Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Isa pang taong krisis at paghihirap...
Paghuhubad sa lumalagong estadistika ng gubyerno

Sa loob ng isang taon, mabilis na nalantad ang kahungkagan ng islogang "Erap para sa Mahirap". Sa halip na pag-ahon mula sa kahirapan, sagad-sagarang pagpapahirap sa mamamayan ang dala ng gubyernong Estrada. Pinatutunayan ni Estrada na siya'y matapat na utusan ng imperyalismo at ng mga lokal na mapagsamantalang uri. Ang lalong mas malalim na paghihirap at matinding pang-aapi sa mga manggagawa at magsasaka ang pinakamatalas na naglalarawan ng tunay na kalagayan ng bansa. Hindi ito mapasusubalian ng mga dinuduktor na estadistika at mga mapanghambog na pahayag na nangangako ng maaliwalas na kinabukasan para sa Pilipinas.

Lumago umano ang Gross National Product (GNP) nang 2% at ang Gross Domestic Product (GDP)1 nang 1.2% sa unang tatlong buwan ng 1999. Sa inilabas na ulat ng National Statistical Coordination Board (NSCB) nitong Mayo, nagpipinta ang gubyernong Estrada ng magandang larawan ng ekonomya. Anito, ipinapahiwatig ng mga "paglagong" ito ang "maaliwalas" na kinabukasan ng ekonomya ng Pilipinas at ang katapusan ng krisis na nagsimula noong kalagitnaan ng 1997.

Ngunit kung mas masinop na pag-aaralan ang mismong mga datos ng NSCB, makikitang tahasang nagsisinungaling ang gubyerno tungkol sa tunay na kalagayan ng ekonomya. Pinagtatakpan ang katunaya'y nagpapatuloy na krisis na kinatatampukan ng lahatang-panig na pagbagsak ng produksyon at antas ng kabuhayan ng mamamayan.

Ang tinukoy na pinakamalaking salik sa likod ng "paglagong" ito ay ang "muling pagbangon" ng sektor ng agrikultura na nagrehistro raw ng 2.5% pag-unlad. Ngunit hindi binabanggit na ang pinagsisimulan ng "pag-unlad" na ito ay ang mahigit 6.5% pagbagsak ng sektor ng agrikultura mula 1997 hanggang 1998. Katunayan, kung kukwentahin sa aktwal na dami ng produksyon, mas mababa pa rin nang 1.5% ang produksyong agrikultural sa unang kwarto ng 1999 kumpara sa unang kwarto ng 1997. Kinakaligtaan nitong sabihin na ang programa ni Estrada sa seguridad sa pagkain ay nakatali sa importasyon ng palay at iba pang produktong agrikultural.

Tinukoy ding salik sa "paglago" ng ekonomya ang paglaki ng halaga ng ipinasok na dolyar ng mga migranteng manggagawang Pilipino. Sa unang kwarto ng 1999 ay P48.4 bilyon ang kanilang kabuuang ipinasok; mas malaki ito nang 11.5% kaysa sa noong unang kwarto ng 1998. Sadyang katawa-tawa ang paggamit dito bilang batayan ng "paglago". Habang totoo na ang ipinapasok na dolyar ng mga migranteng manggagawa ay nakatutulong upang mapaganda ang pagkukwenta ng gubyerno, wala itong katumbas na dagdag sa lokal na produksyon. Katunayan, ang paglaki ng mga remitans ay indikasyon ng ibayong pagkalugmok sa krisis ng lokal na ekonomya ng Pilipinas. Pinatutunayan lamang nito ang pagbagsak ng produksyon at kakulangan ng oportunidad upang makapaghanapbuhay.

Ang totoo, ayon sa Board of Investments, ay dumausdos nang 71% ang inirehistrong bagong pamumuhunan sa unang tatlong buwan ng 1999 kumpara sa unang kwarto ng nakaraang taon. Sa panahon ding ito, kumitid nang 1.9% ang lokal na produksyong industriyal, ayon sa NSCB, na sinasalamin ng pagbagsak nang 14.4% ng pamumuhunan sa matitibay na kagamitan o makinarya.

Ang pagbagsak ng lokal na produksyong industriyal ay sinasalamin din ng pag-impis ng panlabas na kalakalan (foreign trade) ng Pilipinas. Iniulat ng National Statistics Office na mula Hulyo 1998 hanggang Marso 1999 ay nagtala ng positibong balanse ang Pilipinas sa kalakalang panlabas at tinatayang magrerehistro ng $733 milyong sarplus sa kalakalan sa taong ito. Gayunpaman, hindi ito indikasyon ng pagsigla ng lokal na produksyon at pag-eeksport ng lokal na yaring kalakal.

Katunayan, resulta lamang ito ng pagbagsak nang 21% ng importasyon kabilang na ang pagbagsak nang 26.3% ng inaangkat na mga kagamitang pangtelekomunikasyon at 13.1% naman ng mga makinaryang pangindustriya. Wala itong ibang isinasaad kundi ang pagbagsak ng produksyong nakasalig sa mga inaangkat na kagamitan at materyales. Kasabay ng pagliit ng importasyon ay ang pagliit ng eksport na karaniwan ay 90% nakaasa sa mga imported na kagamitan at materyales. Ang pag-eksport ng Pilipinas ng mga semiconductor, ang numero uno nitong produktong iniluluwas, ay bumagsak nang 4.5% sa unang kwarto ng 1999.

Inaamin din ng mga ulat ng NEDA na nakakaahon na lamang ang ekonomya ng Pilipinas bunga ng todo-todong paggastos ng gubyerno upang mag-udyok ng aktibidad sa ekonomya at lumikha ng empleyo. Ngunit, nagbubunga ito ng ibayong paglaki ng depisito sa badyet ng gubyerno. Noong nakaraang taon, umabot sa mahigit P45 bilyon ang depisito ng gubyerno. Nitong unang tatlong buwan pa lamang ng 1999, umabot na ito sa P33.4 bilyon. Inaasahang aabot ito ng P80-90 bilyon pagkatapos ng 1999, lagpas nang 33% sa orihinal na target na P68.4 bilyon.

Upang tustusan ang inaasahang malaking depisito ng gubyerno, nagkukumahog itong makakuha ng bagong mga dayuhang pautang mula sa International Monetary Fund (IMF) at sa bansang Hapon. Kaugnay nito, matamang ipinatutupad ni Estrada ang mga utos ng IMF at World Trade Organization at inilalarga nang husto ang liberalisasyon, kabilang na ang pagbabaklas ng taripa sa pag-aangkat ng bigas at iba pang produktong agrikultural at mga buong sasakyan, pati na ang pagpapahintulot sa mga dayuhang bangko na bilhin ang 100% ng mga lokal na bangkong komersyal. Ang planong baguhin ang konstitusyon ay nakatuon pangunahin sa pagbabaklas ng anumang naiiwang proteksyon para sa pambansang kasarinlan at patrimonya.

Balak din ng rehimen na magpataw ng mga karagdagang pahirap sa mamamayan kabilang na ang mga bagong buwis katulad ng road users' tax (pagtataas ng buwis sa pagrerehistro ng mga sasakyan). Gayundin, minamadali nito ang pagbebenta ng mga mangilan-ngilan na lamang na mga pag-aari ng gubyerno, tulad ng Philippine Associated Smelting and Refinery Corporation (PASAR). Samakatwid, ang "paglago" na ipinangangalandakan ng gubyernong Estrada ay walang iba kundi mga pintig ng naghihingalong ekonomya. Ang mga tinukoy na salik sa likod ng "paglago" ay hindi nagpapahiwatig ng pagtatag ng ekonomya ng Pilipinas. Bagkus, pinatitingkad ng mismong mga salik na ito ang pananatili ng mga pundamental na depekto ng ekonomya ng Pilipinas na nagdudulot ng krisis at magbabaon sa bansa sa mas malalim pang krisis.

Tinatarget ng gubyernong Estrada na "lalago" nang 2.6% ang ekonomya sa kabuuan ng 1999. Mangyari man ito, walang dapat ipagdiwang ang mamamayang Pilipino habang nakatuon ang programa sa ekonomya sa pag-akit ng mga dayuhang mamumuhunan at pautang, at habang nakabatay ito sa pagsasamantala sa mga manggagawa at magsasaka.


(1)Ang GDP ay sumusukat sa kabuuang taunang halaga ng mga produktong nilikha at serbisyong iginawad sa loob ng bansa; upang kwentahin ang GNP, idinadagdag dito ang mga remitans ng mga migranteng manggagawa pati na ang pondong nagmumula sa mga dayuhang bangko at institusyon sa pinansya. Karaniwang ginagamit ang mga datos na ito, laluna ang GNP, upang pagtakpan ang saligang agraryo, atrasado at di industriyalisadong katangian ng ekonomya ng Pilipinas.[Back]

 


Previous articleBack to topNext article

00 Mayo 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Pagkaisahin ang mamamayan, labanan at gapiin ang pasistang kampanya ng rehimeng Estrada!

Desisyon na pormal na kilanlin ang de facto nang terminasyon ng gubyernong Estrada sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP
Taktikal na opensiba ng BHB laban sa panrehiyong kampo ng pulisya sa Bohol:
84 na armas, nasamsam ng BHB

Mga Pahayag
Patraydor na pag-aresto kay Vicente Ladlad, kinundena ng PKP
Isa pang taong krisis at paghihirap...
Paghuhubad sa lumalagong estadistika ng gubyerno
Isa pang taong krisis at paghihirap...
Pagsusuri sa ekonomya: lagpas sa usapin ng estadistika

Isa pang taong krisis at paghihirap...
Ipaglaban ang kagalingang pang-ekonomya ng mamamayan!

Bangayang Lastimoso-Lacson:
Away ng mga sindikatong kriminal sa PNP

Ang maralitang-lunsod:
Lugmok sa kahirapan

Laban ng maralitang-lunsod, laban ng uring manggagawa
Kalayaan ng mamamayang Timores:
Patuloy ang laban sa East Timor

Sumusulong:
Sa Cagayan-Apayao

Sumusulong:
Sa Silangang Kabisayaan

Ubos kayang labanan ang VFA!
Pahayag hinggil sa Visiting Forces Agreement
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.