Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Bigwasan pa ang rehimeng Arroyo ng mga taktikal na opensiba

 Read this article in English

Binabati ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang magigiting na Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa matatagumpay na taktikal na opensiba na inilunsad sa iba't ibang bahagi ng bansa nitong nagdaang tatlong linggo.

Ipinagbubunyi ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa sa buong bansa ang maniningning na mga taktikal na opensiba ng BHB sa Samar at Compostela Valley na nagresulta sa pagsamsam ng malaki-laking bilang ng armas at pagpuksa sa mga pasistang tropa ng kaaway.

Ang mga ito ay alinsunod sa pangkalahatang rebolusyonaryong linya at sa panawagan ng ika-11 Plenum ng Komite Sentral ng PKP na paigtingin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka batay sa paglawak at paglakas ng rebolusyonaryong baseng masa at kaakibat ng pagsusulong ng pakikibakang antipyudal ng masang magsasaka sa kanayunan.

Kongkretong tugon ito sa masidhing kagustuhan at pangangailangan ng mamamayan sa harap ng sobra-sobrang pang-aapi at pagpapahirap sa kanila ng reaksyunaryong rehimen. Ang mga taktikal na opensibang ito ay bahagi ng pagpapaigting ng iba't ibang tipo ng paglaban ng mamamayan sa papet, militarista at tiwaling rehimeng Arroyo.

Ang pagpapaigting ng mga taktikal na opensiba ay kailangang-kailangan din upang masandatahan ang hukbong bayan at higit pa itong mapalaki, mapalakas at mas mahusay na makatugon sa lumalaking mga tungkulin sa pagsusulong ng digmang bayan.

Ipinakikita ng mga ito na bigo ang militarismo at ang ipinagmamayabang na "all-out war" ng rehimeng Arroyo laban sa BHB. Bunga ng mga tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at bilang patunay ng kawastuan ng linya ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya alinsunod sa papalawak at papalalim na baseng masa sa kasalukuyang yugto ng paglulunsad ng matagalang digmang bayan sa Pilipinas, patuloy na lumalakas ang BHB sa buong bansa. Nagtatamasa ito ng papalawak na suportang masa at umaani ng tuluy-tuloy at paparaming mga tagumpay.

Lalong bumibilis ang pagsulong nito bunsod ng lubhang pagkakahiwalay sa masa ng papet na mersenaryong hukbo at ng lubhang pagkaligalig at pagkakabaon ng reaksyunaryong gubyerno sa patungpatong at di malutas-lutas na mga problema. Lalo pa itong pinatitindi ngayon ng papabigat na obligasyon sa mga panlabas na utang ng bansa at papalaking panustos sa gastos para sa militar.

Nagkakandahilo ang rehimen sa kaiisip kung paano aapulain ng batak na batak nang pwersa ng AFP ang pagkalat ng apoy ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa iba't ibang bahagi ng bansa. Kahit napakalaki na ng AFP, kaya lamang nitong magkonsentra ng pwersa sa iilang larangang gerilya. Maging sa mga nasasaklaw nitong larangan, hindi kayang ipirmi ng AFP sa bawat sulok ang presensya nito.

Noon pa man, kalakhan na ng mga batalyon ng Philippine Army, Marines at Special Forces ang nakatalaga sa mga larangang gerilya ng BHB. Katunayan, kahit sa Mindanao, mas malaking pwersa ng AFP ang nasa mga larangang gerilya ng BHB kaysa mga erya ng MILF, MNLF, Abu Sayyaf at iba pang pwersang Moro.

Nitong Hunyo, napilitan ang rehimen na hugutin maging ang ilang tropang nakatalaga laban sa MILF upang ipwesto sa mga larangang gerilya sa Samar. Idinagdag ang dalawang batalyon at isang Reconnaisance Company sa Samar matapos ang dalawang matagumpay na opensiba ng BHB doon. Isa rito ang 14th IB na inilipat noong 2001 sa Sulu upang tugunan ang lumalakas na paglaban ng mamamayang Moro sa lugar. Iniutos din ni Arroyo sa pulisya at lokal na pamahalaan na punan ang mga eryang hindi kayang saklawin ng AFP.

Ang pagdaragdag ng mga tropa ng AFP na nakapakat sa ilang larangang gerilya ay tiyak na magreresulta sa mas malawakan at mas malubhang pang-aabuso sa mamamayan. Gayunman, magbibigay din ito ng mas maraming target ng mga taktikal na opensiba ng BHB.

Sa kawalang pag-asang magwawagi ang reaksyunaryong pwersang militar laban sa rebolusyon, walang ibang tinatakbuhan ang rehimeng Arroyo kundi ang imperyalismong US. Sa pakikipagkutsaba kay Pres. George Bush ng US, mahigpit na iginigiit ni Arroyo ang interbensyong militar ng US. Ginagawa itong numero unong panakot at gustong gawing pangunahing pangharap sa lumalakas na mga rebolusyonaryong pwersa sa bansa.

Sa utos ng imperyalismong US na sagasaan ang usapang pangkapayapaan, parang hangal na ipinapanakot ng rehimen ang pagpapawalambisa sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Kung tutuusin, matagal nang ibinasura ng rehimeng Arroyo ang JASIG. Direkta nitong nilabag ang kasunduan nang makipagsabwatan ito sa imperyalismong US na ideklarang "terorista" ang PKP at BHB. Gayundin, labag sa JASIG ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kriminal na kaso at tuluy-tuloy na panggigipit kay Ka Jose Ma. Sison.

Ang ganitong mga hakbangin ng rehimeng Arroyo ay nagpawalang-saysay sa pagsisikap ni House Speaker Jose de Venecia nitong Hunyo 28 na muling buhayin ang usapang pangkapayapaan. Upang muling mabuksan ang pag-uusap, kinakailangang bawiin ni Arroyo ang nauna nitong kampanya sa US at Europe na ikategoryang "terorista" ang PKP at BHB at si Kasamang Sison.

Para masuhayan ang deklarasyong "terorista" ang PKP at BHB na puspusang tumututol at nagpapabulaan dito, naghahabi ngayon ang rehimeng Arroyo ng iba't iba na namang mga kasinungalingan, kabilang ang akusasyong sangkot sa iligal na droga ang BHB at nagmamantine ito ng mga plantasyon ng marijuana sa mga sonang gerilya. Subalit madali ring napasisinungalingan ang lahat nang ito at nalalantad ang katotohanang ang AFP, PNP at mga pinuno ng gubyerno mismo ang siyang mga nasa likod ng negosyo sa iligal na droga sa bansa.

Katulad ng pagharang ni Arroyo sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP, hinahadlangan din nito ang usapang GRP-MILF. Ang pagdedeklarang "terorista" ang MILF at pagpataw ng mandamyento de aresto laban sa mga lider nito ay ginawa ng GRP para magsilbing malaking balakid sa pagpapatuloy ng usapan.

Nasa katayuan ang BHB para lalo pang paigtingin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Palagiang mulat ang BHB na sa pagkonsentra ng AFP sa ilang partikular na erya, naiiwang bukas at maluwag ang mas maraming iba pa. Kahit nakakonsentra, palaging may relatibong mahinang bahagi ang pwersa ng kaaway na mahalagang tukuyin at bigwasan.

Hindi mapipigilan ng rehimeng Arroyo ang pagbwelo ng armadong pakikibaka laluna ngayong palalim nang palalim ang kinasasadlakang krisis ng naghaharing sistema. Bangkarote ito at batbat ng kabulukan, korapsyon at mga alitan. Ang rehimeng Arroyo ay labis nang kinamumuhian at nahihiwalay sa mamamayan.

Sa kabilang panig, tuluy-tuloy na lumalawak, lumalalim at lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa. Magkakaakibat nitong isinusulong ang armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng baseng masa. Mulat na nag-uugnayan at nagtutulungan ang iba't ibang saklaw at bahagi ng rebolusyonaryong kilusan, gayundin ang kilusan sa kanayunan at sa kalunsuran. Mapangahas nitong pinalalawak ang pambansang nagkakaisang prente habang nagtatamasa ang rebolusyon ng malalim at malawak na suporta ng sambayanang Pilipino.

 


 Back to topNext article

07 Hulyo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Bigwasan pa ang rehimeng Arroyo ng mga taktikal na opensiba
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Lumalaganap, dumadalas

Matatagumpay na opensiba ng BHB:
Walang pinsalang tinamo ang BHB sa engkwentro sa Pampanga at Zambales - Ka Roger

Mga Ulat Koresponsal:
Matagumpay na pagtatayo ng isang rebolusyonaryong unyon

Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay at mahahalagang aral mula sa welga sa Central Azucarera de Tarlac

Mga Ulat Koresponsal:
Mga pihit sa laban ng mga manggagawa sa Lepanto Mining

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.