Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang panunumbalik: Armadong panghihimasok ng imperyalismong US sa Pilipinas

 Read this article in English

Balikatan 02-2, ilulunsad sa Abril

Isa pang Balikatan ang ilulunsad mula Abril 22 hanggang Mayo 5 sa Clark, Pampanga at Subic, Zambales. Aabot sa 2,665 sundalong Amerikano ang nakatakdang lumahok sa pagsasanay. Magdadala ang mga tropang Amerikano ng 17 iba-ibang klaseng helikopter, apat na FA-18 Hornet fighter jet, siyam na eroplanong C-130, dalawang tangkeng KC-130 at isang barkong panlohistika, ang USS Fort McHenry.

Binabalak ng US na ibukas ang pagsasanay sa mga armadong hukbo ng 10 pang bansa. Sa gayon, ang Balikatan ay magiging bahagi ng "Team Challenge", ang pagsasanay-militar na inilulunsad ng US upang ihanda ang iba't ibang hukbo sa Asia sa direktang paglahok sa armadong interbensyon ng US sa iba't ibang bansa. Isang halimbawa nito ang pagpapadala ng US ng multinasyunal na "pwersang pangkapayapaan" sa East Timor. Noong nakaraang taon, pinahintulutan ni Macapagal-Arroyo ang paglapag sa bansa ng iba't ibang kaalyadong tropa ng US sa kabila ng tahasang pagbabawal ng reaksyunaryong batas dito kung walang status of forces o visiting forces agreement.

Kinukwestyon ang pagpapasok ng mga pwersa mula sa iba pang bansa na walang kasunduan ang Pilipinas na tulad ng VFA. Kaya sa ngayon, ang mga pwersa mula sa ibang bansa ay palalahukin "bilang mga tagamasid lamang". Upang mas madaling sabayang makahatak ng iba't ibang bansa sa anumang pangmilitar na aktibidad ng US, hinahabol nitong gawing multilateral (maramihang panig) kaysa manatiling bilateral (sa pagitan lamang ng dalawang bansa) ang mga kasunduang militar ng mga bansa .

Kinumpirma rin ni DND Sec. Angelo Reyes na 10 pang Balikatan ang idaraos sa taong ito. Ipinagtanggol ni Macapagal-Arroyo ang papalaking bilang ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas. Aniya, dati nang umaabot sa 5,000 sa loob ng isang taon ang bilang ng mga tropang Amerikano na dumarating sa bansa para lumahok sa mga "pagsasanay" na ito.

Tropang Amerikano sa Basilan, daragdagan

Nakatakdang dagdagan ng US nang 300 ang mga armadong tropa nito na nasa Basilan dahil hindi ito nasasapatan sa laki at takbo ng kasalukuyang operasyon doon. Sa kabila ng malaking bilang na ng nag-ooperasyon sa mga lungga ng Abu Sayyaf sa Basilan kasama ang mga tropang Amerikano, tuluy-tuloy pa rin ang mga atake ng Abu Sayyaf sa mga nag-ooperasyong pwersa na patuloy na nagtatamo ng mga kaswalti. Kunwa'y pinag-iisipan pa ni Macapagal-Arroyo ang "kahilingan" ng US para sa pagpapapasok ng karagdagang tropa pero sa aktwal ay nagkasundo na ang kanyang rehimen at ang gubyernong US hinggil dito. Upang lusutan ang mga ligal na balakid, balak ng rehimen na "amyendahan" ang kapipirma lamang na Terms of Reference para sa Balikatan 02-1. Simula't sapul, walang balak ang US na magpatali sa itinakdang bilang ng mga tropa.

Wala na ring pagkukunwari ang US nang simulan nitong tawagin ang Balikatan 02-1 na Operation Enduring Freedom-Philippines at inilinaw na ito ang ikalawang larangan at bahagi ng ikalawang yugto ng kanilang "digmang kontra-terorismo", karugtong ng digmang agresyon nito sa Afghanistan.

US Green Berets, kalahok sa operasyong kombat sa Basilan

Upang umiwas sa batikos, pilit na itinatanggi ng mga sandatahang hukbo ng US at Pilipinas na may kalahok na mga tropang Amerikano sa mga reconnaissance-combat patrol sa Basilan. Nabisto ito nang may mangyaring engkwentro sa pagitan ng mga nagpapatrulyang tropa at mga Abu Sayyaf sa Sityo Lipag, Upper Bulansa, Lantawan noong Marso 17. Agad-agad na nagpadala ng dalawang HH-60 Black Hawk na helikopter ang mga Amerikano sa lugar ng engkwentro. Tatlong Pilipinong sundalo ang napatay at tatlo ang sugatan sa naturang engkwentro. Kitang-kita ng mga residente ang naging papel ng mga Amerikano sa naganap na sagupaan. Nang mangyari ang sagupaan, ilang araw nang sumasama sa mga nagpapatrulyang AFP ang US Special Forces.

Mga pasilidad-militar sa Basilan at Zamboanga, dinagdagan ng mga Amerikano

Isang 10-kataong tim para sa konstruksyon ang lumapag sa Zamboanga at Basilan nitong Marso 7 upang magsagawa ng sarbey at maglikom ng datos hinggil sa kalupaan at mga pasilidad ng lugar. Tinasa rin nila ang mga pasilidad ng kampo militar doon at plinano ang konstruksyon para sa mga karagdagang pasilidad na para sa pangmatagalang gamit ng mga tropang Amerikano. Kabilang sa pinaplanong itayo ay mga paglalapagan ng helikopter, daungan sa Naval Station sa Zamboanga at iba pang imprastrukturang militar. Kasalukuyan nang isinasagawa ang konstruksyon ng karagdagang baraks sa Edwin Andrews Air Base (EAAB) at Camp Navarro, mga paliguan, kainan, recreation center at gym. Naghukay na rin para sa mga deep well ng dalawang kampo at nagtayo ng 10 "bahay-kubo" na nagkakahalaga ng $350,000 bawat isa sa Malagutay at EAAB.

Mga eroplanong pang-espiya ng US, pinalipad sa Pilipinas

Nitong Marso, ang US ay nagpasok sa Zamboanga ng mga GNAT UAV (unmanned aerial vehicles) o mga eroplanong pinalilipad nang walang piloto. Lumilipad ang mga ito nang may taas na 10,000 piye mula sa lupa at ginagamit sa pang-eespiya. Pinalilipad ang mga naturang eroplano araw at gabi mula sa Zamboanga.

Idineklara ng US na oras na matukoy nila ang kinalalagyan ng Abu Sayyaf ay bobombahin nila agad ang lugar. Ang pag-eespiya ng US at laluna ang pambobomba sa pinaghihinalaang mga kuta ng AbuSayyaf ay mangangahulugan na ng tahasang agresyon. Bukod pa rito, ang mga residenteng sinaklaw ng paglipad ng spy plane at mga organisasyong nagtataguyod sa karapatang-tao ay nababahala sa peligrong idudulot nito. Ayon sa Sanders Aviation, kumpanya na nagpapalipad sa mga spy plane, hindi malinaw kung sa Abu Sayyaf o sa mga ordinaryong sibilyan ang nalitratuhang mga tao at kubo, dahil sa kapal ng kagubatang nakapalibot sa isla. Bunga nito, malaki ang posibilidad na mga karaniwang sibilyan ang matatamaan sa pambobomba ng US.

Sex trafficking sa Davao para sa Balikatan

Noong Pebrero, hindi bababa sa 36 kababaihan sa Davao City, na karamihan ay may edad 13-18, ang naiulat na nabiktima ng rekrutment ng mga bugaw upang magtungo ng Zamboanga. Pinangakuan sila ng libreng pamasahe sa eroplano at dolyar na kita. Upang makumbinse pati ang kanilang mga magulang at kamag-anak, nagbigay ang mga bugaw ng katumbas ng kalahati ng kanilang kikitain. Nirekrut ang nasabing kabataan upang maging mga waitress, katulong at entertainer ng mga videoke bar. Sa ngayon, tinatayang umaabot na sa 2,000 ang kababaihang biktima ng prostitusyon na nasa Zamboanga.


"Ikalawang yugto ng digma"
Digmang agresyon ng US, pinag-iibayo ni Bush

Sa talumpati ni Bush nitong Marso 11, limang buwan matapos simulan ng US ang "digmang kontra-terorismo" nito, inilatag niya ang mga maniobra at plano ng imperyalismong US para sa "ikalawang yugto ng digmang kontra-terorismo". Kabilang dito ang papalawak na armadong interbensyon sa Afghanistan, papalawak na mga armadong panghihimasok sa maliliit na bansa na umano'y pinupugaran ng mga "terorista" tulad ng Pilipinas, Georgia at Yemen at ang mas masaklaw na digmaan laban sa pinaratangan niyang "Axis of Evil" (sentro ng kasamaan).

Apat na libong karagdagang sundalong Amerikano ang nakatakdang ipadala sa Afghanistan upang "lubusin" ang digmaan doon. Anim na buwan na ang nakalilipas ngunit wala pang litaw na tagumpay ang US laban kay Osama bin Laden at sa organisasyon niyang al Qaida. Nananatiling mabuway ang pampulitikang sitwasyon sa Afghanistan sa kabila ng pagkakapwesto ng bagong papet na pamahalaan doon. Lumalawak ang galit ng mamamayang Afghan sa patuloy na armadong panghihimasok ng US. Dulot ng mga operasyon ng mga espesyal na pwersang militar ng US at ng tumitinding armadong labanan sa hanay ng mga warlord na pumwesto sa estado poder, libu-libong mamamayang Afghan na ang namatay at milyun-milyon pa ang napilitang lumikas.

Nakatakda ring magpadala ng mga espesyal na pwersa ang US sa iba pang bahagi ng mundo, kabilang ang Yemen at Pankisi Gorge, Georgia, malapit sa hangganan nito sa Chechnya. Nakakubli rin ang mga operasyong ito sa "pagsasanay" sa lokal na reaksyunaryong hukbo laban sa lokal na grupong iniuugnay nito sa al Qaida.

Dagdag dito, naghahanda rin ang US para sa mas matagalan at masaklaw na digma laban sa tinagurian nitong "sentro ng kasamaan". Nababalitang magpapadala ang US ng 250,000 tropa sa Iraq upang pabagsakin ang rehimen ni Saddam Hussein. Nitong Marso, ipinadala ni Bush ang kanyang bise-presidente na si Richard Cheney sa Middle East upang ikampanya at brasuhin ang mga gubyerno roon na suportahan ang ibayong pang-uupat sa digma ng US. Gayunpaman, nagpahayag ng pagtutol at nagbabala ang mga bansang Arabo laban sa plano ng US.

Kaugnay nito, hiningi ni Adm. Dennis Blair, kumander ng US Pacific Command, ang karagdagang 5,000 tauhan para sa "digmang kontra-terorismo" ng US sa rehiyon. Hinihiling ni Blair ang karagdagang tauhan upang "mas epektibong mapangalagaan" ang mga panseguridad at pang-ekonomyang interes ng US sa rehiyon.

Macapagal-Arroyo, pinuri ni Bush

Sa parehong talumpati, pinuri ni Bush ang sukdulang pagkatuta ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa mga dikta at militaristang patakaran nito. Binigyang-pagtatangi ang tutang rehimen nang ipinahayag nitong "tiwala tayo (mga Amerikano) kay Presidente Arroyo na matapang na lumalaban sa banta ng terorismo".

Muli nitong binanggit ang pangako ng US na karagdagang pondo, kagamitan at pwersa para sa reaksyunaryong hukbo ng Pilipinas bilang premyo ng rehimen. Una rito, inaprubahan ng US ang paglalaan ng $19 milyon para sa modernisasyon ng AFP sa digma nito laban sa "terorismo". Pauna lamang ito sa $68 milyong ayudang militar na nakatakdang ibigay ng US sa loob ng limang taon. Naaprubahan na rin ang kahilingan ng Pilipinas para sa karagdagang eroplanong C-130, mga trak, barkong pampatrulya at ilang F-5E eroplanong pandigma.

5,000 nagmartsa patungong Clark

Limang libo ang nagmartsa nitong Marso 1 patungong Clark Air Base sa Angeles, Pampanga upang iprotesta ang paglulunsad ng Balikatan sa Basilan. Iginiit ng mga nagpoprotesta na pauwiin ang natitirang Amerikanong tropa na nasa Central Luzon. Ayon sa pahayag ng KMP, noong Pebrero 15 pa natapos ang Balance Piston, isang pagsasanay-militar na ginanap sa Central Luzon, ngunit hanggang Marso ay mayroon pa ring mga tropang Amerikano rito at katunaya'y sangkot pa ang mga ito sa regular na operasyong kombat. Ang martsa ay pinamunuan ng Bagong Alyansang Makabayan at Central Luzon Alliance for a Sovereign Philippines at nilahukan ng mga manggagawa at magsasaka mula sa Hilagang Luzon, Timog Katagalugan, Bikol at Metro Manila.

Mga protesta sa Kanlurang Mindanao

Simula noong Pebrero, sunud-sunod na naglunsad ng mga kilos-protesta ang iba't ibang sektor sa Kanlurang Mindanao laban sa Balikatan. Noong Pebrero 14, inilunsad ng mga progresibong organisasyon ang isang "rekoridang kontra-Balikatan" sa Misamis Occidental. Labing-isang bayan at tatlong syudad ang sinaklaw ng rekorida. Noong Pebrero 9 sa Iligan City, nanguna sa pagpoprotesta ang Bayan Muna, mga kaalyadong organisasyon at Islamic Movement for Electoral Reform and Good Government (IMERGG). Nang pormal na sinimulan ang Balikatan 02-1 noong Pebrero 1, naglunsad ang mga kabataan sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology ng protesta sa pamamagitan ng pagsisindi ng kandila sa loob ng eskwelahan. Nagkaroon din ng mga protesta sa Zamboanga at Basilan.

 


Previous articleBack to topNext article

Marso 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal: Pagkaisahin ang bayan laban sa pagkapapet, kalupitan at korapsyon ng rehimeng Macapagal-Arroyo!
Ilang malaking kaso ng korapsyon sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Umiigting at humahantong sa kaguluhan at karahasan ang alitan ng mga reaksyunaryo
Ang panunumbalik: Armadong panghihimasok ng imperyalismong US sa Pilipinas
Kababaihan laban sa Balikatan
Balik-tanaw sa Kasaysayan: Ang digmang agresyon ng US sa Mindanao(1899-1913)
Kampanyang psywar laban sa BHB, pakana ng CIA
Ang propagandang anti-BHB ng AFP
Paninira ng AFP, pinabulaanan ng BHB sa Abra
Mining Act of 1955, epektibong nilalabanan ng mamamayan
Pananalanta ng pasistang estado
Mga pasistang atake laban sa Bayan Muna
Mga salot sa Leyte, pinarusahan ng BHB
Usapang pangkapayapaan, isinaisantabi ng rehimeng Macapagal-Arroyo
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.