Palparan, naghahasik na ng pasistang dahas sa Eastern Visayas
Sinimulan na ni Maj. Gen. Jovito Palparan, katatalagang hepe ng 8th ID, ang paghahasik ng pasismo sa Eastern Visayas.
Ni wala pang tatlong linggo sa kanyang bagong katungkulan, bumwelo na si Palparan sa tangkang pagpatay sa Abuyog, Leyte noong Pebrero 18 kay Fr. Allan Caparro ng Iglesia Filipina Independiente at pangalawang tagapangulo ng Promotion of Church People�s Response (PCPR). Si Caparro at kanyang asawang si Aileen ay parehong sugatan matapos silang pagbabarilin ng tatlong lalaking lulan ng motorsiklo at armado ng mga kal .45 baril. Aktibong tinututulan ni Fr. Caparro ang malawakang pagmimina dahil sa pinsalang idudulot nito sa mamamayan ng rehiyon.
Nitong Marso 6, isang kumpanya ng 63rd IB kasabay ang isang armored personnel carrier ang pumwesto sa tapat ng mga upisina ng Bayan Muna-Northern Samar at Katungod-Eastern Visayas sa Catarman, Northern Samar para takutin ang mga aktibistang tumututol sa tumitinding militarisasyon sa Catubig at iba pang bayan ng Northern Samar. Nang magpunta sa Catarman si Congressman Teodoro Casi�o ng Bayan Muna para igiit ang pagpapaatras sa mga pwersa ng 63rd IB, binuntutan pa siya ng mga pwersang militar habang papauwi na siya sa Metro Manila.
Nito namang Marso 14, pinatay si Atty. Felideto Dacut, coordinator ng Bayan Muna para sa Eastern Visayas at abugadong nagtatanggol sa mga biktima ng karahasang militar sa rehiyon. Si Dacut ay kagagaling lamang sa upisina ng Bayan Muna nang pagbabarilin siya ng mga pinaghihinalaang militar sa Tacloban City. Siya rin ang bagong halal na tagapangulo ng Integrated Bar of the Philippines sa Samar.
Malinaw ang makahayop na rekord ni Palparan bilang upisyal ng iba�t ibang yunit ng Philippine Army na naitalaga sa iba�t iba ring rehiyon sa Pilipinas.
Bilang hepe ng 24th IB sa Central Luzon mula huling bahagi ng dekada 1980 hanggang 1991, sangkot si Palparan sa pagdukot at pagtortyur sa mga organisador ng mga magsasaka at iba pang aktibista, malawakang pang-aaresto at huwad na pagpapasuko. Sangkot din siya sa isang kaso ng pambobomba sa isang komunidad.
Noong 1992 naman, nang malipat siya sa Mountain Province, anim ang iligal na inaresto, lima ang hinaras, isa ang dinukot, isa ang sinalbeyds, isa ang nasugatan at dalawa ang naging kaso ng pwersahang pagpapalikas. Bilang pinuno ng Task Force Banahaw sa Rizal at Laguna, 61 paglabag sa karapatang-tao ang naitala sa Laguna noong 2001. Sa loob ng halos dalawang taon niyang pamumuno sa 204th Bde sa Oriental Mindoro mula 2001 hanggang 2003, umabot sa 27 mga aktibista ang pinatay nang walang kalaban-laban, kabilang na ang mga lider masa na sina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy.
Dahil dito, wala nang ibang pwedeng sisihin sa ibayong pagtindi ng pasistang karahasan sa Eastern Visayas kundi si Palparan, anang National Democratic Front (NDF) sa rehiyon.
Mismong ang tinaguriang �berdugo ng Mindoro� ang kumukumpirma sa gayong pagtingin. Sa kauna-unahan niyang pakikipanayam sa midya bilang hepe ng 8th ID nitong Marso 5, nagpahiwatig na si Palparan kung ano pa ang maaaring asahan sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Ipinagyabang niyang dudurugin niya ang lahat ng mga kalaban ng reaksyunaryong gubyerno�kapwa ang mga �armadong kaaway ng estado� at mga �nang-uupat (ng gulo)� (agitators)�sa loob lamang ng anim na buwan. Ipinahayag din niya ang pagsang-ayon sa panukala ng AFP na parusahan ang mga kagawad ng midya na nakikipanayam sa mga binansagang terorista.
Lumabas mismo sa bibig ni Palparan na hindi niya pinag-iiba ang mga armado at di armadong pwersa, mga sibilyan at kombatant, mga kumikilos nang hayag at lihim. Para sa rehimeng US-Arroyo, huwaran si Palparan sa lantarang pasistang terorismo at panunupil na nais nitong pairalin.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|