Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Patuloy na paglala ng krisis pang-ekonomya sa bansa

 Read this article in English

Patuloy na lumala ang krisis pang-ekonomya sa bansa sa loob ng anim na buwang panunungkulan ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Maging ang mga naghaharing uri ay niyayanig nitong krisis. Ngunit, ang pinakamatinding tinatamaan nito ay ang mamamayan, laluna ang masang anakpawis.

Palagian ang krisis sa bansa dulot ng patuloy na pag-iral ng bulok na malakolonyal at malapyudal sistemang panlipunan na ibayong pinalalala ngayon ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Tumutungo ngayon ang huli sa pangkalahatang resesyon na may kasabay na deflation (pagkipot ng pamilihan, pagbagsak ng mga presyo at pagbagsak ng produksyon). Itong resesyon ay maaaring umabot nang ilang taon at lalo pa nitong padadausdusin ang ekonomya ng bansa. Pinakamatingkad na indikasyon ng krisis na ito ang matarik na pagbulusok ng produksyon at pagbagsak ng eksport nitong nakaraang anim na buwan. Mula sa abereyds na 4.01% at rurok nitong 4.6% noong 2000, bumaba sa 2.5% ang tantos ng taunang paglago ng GDP (gross domestic product o kabuuan ng mga produkto at serbisyong ginawa sa loob ng bansa) sa unang limang buwan ng taon. Mas mababa ito sa inabot na 3.3% sa parehong panahon noong 2000 at 3.8% sa kagyat na sinundang kwarto. Kung susukatin sa kada tao, 1.5% lamang ang aktwal na taunang inilago ng GDP hanggang nitong Mayo.

Pagbagsak ng sektor ng industriya

Ang bumabang paglago ng GDP ay dulot pangunahin ng pagbagsak ng sektor ng industriya. Mula sa 4.4% sa parehong panahon noong 2000 at 4.1% sa kagyat na sinundang kwarto, 0.1% lamang ang inilago ng sektor. Sinalamin ng pagbagsak ng industriya ang pagdausdos ng kabuuang eksport ng bansa. Nagmistulang positibo ang GDP dahil sa pagtaas ng presyo at bahagyang paglago ng mga sektor ng serbisyo (4.5%, pangunahin na bunga ng paglawak ng pagserbisyo ng mga kumpanyang telekomunikasyon sa mga cellphone) at agrikultura (2.3%). Sa kabuuan, may pagbaba ng nagamit na kapasidad sa produksyon ng bansa mula 79.8% noong 1999 at 80.1% noong 2000, tungo sa 77.8% nitong unang kwarto ng 2001 at 76.3% nitong Mayo.

Nitong ikalawang kwarto ng taon, higit pang sumadsad ang ekonomya. Matarik na bumulusok nang 24.7% ang eksport nitong Hunyo. Tinatayang ito na ang pinakamalalang pagbaba ng eksport mula pa noong dekada 1970. Ang produksyon para sa eksport ay 57.4% ng kabuuang produksyon ng bansa.

Pinakamalaki ang 39.27% ibinagsak ng pag-eksport ng mga elektronikong pyesa. Sa kalakhan, reeksport lamang ito ng mga semiconductor, isang tipo ng pyesang elektronik, na bahagyang pinoproseso sa bansa para sa gamit ng industriya ng ICT sa ibang bansa. Ang ekport ng mga ito ay 52.7% ng kabuuang eksport ng bansa. Bago ito nagsimulang bumagsak sa taong ito, umaabot pa ito nang 71.3% (2000) hanggang 72.5% (1999) ng kabuuang eksport ng bansa. Nakasandig sa ekonomya ng ICT sa US ang eksport ng mga pyesang elektronik ng Pilipinas. Dulot ng sobrang produksyon ng kompyuter, mga kaakibat na kagamitan at serbisyo at iba pang produktong elektronik na may mataas na teknolohiya, tuluy-tuloy na dumadausdos ang ekonomya ng ICT at ang kabuuan ng sistemang kapitalista. Mangangahulugan ito ng patuloy na pagbagsak ng kabuuang ekport ng bansa. Ang naghihingalong atrasadong ekonomya ng bansa ay lalo pang hinahatak padausdos ng papabagsak ngayong ekonomya ng ICT sa US at sa daigdig.

Bumagsak din nang 9.1% ang eksport ng mga kasuotan. Ito pa rin ang pangalawang pinakamalaking eksport ng bansa at ang 76% nito ay sa US dinadala. May sobrang produksyon ng kasuotan sa daigdig at marami nang ibang bansang nagpapadala sa US ng mas murang kasuotan. Patuloy na dumadausdos ang produksyon ng kasuotan sa bansa at tinatayang lalo pa itong bubulusok bunga ng pagtambak sa bansa ng mga imported at smuggled (puslit) na kasuotan. Kalahati ng 300,000 tonelada ng kinokonsumong kasuotan sa bansa ay imported o smuggled. Noong mas maagang bahagi ng dekada 1990, umaabot sa 1.5 milyong spindle (ikid) ang pinoprodyus ng 12,000 kumpanya ng kasuotan sa bansa. Mula noon bumagsak na ang 9,000 kumpanya at ngayon, 350,000 spindle na lamang ang pinoprodyus ng natitirang 3,000 kumpanya sa industriyang ito.

Pinakamalalaking eksport ng bansa, Enero-Hunyo (dolyar)
Eksport20002001% pagbagsak
Elektronikong piyesa2.230 bilyon1.355 bilyon(39.27)
Kasuotan227.69 milyon206.87 milyon(9.1)
Langis ng niyog47.93 milyon35.04 milyon(26.9)
Mwebles na kahoy44.90 milyon31.88 milyon(29.0)

Pinakamalalaking importasyon ng bansa,
Enero-Hunyo 2001 (dolyar)
Aytem
Ikalawang kwarto
Mayo
Halaga (dolyar)% ng kabuuanHalaga (dolyar)% ng kabuuan
Piyesang elektronik537.0520.6554 milyon20.7
Gamit sa telekomu-nikasyon292.4511.2287 milyon10.7
Petrolyo 276.3610.6274 milyon10.2

Paglaki ng depisit sa balance of trade. Ang 24.4% pagdausdos ng eksport ang pangunahing nagdulot ng biglang paglaki ng depisit sa balance of trade (BOT o balanse sa kalakalan) sa ikalawang kwarto ng taon. Ang naging sanhi ng pagbaba ng eksport ay ang pagbaba ng pandaigdigang pamilihan para sa mga ekport ng bansa. Nagbunga ito ng $31 milyong depisit sa BOT para sa buwan ng Hunyo. Ito ay sa kabila ng paglaki nang 4.6% lamang ng import ng bansa, mas mababa kaysa 10% paglago nito noong Mayo. Kakatwang pansinin na habang bumabagsak buwan-buwan ang importasyon ng mga pyesang elektroniko, lumalaki naman ang importasyon ng mga kagamitan sa telekomunikasyon (nasa antas ng $260-$290 milyon buwan-buwan) na nakatuon lamang sa pagpapalawak ng 4,000,000 tungo sa 7,000,000 cellphone ang maseserbisyuhan ng Smart, Globe at iba pang kumpanya sa telekomunikasyon sa bansa.

Isang sanhi ng pagtaas ng halaga ng importasyon ang pagtaas ng halaga ng pambiling dolyar kumpara sa piso. Mula sa abereyds na P48.47=$1 noong Marso, umabot na sa humigit-kumulang P53=$1 nitong Hulyo ang palitan ng piso sa dolyar. Ang patuloy na pagbaba ng halaga ng piso ay nagdudulot ng mabuway na ekonomya at kawalan ng kumpyansa sa ekonomya sa bansa. Ipinapangarap ng rehimen na mapatataas pa at mapananatili ang halaga ng piso sa antas ng P50=$1. Pinanghihimasukan na ng Bangko Sentral ang panlabas na palitan ng piso, kung kaya't pansamantalang naitaas uli ang halaga ng piso sa P51-52=$1.

Noong Abril, tumaas din nang mga 12% ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Dulot ng mga ito at iba pang dahilan, nagkaroon ng $81 milyong depisit sa BOT nitong Mayo. Noong Abril, umabot na ito sa $477 milyon. Patuloy na lalala ang BOT ng bansa, dulot ng pagpapatuloy ng tunguhing padausdos ng mga eksport at gayundin ng halaga ng salapi ng bansa.

Krisis sa pamumuhunan at pinansya ng bansa. Ang pagdausdos ng produksyon at eksport ng bansa at pagmahal ng importasyon ay nagdudulot ng ibayo pang paglalala ng krisis sa pamumuhunan at pananalapi ng bansa.

Paglaki ng depisit sa balance of payments. Umabot na sa $755 milyon (P37.75 bilyon sa palitang P50=$1) ang depisit sa balance of payments (BOP o balanse ng kabayaran) ng bansa noong Abril. Kabaliktaran ito sa $820 milyong sarplas sa BOP sa parehong panahon noong 2000. Pangunahing sanhi nito ang nabanggit nang paglaki ng depisito ng BOT, ang 16.8% pagliit ng kabuuang iniuuwi o ipinadadala ng mga migranteng manggagawa (mula $2.58 bilyon, naging $2.15 bilyon na lang), at ang malaking nailabas o naiuwing dayuhang kapital.

Pag-atras ng dayuhang puhunan. Mula noong 1997, ni bahagya ay hindi nabago ang negatibong gradong ibinigay ng Moodys at ng Standard & Poor - mga internasyunal na institusyon ng mga monopolyong kapitalista na nagsusuri sa kalagayan at risgo sa pulitika, ekonomya at pinansya at nagpapayo tungkol sa pamumuhunan sa iba't ibang bansa. Sa paggagrado nila, nalaglag ang bansa sa ika-29 noong 1997 tungo sa ika-40 kamakailan lamang. Sa paggrado ng Merril Lynch, isa sa mga pangunahing international stock broker, mula sa dating ika-15 pusisyon ng Pilipinas sa mga "bagong-sibol na pamilihan" noong Enero 2001, nalaglag ito sa ika-30 pusisyon sa ikalawang kwarto ng taon.

Sa unang limang buwan ng taon, bumulusok nang 292% ang kabuuang direktang puhunang ipinasok sa bansa. Sa panahong ito, bumagsak nang 29.59% ang direktang dayuhang puhunan habang 50.76% naman ang ibinagsak ng portfolio investments (ispekulatibong kapital). Ang ispekulatibong kapital ay nagbunsod ng artipisyal na "paglago" sa ekonomya ng Pilipinas bago ang krisis pampinansya ng 1997. Kabilang sa nag-atras ng puhunan mula sa Pilipinas ay mga kumpanya mula sa US, Germany, Japan, Hong Kong at Australia.

Kaugnay nito, bumagsak nang 57% ang pangkalahatang pamumuhunan sa mga pampubliko at pribadong kumpanyang nasa loob ng mga "special economic zones". Sa unang pitong buwan sa 2001, halos 60% ang ibinagsak ng mga bagong puhunan habang 61% ang ibinaba ng ipinapasok na kapital sa mga nakatayo nang kumpanya sa loob ng mga "ecozone". Karamihan sa mga kumpanyang ito ay gumagawa ng mga produktong elektroniko at pang-information technology.

Talaan ng dayuhang puhunan sa Pilipinas
Enero-Mayo (bilyong piso)
20002001
Direktang dayuhang puhunan20.2214.23
Ispekulatibong kapital95.0546.8
Pinagkunan: Bangko Sentral ng Pilipinas

Noong 1992-98, ang nailalabas na direktang puhunan mula sa bansa ay karaniwang $1.25 bilyon taun-taon. Biglang ibayong lumaki ito noong nakaraang dalawang taon. Naging $18.19 bilyon noong 1999 at $14.97 bilyon noong 2000. Nitong unang limang buwan ng taong ito, $7 bilyon na ang lumabas.

Mula sa nakaraang taon lumaki rin nang 18.1% ($1.23 x- $1.5 bilyon) ang kapital na lumabas sa bansa para sa pagbabayad ng interes at repatriation (pag-uuwi) ng kita ng mga dayuhang korporasyon.

Malaking utang panlabas ng bansa. Ang utang panlabas ng Pilipinas nitong Marso 2001 ay umaabot sa $49.95 milyon. Ito ay 64.6% ng GNP (kabuuang produksyon ng bansa sa loob at labas ng bansa). Bahagya itong bumaba mula sa $52.45 milyon noong nakaraang taon (64.7% ng GNP) matapos magkaroon ng rescheduling (pagbibigay ng dagdag na palugit sa pababayad) ang mga utang ng Pilipinas. Sa kabilang banda, lumaki ang tantos ng pagbabayad sa utang. Ang pagbabayad ng utang panlabas ng bansa ang malaking kumakain ng kita ng bansa. Nasa antas na ito ng $6 bilyon (P300 bilyon sa palitang P50=$1) taun-taon. Nitong Marso, umabot sa 17.24% ng GNP ang napupunta sa pagbabayad ng utang panlabas, pinakamataas sa nakaraang walong taon. Noong Marso 2000, 11.83% lamang ng GNP ang napunta rito.

Dahil sa malaking depisit sa badyet ng gubyerno, naghahagilap ng mga bagong mauutang ang rehimen kaya hihigit pa ang utang panlabas ng bansa sa $52.45 milyon, na siyang pinakamataas na antas na inabot na nito sa nakaraang taon.


Higit na pagkabangkrap ng gubyerno.Higit kailanman, patuloy ang ibayong paglaki higit kailanman ng depisit sa pambansang badyet. Mula P50 bilyon noong 1998, naging P111.7 bilyon ito noong 1999 at P134.2 bilyon noong 2000. Sa unang hati nitong taon, umabot na ito sa P79.6 bilyon. Tinatayang aabot ito nang P147 bilyon o mahigit sa buong 2001.

Walang ibang masusuotan ang gubyerno para mapunan ang lumalalang depisit kundi ang higit pang pagbebenta ng mga korporasyon at public utilities na pag-aari ng gubyerno, higit pang pagbubuwis sa mamamayan at ibayo pang pangungutang. Higit pang ibabaon ng gubyerno ang mamamayan sa utang. Ang utang nito, na nasa antas pa lamang ng P2,166 bilyon noong 2000 ay umabot na sa P2,575.4 bilyon nitong Hulyo. Ang P1,103.4 bilyon o 42.8% nito ay mula sa loob ng bansa at ang P1,472 bilyon ($29.44 bilyon sa palitang P50=$1) ay mula sa labas ng bansa.

Ngunit, sa kabalintunaan, halos kalahati na ng badyet at kita ng gubyerno ang napupunta sa pagbabayad ng mga utang. Lalo lamang nagpapalaki ito sa gastos at depisit ng gubyerno. Habang lumalaon, lalong lumalaki ang binabayaran ng gubyerno na serbisyo sa utang. Noong 1997, 26.6% ng kita nito ang ibinayad ng gubyerno sa serbisyo sa mga utang; 35.4% noong 1998; 42.9% noong 1999; at 44.3% noong 2000. Umaabot na ito sa 46% nitong Hunyo (30.1% para sa interes at 15.9% para sa amortisasyon).

 


Previous articleBack to topNext article

Agosto 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista at anti-mahirap na "reporma" ng rehimeng US-Macapagal Arroyo

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Patuloy na paglala ng krisis pang-ekonomya sa bansa
Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Matinding tama ng krisis sa mamamayan

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Mga kagyat na kahilingan ng mamamayan

Pribatisasyon ng Social Security System, patuloy na nilalabanan
Mula sa koresponsal: Mga operasyong militar sa Kabikulan, kinundena
Mga balita ng pakikibaka
Kasamang Antonio Zumel, pinarangalan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.