Balita
Central Luzon pinaralisa ng tigil-pasada
Paralisado ang transportasyon sa apat na prubinsya at limang lunsod sa Central Luzon nang matagumpay na ilunsad ng 110,000 drayber ng dyip at traysikel sa pamumuno ng Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang isang tigil-pasada nitong Nobyembre 8 para igiit ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law.
Hindi bumyahe ang 90% ng mga dyip at traysikel sa Pampanga, laluna sa Angeles City at City of San Fernando. Samantala, 98% namang paralisado ang transportasyon sa San Jose City sa Nueva Ecija at San Ildefonso at Malolos sa Bulacan. Sa Tarlac City at 17 bayan ng Tarlac, 90% ng 2,000 dyip at minibus ang hindi pumasada.
Pangalawang asembliya ng ILPS, idinaos
Matagumpay na nailunsad ng International League of Peoples Struggle (ILPS) ang pangalawang internasyunal na asembliya nito mula Nobyembre 11 hanggang 13 sa Eindhoven, The Netherlands. Dinaluhan ito ng 240 delegadong kumakatawan sa 136 organisasyon mula sa 33 bansa.
Nagkaroon ng mga buhay at bukas na mga diskusyon at debate kaugnay sa ilalabas na Pangkalahatang Deklarasyon ng asembliya. Naipasa nang walang tutol ang deklarasyon at sang-ayon ang lahat na naabot ang mas mataas na pagkakaisa sa pamamagitan ng debate.
Arafat, pinarangalan ng PKP
Nagpahayag ng pakikidalamhati ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mamamayang Palestino sa pagyao ni Yasser Arafat, tagapangulo ng Palestinian Liberation Organization (PLO) at presidente ng Palestine.
Ani Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng Partido, apat na dekadang nagpunyagi si Arafat para pagkaisahin ang mamamayang Palestino sa ilalim ng PLO, lumahok sa kanilang digmang gerilya, katawanin at ipagtanggol ang adhikain ng mga Palestino sa larangan ng pandaigdigang diplomasya at magsilbing simbolo at inspirasyon ng militanteng pakikibaka ng mamamayang Palestino para lumaya mula sa pananakop at pang-aapi ng US at Israel.
Sa pagpapatindi ng kanilang pakikibaka, patuloy ni Ka Roger, hahalaw ng inspirasyon ang mamamayang Palestino kay Arafat at sa alaala ng libu-libong martir na Palestino na magiting na nakipaglaban para makamit ang pangarap nilang mapalaya ang kanilang bansa.
Si Arafat ay namatay noong Nobyembre 11 sa isang ospital sa Paris, France sa edad na 75 anyos.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|