Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Labanan ang AJ, ituloy ang welga

 Read this article in English

Nang magwelga ang mga manggagawa ng REN Transport Corporation noong nakaraang Hulyo, agad na naglabas ng kautusan para sa "assumption of jurisdiction" o AJ Order ang Department of Labor and Employment (DOLE). Sa pamamagitan AJ Order, epektibong naipatigil ng DOLE ang welga at naipabalik sa trabaho ang lahat ng mga manggagawang nakawelga. Ayon sa reaksyunaryong batas, ipapailalim lamang ang isang welga sa DOLE kung may panganib na makaaapekto ito sa "pambansang interes". Ang REN Transport ay isang kumpanyang nangungulekta ng basura sa Metro Manila. Hindi maipaliwanag ng DOLE kung paano nailalagay sa panganib ang pambansang interes kung may ilang araw na hindi magroronda ang mga trak ng basura.

Isa sa pinakapalasak at arbitraryong taktika ng reaksyunaryong estado laban sa mga manggagawa ang AJ. Nagsisilbi itong pangil ng rehimen upang labanan at durugin ang militanteng unyonismo sa bansa. Sa dami na ng ipinapataw na AJ at bilis ng pagpoproseso nito, hindi kataka-taka na bansagang "Reyna ng AJ" si Patricia Sto. Tomas, kalihim ng DOLE.

Sa kabila ng mahigit 382 unyon na nagsampa ng notice of strike (NOS) mula Enero hanggang Hulyo sa taong ito, 15 lamang ang aktwal na nakapagtayo ng piketlayn. Dalawampu't tatlo sa 382 NOS ay ipinailalim sa AJ bago pa man naitayo ang piketlayn. Labinlima ang ipinailalim sa compulsory arbitration. Dalawa naman sa aktwal na nagwelga ang ipinailalim sa AJ. Samantala, aabot sa 386 kaso ng namumuong welga ang awtomatikong ipinailalim sa preventive mediation. Sa mga kasong ito, hindi na umabot sa paghahapag man lamang ng NOS ang mga manggagawa.

Ipinangangalandakan ng DOLE na bumaba na ang bilang ng mga aktwal na welga at lock-out kumpara sa nakaraang mga taon. Itinatago ng estadistikang ito ang napakaraming welgang hindi natuloy dahil sa panimulang bahagi pa lamang ay ipinapailalim na sa AJ o di kaya'y sa preventive mediation.

Halos awtomatikong ipinapataw ang AJ sa anumang welga laban sa malalaking dayuhan at lokal na kumpanya at maging sa maliliit na korporasyon kung ang may-ari ay pulitiko o kasosyo ng pulitiko. Nitong Agosto, ipinailalim sa AJ ang welga sa Hacienda Luisita Incorporated at Sulpicio Lines. Bago ito, ipinailalim din sa AJ ang welga ng mga manggagawa sa Philippine Rabbit Bus Lines, Central Azucarera de Tarlac, Lepanto Mining Corporation, Toyota Motors Corporation at iba pa. Ganito rin ang ginawa noong isang taon sa welga ng Tritran Bus Lines, SM, La Tonde�a, San Miguel Corporation at Nestl�.

Mahaba at madugo ang rekord ng rehimen sa pagbubuwag ng mga nakatirik na welga upang ipatupad ang AJ. Ikinukubli ng gayong mga teknikalidad ang malawakang paglabag sa karapatang-tao at karapatang-unyon ng mga manggagawa. Isang matingkad na halimbawa ang welga ng Sulpicio Lines nitong nakaraang buwan. Estilong kumando na pinasok ng mga elemento ng AFP ang nakatirik na piketlayn at pinaputukan ang mga manggagawa upang buwagin ang welga. Dala ng labis na banta sa kanilang buhay, napilitan ang mga manggagawa at kanilang mga tagasuporta na lisanin ang piketlayn at sa kalaunan, ang kanilang laban.

Napakarami nang unyon ang nabuwag dahil sa AJ. Nasa kautusan mismo ng DOLE noong 2003 na tanggalin ang lahat ng mga lider-unyon at mga manggagawang patuloy na maggigiit sa kanilang karapatang magwelga matapos ipataw ang AJ. Sa halos lahat ng mga kasong nabanggit sa itaas, awtomatikong sinipa ang mga lider-unyon at masusugid na tagasuporta ng welga.

Wala pang malaking kaso kung saan matagumpay na nabaligtad ng mga manggagawa ang isang AJ Order sa pamamagitan nga pagkwestyon ng ligalidad nito. Batbat ng kainutilan ang mismong proseso dahil sa DOLE din ihahapag ang kaso. Hindi kataka-taka lalupa't kahit saang korte, bihirang katigan ng batas ang mga manggagawa. At kahit sa mga kasong naipanalo na, walang ngipin ang batas upang mapagpasyang ipatupad ang anumang hatol laban sa mga kapitalista.

Ipaglaban ang karapatang magwelga

Sa harap ng lansakang maka-kapitalistang mga batas, isang malaking hamon sa mga manggagawa na ipagtanggol ang kanilang karapatang magwelga. Partikular na mahalagang labanan ang paggamit ng taktikang AJ laban sa mga manggagawa. Ang paglaban dito ay makapagpapalakas sa buong kilusang manggagawa.

Sa maraming pagkakataon, hinaharap ng mga manggagawa ang AJ sa pamamagitan ng pagtutuloy ng welga. Kung tutuusin, walang mapagpipilian ang mga manggagawa�ang pagpapaubaya ng kanilang welga sa AJ at pagsunod sa kautusan ng DOLE ay katumbas na rin ng pagsuko ng kanilang laban.

Sa mga abanteng karanasan, nakapagpupursige ang mga manggagawa at patuloy nilang naigigiit ang kanilang karapatang ituloy ang negosasyon sa pagitan ng unyon at maneydsment kahit naipataw na ang kautusan para sa AJ. Kabilang sa mga matagumpay na karanasan ang welga sa Philippine Rabbit Bus Lines, Lepanto Mining Corporation at Central Azucarera de Tarlac (CAT) noong nakaraang taon at maagang bahagi ng kasalukuyang taon. Sa mga kasong ito, buong tapang na sinuway ng mga manggagawa ang AJ at return to work order ng DOLE.

Nagkakaisang prente: Hinarap ng mga manggagawa ang bantang pagbuwag sa piketlayn sa pamamagitan ng pagpapalawak at ibayong pagpapalakas ng kanilang hanay. Malaking salik sa pagpapatuloy ng kanilang pakikibaka ang pulitikal at maging ang pisikal at materyal na suporta ng kanilang mga pamilya at ng iba-ibang sektor ng kanilang komunidad. Sa welga sa CAT, umabot sa 5,000 ang nasa piketlayn kahit pa di aabot sa 1,000 lamang ang manggagawa roon. Sa welga ng Lepanto, buu-buong komunidad ang tumulong sa pagtatanggol at pagtataguyod ng welga. Sa kahuli-hulihan, nahirapang buwagin ng militar, pulis at mga bayarang goons ang mga piketlayn na pinatatag ng daan-daan kundi man libu-libong mamamayan.

Pamamagitan ng ibang pwersa: Sa ilang kaso, hindi kinilala ng mga manggagawa ang pamamagitan ng maka-kapitalistang DOLE. Dahil dito, nagsilbing tagapamagitan ang ilang upisyal ng lokal na gubyerno at iba pang mapagkakatiwalaang personalidad na maaasahang patas na magtitimbang sa interes ng dalawang panig. Sa kaso ng Lepanto, mismong ang meyor ng lokalidad at mga representante ng Bayan Muna Party ang umaktong tagapamagitan sa negosasyon ng mga manggagawa at ng maneydsment. Mayroon ding karanasan na nagpasa ang lokal na gubyerno ng resolusyong sumusuporta sa mga nagwewelgang manggagawa at nananawagan para sa mabilis at mapagpasyang desisyon sa welga. Malaki rin ang maitutulong ng mga upisyal ng lokal na gubyerno sa pagrerenda ng karahasan laban sa piketlayn.

Labanan sa propaganda: Kasabay ng pagpapalakas ng piketlayn, mahalaga ang tuluy-tuloy na pagpapalaganap sa mga isyu ng mga manggagawa at paglalantad sa mga paglabag at pagpapahirap ng kapitalista. Sa nakaraan, nakatulong nang malaki ang pagdadala ng mga isyu sa radyo, dyaryo at telebisyon. Sa pamamagitan ng midya, naipalalaganap sa mas malawak na bilang ng mamamayan ang kalagayan ng mga manggagawa at nailalantad ang maka-kapitalistang katangian ng DOLE at mga batas sa paggawa. Nakalilikha ito ng sapat na interes at simpatya para bahagyang mapaatras ang DOLE at napu-pwersa ang kapitalista na harapin ang mga iginigiit ng mga manggagawa.

Ang lahat ng ito ay magsisilbing panangga ng mga manggagawa sa karahasan ng rehimen. Ngunit higit sa lahat, susi sa isang matagumpay na welga ang katatagan at kahandaan ng unyon na sumabak dito sa kabila ng mga banta ng mga anti-manggagawang batas at galamay ng reaksyunaryong estado.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Setyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang dagdag na pasanin sa mamamayan

Agresibong palawakin ang kilusang manggagawa!
Labanan ang AJ, ituloy ang welga
Pag-ugat ng Partido sa kilusang manggagawa
Kalagayan ng karapatang-tao sa bansa
Pananalanta Ng Pasistang Estado
Lumalalang panggigipit sa midya
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.