Karahasan laban sa demokratikong kilusan
Sumiklab na naman ang karahasan laban sa mga lider at tagasuporta ng ligal na demokratikong kilusan. Dagdag sa apat na kababaihang aktibista na iligal na inaresto at ikinulong sa Quezon noong Marso 1 (tingnan ang naunang artikulo), isang prominenteng lider ang pinaslang, isa ang dinukot at pinangangambahang patay na at isa ang tinangkang patayin.
Dinukot ng armadong kalalakihan noong gabi ng Marso 3 si Danny Macapagal, upisyal ng Bayan-Central Luzon sa harap ng kanyang bahay sa Cabanatuan City.
Noong araw ding iyon, walang kaabug-abog na pinagbabaril ang isang konsehal ng Tarlac City na myembro ng Bayan Muna. Pinatay ng isang isnayper sa Barangay Paraiso, Tarlac City si Abelardo Ladera, 43, habang bumibili siya ng pyesa para sa kanyang dyip.
Si Ladera ay isa sa matatatag na tagasuporta ng mga welgista sa Hacienda Luisita at isa sa mga tumestigo laban sa militar at pulisya nang imbestigahan sa kongreso ang masaker doon noong Nobyembre 2004.
Malaon nang pinag-iinitan ng Northern Luzon Command (Nolcom) si Ladera dahil sa kanyang paninindigan. Katunayan, isa siya sa pinangalanan ng Nolcom bilang "prominenteng makakaliwang personalidad" na "nanulsol" sa galit at disgusto ng mga tagaasyenda. Pilit na binibigyang-katwiran ng Nolcom ang pang-iipit nila kay Ladera sa pamamagitan ng pilit na pilit na pag-uugnay sa kanya sa BHB sa lugar. Ikinalat pa ng Nolcom na pamangkin siya ng tagapagsalita ng PKP na si Gregorio "Ka Roger" Rosal.
Bago ito, tinangka ring patayin noong Pebrero 18 sa Abuyog, Leyte si Fr. Allan Caparro ng Iglesia Filipina Independiente at pangalawang tagapangulo ng Promotion of Church People's Response (PCPR) sa Eastern Visayas. Sugatan si Caparro at kanyang asawang si Aileen nang pagbabarilin sila ng tatlong lalaking sakay ng motorsiklo at armado ng kal .45 baril. Si Caparro ay kilala sa kanyang pagtutol sa malawakang pagmimina sa rehiyon dahil sa perwisyong idinudulot nito sa mamamayan sa mga bulubunduking lugar.
Sa isang pahayag, iniugnay ng PCPR sa pamamaril kay Caparro si Brig. Gen. Jovito Palaparan, ang bagong talagang hepe ng 8th ID na nakabase sa Eastern Visayas.
Nito namang Marso 6, ipinwesto ng 63rd IB ang isang armored personnel carrier (APC) sa tapat ng upisina ng Bayan Muna-Northern Samar at Katungod-Eastern Visayas sa Catarman City. Kinundena ito ng Katungod bilang tuwirang panghaharas sa mga progresibong organisasyon at mga samahan na nagtataguyod ng karapatang-tao.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|