Gubyerno at mamamayan ng Pilipinas, baon sa utang
Tanda ng patuloy na pagkabulok ng gubyerno at pagkakalugmok ng ekonomya, tinatayang ang kabuuang utang ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas ay papantay o hihigit pa sa kabuuang halaga ng lokal na ekonomya pagsapit ng katapusan ng 2004. Ang palaki nang palaking utang ay nagreresulta sa malalang pagkakait ng mga saligang pangangailangan sa buhay kasabay ng pabigat nang pabigat na pasanin sa balikat ng sambayanang Pilipino
Noong nagdaang Pebrero, ang kabuuang panlabas at lokal na utang ng gubyerno ng Pilipinas ay umabot na sa P4.13 trilyon. Ito ay 95% na ng P4.32 trilyong kabuuang halaga ng lokal na produksyon sa loob ng bansa mula Pebrero 2003 hanggang Pebrero 2004. Pagsapit ng katapusan ng 2004, inaasahang magpapantay na ang kabuuang utang ng gubyerno at kabuuang halaga ng lokal na ekonomya.
Kung idaragdag pa ang P1 trilyong pisong utang ng mga lokal na gubyerno, mga korporasyon ng gubyerno at mga utang ng pribadong sektor na ginagarantiyahan ng gubyerno, aabot na sa mahigit P5.5 trilyon ang kabuuang utang ng pampublikong sektor sa Pilipinas o mahigit 125% ng halaga ng ekonomya.
Patuloy na lumalaki ang pampublikong utang ng Pilipinas samantalang walang kaakibat na pag-unlad ang ekonomya. Kumpara sa Pebrero noong nakaraang taon, lumobo nang 17.5% (o mahigit P600 bilyon) ang kabuuang pampublikong utang ng bansa. Samantala, ayon sa datos ng gubyerno, lumawak lamang nang 4.5% (o P33.64 bilyon) ang lokal na produksyon noong 2003.
Bukod sa utang ng pampublikong sektor ng Pilipinas, ang mga panlabas na utang ng pribadong sektor ay umaabot na nang mahigit $30 bilyon. Ang kabuuang panlabas na utang ng mga pribado at pampublikong sektor ng Pilipinas ay mahigit nang $57 bilyon (katumbas ng P3.2 trilyon).
Ang problema sa kakulangan ng pinansya ay tuluy-tuloy na pinalalala ng malaking kakulangan at katiwalian sa nakokolektang buwis, lansakang pangungurakot at pagnanakaw ng mga burukrata, napakalaking gastos sa militar at iba pang anti-mamamayan, inutil at palamuting programa at maling mga prayoridad. Ibayong pinsala ang idinudulot ng pandarambong sa bayan ng mga imperyalista at mga kakutasaba nilang lokal na burukrata-kumprador.
Walang ibang ginagawa ang reaksyunaryong estado upang lutasin ang pagdurugong ito sa sistemang pampinansya kundi ang walang katapusang pangungutang upang may maipambayad sa dating mga utang | Dulot ng mga ito, di malutas-lutas ang taun-taong lumalaking depisit sa badyet. Kumpara sa P132.2 bilyong depisit sa badyet noong 1999, mas malaki nang 32.86% ang P199.9 bilyon depisit noong 2003. Kung isasama pa ang depisit ng mga lokal na gubyerno at mga korporasyon ng estado, ang depisit ng gubyerno ay aabot nang P244.6 bilyon noong isang taon.
Upang iwasang lumagpas na naman sa target na P199 bilyong depisit sa badyet ng gubyerno para sa 2004, kailangan na namang dagdagan ang utang ng gubyerno at pampublikong sektor.
Walang ibang ginagawa ang reaksyunaryong estado upang lutasin ang pagdurugong ito sa sistemang pampinansya kundi ang walang katapusang pangungutang upang may maipambayad sa dating mga utang at maipantawid sa kasalukuyang mga kinakailangang gastusin, at ang �pagtititipid� sa mga gastusin sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga batayang serbisyo, laluna para sa mga maralita.
Ang papalaking binabayarang interes at iba pang bayad-utang ay lalo pang nagpapalala sa problema. Dahil inuutang din ang mga pambayad-utang, lalo pa nitong ibinabaon ang gubyerno at mamamayan sa utang. Lalong napipiga ang ekonomyang tigang na tigang sa puhunan at produksyon.
Aabot na sa 31.2% ng pambansang badyet o P542.2 bilyon ang inilaan ng gubyerno sa pagbabayad-utang sa badyet ngayong 2004�mula 18% noong 1999. Sa nakaraang apat na taon, ang halagang ipinambabayad-utang ay lumaki nang 97.5%, samantalang walang katapusang pagtitipid ang ginagawa ng gubyerno sa mga gastusin sa mga kinakailangang serbisyong panlipunan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|