![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Dumagsa sa mga lansangan sa iba't ibang bahagi ng bansa ang libulibong mga manggagawa nitong Mayo 1. Sa pangunguna ng militanteng Kilusang Mayo Uno, muli nilang iginiit ang P125 across the board na dagdag sa minimum na sahod at ipinanawagan ang pagpapatalsik sa rehimeng US-Estrada. Inilunsad ang mga pagkilos sa Maynila, Timog Katagalugan, mga lunsod ng Legazpi, Naga, Cebu, Mandaue, Iloilo, Bacolod, Dumaguete, Tacloban, Davao, Cagayan de Oro at Iligan. Nasaksihan sa mga pagkilos na ito ang lumalawak na suportang tinatamasa ng nakikibakang mga manggagawa kabilang yaong mula sa mga reaksyunaryong personaheng anti-Estrada. Maging si Jaime Cardinal Sin ay nagpahayag ng pakikiisa sa mga manggagawa. Sa mga prubinsya, may mga upisyal din ng lokal na gubyerno na lumahok sa mga pagkilos. P125 dagdag sa sahod. Sinimulan noong nakaraang taon ang pakikibaka para sa P125 nationwide at across the board na dagdag sa sahod. Pagpapatuloy ito ng pakikibaka para sa P100 umento na sinimulan noong 1997. Mabilis na dumadausdos ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa. Ang P198 minimum na sahod noong nakaraang taon sa Kamaynilaan ay halos P74 lamang kung ibabatay sa halaga ng piso noong 1989. Ang karagdagang P125 sa sahod ay bahagyang makababawi sa halagang nabawas sa sahod sa loob ng isang dekada. Subalit hindi pa rin nito matutugunan ang tinatayang mahigit P460 araw-araw na kinakailangan ng isang anim-kataong pamilya sa Metro Manila. Kaakibat ng pakikibaka para sa karagdagang sahod, iginigiit ng mga manggagawa ang pagbasura sa Wage Rationalization Act na nagtatadhanang sa mga regional wage board dapat pagusapan at itakda ang minimum na sahod. Ito ang ginagamit ng gubyerno at mga kapitalista upang hadlangan ang pambansang pagkakaisa ng mga manggagawa at pigilan ang pagtaas ng sahod. Noong Oktubre, nakaiinsultong inianunsyo ng Regional Tripartite Wage Board sa Metro Manila ang pagpapatupad ng baryang P25 umento sa minimum na sahod. Insulto rin ang P10-20 karagdagang pinagtibay sa ibang mga rehiyon, na ang ilan, sa Gitnang Luzon halimbawa, ay gagawin pang dalawang hulog. Laban sa rehimeng Estrada. Ngayong taon, ang militanteng kilusang manggagawa ay nasa unahan ng lumalawak na pagkakaisa para patalsikin ang rehimeng Estrada. Sa kanilang pagkilos noong Araw ng Paggawa, binatikos ng mga manggagawa ang mga anti-mamamayan at maka-imperyalistang patakaran ng rehimen na lalong nagbabaon sa mga manggagawa at lahat ng mamamayan sa kahirapan. Partikular nilang tinuligsa ang patuloy na pribatisasyon ng mga korporasyon ng estado na sumipa na ng libu-libong manggagawa at nagbabanta pa sa seguridad sa trabaho ng mahigit 12,000 empleyado sa susunod na mga buwan. Ipinahayag nila ang kanilang pagtutol sa napipintong pagsasapribado sa National Power Corporation, National Food Authority at Philippine National Bank, dagdag sa 230 korporasyong nauna nang isinubasta ng gubyerno. Mariing kinukundena ng kilusang manggagawa ang patuloy na paninikluhod ni Estrada sa malalaking lokal at dayuhang kapitalistang interes at ang ibayong paglubha ng kalagayan ng mamamayan sa ilalim ng imperyalistang "globalisasyon". Minsan pa, naipamalas ng mga manggagawa ang kanilang determinasyong isulong ang kanilang kapakanan hindi lamang laban sa pagsasamantala ng mga kapitalista kundi pati na rin sa pang-aapi ng reaksyunaryong rehimen at ng dayuhang amo nito. Ang pakikibaka para sa karagdagang sahod ay nagpapatatag sa militanteng paninindigan ng mga manggagawa. Nagbibigay-inspirasyon ito sa malawak na masa ng sambayanan sa kanilang laban upang patalsikin ang rehimeng US-Estrada. ![]()
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|