang pangkapayapaan, isinara ng rehimen
Samantalahin ang tumitinding mga hidwaan ng mga reaksyunaryo
Tungkol sa planong Constitutional Convention
Langis, Kuryente, Tubig:
Protesta ng mamamayan sa pagtataas ng presyo at singil

Pagpapatalsik kay Macapagal-Arroyo iginiit nitong Mayo Uno
Mga pagkilos sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa
Rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Nepal
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.