Patuloy na istagnasyon ng ekonomya ng Japan
Ang humigit-kumulang isang dekada nang istagnasyon ng ekonomya ng Japan ay salamin ng di maibsang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Napaluluhod ito sa lubha ng krisis ng sobrang produksyon at sa igting ng kumpetisyon laban sa imperyalismong US para sa mga limitadong pamilihan laluna sa rehiyong Asia- Pacific.
Ang kabiguan ng Japan na mapagpasyang igpawan ang krisis ay isa sa pinakamalalaking suliranin ng mga imperyalistang kapangyarihan sa kasalukuyan. Nagsilbi ang Japan bilang pangunahing pamilihang umaangkat ng mga hilaw na materyales at bahagyang naprosesong produkto mula sa mga atrasadong malakolonya at bilang isa sa pinakamalalaking tagapinansya sa poder ng mga reaksyunaryong pamahalaan. Pumutok noong 1990 ang ekonomyang pinalobo ng todo-todong ispekulasyon sa real estate at pagpapabaha ng pondo sa mga proyektong pang-imprastruktura. Mula noon, hindi na ganap na nakabangon ang ekonomya ng Japan.
Upang buhayin ang kanilang ekonomya, ilang ulit na naglunsad ang gubyernong Japan ng mga programang pampasikad (pumppriming) sa pamamagitan ng pagbubuhos ng bilyun-bilyong dolyar sa konstruksyon. Gumastos na ang gubyernong Japan ng $1.5 trilyon sa nakaraang walong taon. Mula Hulyo 1998 hanggang Disyembre 1999, nagbuhos ito ng $142 bilyon para sa mga katulad na obras publikas.
Gayunpaman, sa kabila ng sunud-sunod na mga programang ito, na sadyang panandalian lamang ang pakinabang sa usapin ng empleyo at pagbubunsod ng produksyon, nananatiling umiika-ika ang ekonomya ng Japan.
Dumausdos sa resesyon ang ekonomya ng Japan noong 1992, 1994-95 at 1998. Noong nakaraang taon, tinatayang umabot lamang sa 0.6% ang paglago ng ekonomya ng Japan. Nananatili ang suliranin sa sistemang pampinansya ng Japan. Nagkandalugi ang mga bangko sa Japan na pangunahing nagpinansya sa mga di produktibong proyektong pangimprastruktura at sa malakihang ispekulasyon sa pamilihan ng stocks at salapi. Noong kalagitnaan ng 1998, matapos sumambulat ang krisis sa Asia, tinayang aabot sa $531 bilyon ang halaga ng di mabayarang utang sa mga bangko sa Japan. Bukod pa rito ang paglobo ng pampublikong utang bunga ng todong pagbubuhos ng pondo sa konstruksyon. Ang kabuuang di mabayarang utang ng mga lokal na gubyerno sa Japan (hanggang noong Enero 2000) ay umaabot na sa $6 trilyon. Noong nakaraang taon, tinatayang aabot sa 130-200% ng kabuuang lokal na produksyon ang pampublikong utang ng Japan.
Dahil sa pag-eksport ng produksyon o pagtatayo ng mga pabrikang industriyal sa mga malakolonya upang samantalahin ang murang lakas-paggawa laluna noong dekada 1980, tuluy-tuloy na bumagsak ang lokal na produksyon. Kakambal nito ang unti-unting paglaki ng suliranin ng disempleyo sa Japan na dahan-dahang gumatong sa disgusto ng mga manggagawang Hapones.
Bunga ng krisis sa mga ekonomya ng mga malakolonya sa Asia, ang pinakamalaking pamilihan ng Japan, bumagsak ang lokal na produksyon. Sa larangan ng manupaktura, konstruksyon at agrikultura, 1.7 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho mula 1997 hanggang 1999. Noong Marso, tinatayang 4.9% ang tantos ng disempleyo�ibig sabihin, 3.29 milyong manggagawa ang walang hanapbuhay. Sa ulat ng gubyerno noong Abril, ipinagmalaki nitong 130,000 bagong trabaho ang nalikha. Ngunit katunayan, karamihan sa mga bagong nalilikhang hanapbuhay ay part-time lamang: ang bilang ng mga manggagawang may fulltime na trabaho ay bumagsak nang 1% kumpara sa bilang noong Abril 1999.
Lalala pa ang sitwasyong ito bunga ng restructuring ng ekonomya ng Japan na itinutulak ng US at IMF. Kabilang sa mga patakarang ito ang pagtataas ng interes sa pautang na itinatakda ng bangko sentral ng Japan (ang Bank of Japan). Sa balak na gawing pagtataas ng interes simula sa katapusan ng taon (mula sa halos wala), hangad ng gubyernong Japan na i-restructure ang mga negosyo upang gawin itong mas "episyente", na ang pangunahing kahulugan ay ang malawakang pagsasakatuparan ng pleksibilisasyon ng paggawa kabilang na ang malawakang tanggalan at kontraktwalisasyon ng paggawa at iba pang katulad na patakaran. Mula 1997, taun-taong bumabagsak nang 1.5% ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa sa Japan.
Mabilis ngayong bumabagsak ang katayuang panlipunan ng mamamayan at proletaryado sa Japan at humihirap ang kanilang mga kundisyon sa pamumuhay. Nakaambang dumanas ng matitinding bigwas ang milyun-milyong walang hanapbuhay, walang tirahan at mga ordinaryong mamamayan sa mabilis na pagsasakatuparan ng mga neoliberal na patakaran ng deregulasyon at liberalisasyon. Dahil dito, ang mamamayan at proletaryado sa Japan ay mabilis na nahihimok na bagtasin ang landas ng militanteng pakikibaka. Ang pagsisikap na pababain ang gastos sa produksyon at ang kaakibat nitong pagbubwelo ng pleksibilisasyon ay nagsisilbing mitsa ng malawakang mga welgang manggagawa.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|