Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Balita

 Read this article in English

12 armas nasamsam ng BHB sa mga labanan sa Agusan at Zamboanga

LABINDALAWANG armas ang nakumpiska ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) mula sa dalawang magkahiwalay na labanan sa Agusan del Sur at Zamboanga del Sur nitong Agosto 5.

Sa Agusan del Sur, walong armas ang nakumpiska at di bababa sa walong sundalo ang napatay at 13 ang nasugatan nang magsagupaan ang BHB at mga elemento ng umaatakeng 1st at 2nd Reconnaissance Coy ng 4th ID sa Sityo Manawang, Barangay Guinabsan, Buenavista. Sa isang pahayag, pinabulaanan ni Cesar Renerio, tagapagsalita ng NDF-Northcentral Mindanao, ang ulat ng kaaway sa midya na limang sundalo ang napatay at napakaraming patay at sugatan sa panig ng BHB. Isang gerilya ang namartir sa isang oras na labanan, ani Renerio.

Sa Zamboanga del Sur, nireyd rin ng BHB ang isang detatsment ng Philippine National Police sa Barangay Boyugan West, Kumalarang. Nalansi ang mga pulis sa detatsment dahil nakasuot ng mga unipormeng militar at crew cut ang gupit ng mga Pulang mandirigma nang pasukin nila ang outpost. Nakumpiska ang dalawang M16 at dalawang pistolang 9 mm mula sa mga pulis.

"Balance Piston," kinundena

KINUNDENA ni Rafael Mariano, party-list representative ng Anakpawis ang "Balance Piston" at anumang pagtigil sa Pilipinas ng mga tropang US bilang "kongkretong paglabag sa pambansang soberanya." Ang "Balance Piston," isang joint RP-US war exercise na nilalahukan ng 200 tropa (50 Amerikano at 150 Pilipino) ay kasalukuyang inilulunsad sa Carmen, North Cotabato. Sinimulan ito noong huling linggo ng Hulyo at matatapos sa huling linggo ng Agosto.

Ayon kay Mariano, ang Pilipinas ay nagmimistulang base militar ng US na sumeserbisyo sa mga digmang agresyon ng US at nagsisilbing tanghalan ng lakas pampulitika at pangmilitar ng US sa rehiyon ng Asia-Pacific.

Sa kaugnay na balita, naglunsad ng kilos-protesta sa Cotabato City noong Hulyo 28 ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Moro-Christian People's Alliance (MCPA), United Youth of the Philippines (UYP) at Federation of Overseas Filipino Workers (OFW) in Maguindanao and Cotabato City laban sa "Balance Piston." Naigiit nila ang karapatan nilang maglunsad ng kilos-protesta sa kabila ng matinding harasment ng militar at pulisya.

Ayon sa mga demonstrador, ang mga pagsasanay tulad ng "Balance Piston" ay magreresulta sa walang pakundangang pag-aaresto sa mamamayang Moro at magsasapanganib sa kanilang buhay. Tinukoy ng mga raliyista ang pagkamatay kamakailan ni Arzeed Baharon, 19, isang residente ng Barangay San Roque, Zamboanga City na tinamaan ng bala ng mga tropang Amerikanong kalahok sa live firing exercises na ginanap sa syudad, kasama ng mga elemento ng Philippine Marines.

RSOT sa Ilocos Sur, pinalalayas

MULING iginiit ng Ilocos Human Rights Alliance (IHRA) nitong huling linggo ng Hulyo ang pagpapalayas sa Reengineered Special Operations Team (RSOT) ng AFP mula sa Cabugao, Sinait at Santa Lucia sa Ilocos Sur, dahil sa mga kaso ng pang-aabuso nito sa mamamayan sa naturang mga lugar. Kasabay nito, kinundena ni Pastor Jerry Arzadon, pangkalahatang kalihim ng IHRA, si Col. Roberto Almadin, kumander ng 50th IB na nangangasiwa sa naturang RSOT, dahil sa kawalang aksyon nito sa mga reklamong idinulog sa kanya noon pang Abril 12.

Lima sa mga biktima ang lumantad sa masmidya at nagsalaysay ng mga pang-aabusong naranasan nila sa militar.

Binatikos nina Alex Tan at Rolly Marato, kapwa mga magsasakang taga-Santa Lucia, ang pagkakalista ng RSOT sa kanila bilang mga kasapi ng BHB pagkatapos salakayin ng mga Pulang mandirigma ang munisipyo ng Santa Lucia noong Setyembre 15, 2003. Iligal na hinalughog naman ng mga sundalo ang mga bahay nina Luzviminda Igne at Gloria Ibay, na kapwa taga-Baracbac, Sinait, dahil sa umano'y kuneksyon nila sa BHB. Inireklamo rin ni Roland Ibarra ng Quibit-Quibit, Sinait ang mahigpit na pagmamanman sa kanya ng militar dahil sa hinala na siya ay kasapi ng BHB.

Pamamaslang sa mga mamamahayag, kinundena

Mariing kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang magkasunod na pagpatay sa mga mamamahayag nitong unang linggo ng Agosto.

Sa isang pahayag, sinabi ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, tapagsalita ng PKP, na ang mga pamamaslang ay nagdidiin sa malaking peligro na kinakaharap ng mga mamamahayag, laluna yaong mga naglalantad sa korapsyon at terorismo ng mga reaksyunaryong pulitiko, mga warlord at mga upisyal militar.

Kinundena rin ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP)-Iloilo Chapter ang pagpatay sa mga mamamahayag. Sa isang pagtitipon sa Iloilo City nitong Agosto 6, nagsuot ang mga myembro ng NUJP-Iloilo ng mga itim na T-shirt at armband at nagsindi ng mga kandila sa tapat ng kapitolyo ng prubinsya para ipahayag ang kanilang pagpoprotesta sa karahasan laban sa mga mamamahayag at ipaabot ang kanilang pakikidalamhati sa mga biktima.

Pinakahuling kaso ang pagpatay sa Bauan, Batangas nitong Agosto 5 kay Arnel Manalo, koresponsal ng dzRH sa Batangas at ng pahayagang Bulgar. Bago ito, pinatay din noong Agosto 1 si Roger Mariano, brodkaster ng dzJC-Aksyon Radyo sa Ilocos Norte.

Samantala, sa Cebu City, nakaligtas sa kamatayan ang tatlong brodkaster ng El Nuevo-Bantay Radyo na tinambangan sa sinasakyan nilang dyip nitong Agosto 5 ng gabi.

Mga residente ng Zamboanga, tutol sa pagmimina

TUTOL ang mga residente ng Midsalip, Zamboanga del Sur sa planong pagbubukas ng minahan sa kanilang bayan dahil sa pangamba na matulad ito sa iba pang lugar sa Zamboanga Peninsula na nagkaproblema sa polusyon at dislokasyon ng mamamayan.

Ayon sa Tumaud Pusaka Subaanen dig Midsalip (Tupusumi), isang organisasyon ng mga mamamayang Subanen sa Midsalip, at sa multisektoral na Katawhan sa Midsalip Supak sa Mina (Kamisumi), nagkaroon ng malawakang mercury poisoning sa bayan ng Sibutad, Zamboanga del Norte at napilitang lumikas ang libu-libong pamilyang Subanen mula sa Barangay Cabanatuan sa Siocon, sa pareho ring prubinsya, dahil sa operasyon ng Philex Mining Corporation, isang kumpanyang Australian.

May aplikasyon ngayon ang Geotechnics and Mines Inc. (GMI) para magmina ng ginto, pilak at chromite sa limang barangay ng Midsalip na dati nang idineklara ng DENR na watershed areas. Pinagkukunan ito ng inuming tubig, tubig pang-irigasyon at isda at nagbibigay-proteksyon laban sa baha. Ayon sa mga taga-Midsalip, ang pagmimina sa mga lugar na ito ay makasisira sa buhay at kabuhayan ng mamamayan di lamang sa Zamboanga del Norte kundi sa Zamboanga del Sur at Zamboanga Sibuguey.

Isang rali-protesta ang pinamunuan ng Tupusumi at Kamisumi noong Hulyo 14 laban sa planong pagmimina ng GMI.

Tahanan ni Kongresman Virador ng Bayan Muna, nireyd

HINALUGHOG ng mga pinaghihinalaang elemento ng Military Intelligence Group (MIG) nang walang mandamyento para sa pagrerekisa ang bahay ni Kongresman Joel Virador sa Barangay Matina, Davao City noong Hulyo 14, alas-9 ng umaga. Tinangay ng raiding team ang iba't ibang dokumento, mga personal na pag-aari at salapi. Si Virador, na nasa Maynila nang mangyari ang insidente, ay dating upisyal ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa Southern Mindanao at isa sa mga kinatawan ng Bayan Muna sa kongreso. Kasabay na nilusob ang katabing upisina ng BAYAN-Southern Mindanao.

Mariing kinundena ni Virador ang iligal na reyd sa kanyang pamamahay. Aniya, "Kung kaya nilang gawin ito sa akin, mas lalo na sa ordinaryong mamamayan." Magsasampa rin ng resolusyon ang Bayan Muna sa kongreso upang maimbestigahan ang insidente.

AFP, hindi inabswelto ni Gracia Burnham

TALIWAS sa ipinalalabas ng Department of Justice (DOJ), walang anumang testimonya sa korte si Gracia Burnham na bumawi sa isiniwalat niya noong 2003 tungkol sa sabwatan at hatian sa ransom ng AFP at ng bandidong Abu Sayyaf. Isiniwalat ito ni Burnham noong isang taon sa libro niyang In the Presence of My Enemies batay sa mga nasaksihan niya noong bihag siya ng Abu Sayyaf mula 2001 hanggang 2002. Bumalik siya sa Pilipinas nitong Agosto upang tumestigo laban sa ilang elemento ng Abu Sayyaf na nililitis sa korte.

Inulan ng batikos ang DOJ nang mapabulaanan ng mga bidyo at rekord ng testimonya ni Burnham sa korte ang ibinalita ng DOJ na pagbawi umano ni Burnham sa kanyang mga isiniwalat.

 


Previous articleBack to top 

07 Agosto 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Dagdag na mga pahirap sa bayan

Korapsyon, pagwawaldas at maling mga prayoridad ang tunay na nasa likod ng dambuhalang depisit sa pambansang badyet ng gubyerno
Karagdagang buwis sa langis, ipapapasan sa mamamayan
Alyansa laban sa pagtataas ng buwis, binuo sa kongreso
10 hakbangin sa pagbubuwis ng rehimeng Arroyo
Mga ulat koresponsal:
Panibagong lakas ng armadong pakikibaka sa Negros

Bigong pagsalakay sa kampo ng BHB
CPLA at AFP, magkakumpitensya sa iligal na pagtotroso sa Apayao
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.