Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

RHB: kriminal at kontra-rebolusyonaryo

 Read this article in English

Patuloy na nalalantad ang kabulukan ng bandido, lagalag at kontra-rebolusyonaryong grupong "Rebolusyonaryong Hukbong Bayan" (RHB).

Taong 1997 nang itiwalag sa Partido ang ilang ayaw magwasto, paksyunalista at oportunistang taksil sa Gitnang Luzon. Ang ilang mga elementong ito ang bumuo sa rebisyunista at isplitistang "Marxista-Leninistang Partido ng Pilipinas" (MLPP) na siyang bumuo at namumuno sa armadong grupong RHB.

Sa umpisa, kumilos ang RHB sa ilang mga bayan sa mga prubinsya ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales. Nanyutralisa na ang karamihan sa mga dati nilang kinikilusan at may ilang tauhan na lamang sa Bataan at Zambales. Bunga ng pagtugis at paglalantad ng BHB sa RHB sa Gitnang Luzon at ng pagliit ng nakikilusan nilang mga lugar dito, pinasok nila ang ilang mga barangay sa mga bayan ng General Nakar, Polilio, Infanta at Real sa hilagang Quezon; at ilang mga barangay sa Dingalan, Aurora.

Ang pagkilos ng RHB sa hangganang Aurora-hilagang Quezon ay pinamumunuan at pinangangasiwaan ni Miel "Amanda" Laurenaria. Siya ay pinatalsik na Kalihim ng Komiteng Rehiyon sa Timog Katagalugan at isa sa mga pangunahing responsable sa Operation Missing Link (OPML) noong 1988. Ang OPML ang pinamunuan niyang hibang na operasyon ng paniniktik, pag-aresto, pagtortyur at pagpatay sa maraming kadre at kasapi ng Partido, Pulang kumander at mandirigma at aktibistang masa sa Timog Katagalugan sa walang batayang mga paratang at suspetsang mga ahente sila ng kaaway. Dahil sa kanyang pagpapasimuno at pagmamatigas sa OPML, ginawaran siya ng aksyong pandisiplina. Hanggang nang itiwalag siya sa Partido bunga ng pagsanib niya sa MLPP at RHB ay ipinagmamatigas niyang wasto ang OPML.

Dahil mga dating kasapi ng Bagong Hukbong Bayan, sa simula madaling nakalalapit sa masa ang ilang mga elemento ng RHB. Buong kasinungalingang inilalako nila ang sarili bilang "tunay na hukbong bayan". Kapag nakukuha na nila ang simpatya ng masa, desperado silang nagpapakalat ng mga imbentong kwento, intriga at paninira laban sa Partido, BHB at buong rebolusyonaryong kilusan. Upang makumbinsing lumipat sa kanila ang mga naguguluhang pwersa, pinangangakuan sila ng suportang pinansyal.

Subalit habang lumalaon, nalalantad ang pagiging reaksyunaryo ng RHB at humahaba ang listahan ng mga kontra-rebolusyonaryong karahasan at paglabag nila sa karapatang-tao ng mamamayan.

Kakutsaba at inaarmasan ng AFP at PNP ang RHB. Direktang lumalahok at nagsisilbing giya ang bandidong grupong ito sa mga operasyon ng kaaway laban sa BHB at mga rebolusyonaryong baseng masa. Nagpapagamit ito sa militar sa paniniktik sa BHB at tumatanggap ng pabuya kapalit ng impormasyon. Humantong sa mga pag-atake ng kaaway at pagkasawi ng ilang mga kasama ang pakikipagkutsabahan ng RHB sa kaaway. Maraming insidente na kapag may operasyon ang militar, sa halip na umiwas ang RHB ay pumupwesto pa ito malapit sa pasukan at labasan ng kaaway.

Bukod sa pakikipag-ugnayan sa militar, nagsisilbi rin ang RHB bilang private army ng ilang reaksyunaryong pulitiko at mga taong tulad ng jueteng lord na si Bong Pineda. Bukod sa pagiging mga bayarang mamamatay-tao, kabilang sa kanilang mga gawain ang pagnanakaw, pangingikil at kidnap-for-ransom.

May mga naganap nang pag-uusap sa pagitan ng militar at ng RHB tungkol sa integrasyon ng huli sa CAFGU.

Dahil sa mga krimen ng RHB, inaani nito ang galit ng masang kanilang binibiktima. Sinasabotahe ng RHB ang mga organisasyong masa at mga kampanyang masa, tulad ng paglulunsad ng rebolusyong agraryo.

Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga pinakahuling naitalang krimen ng RHB laban sa mamamayan ng Pampanga.

Pebrero 5 at 6, 2001, Barangay San Roque, Sta. Ana. Panghaharas at pananakot ng armadong mga kasapi ng RHB kina Jesus Pangan, Jose Roxas at Benjamin Macapinlac, mga myembro ng Aguman dareng Maglalautang Capampangan (AMC), sa kani-kanilang mga tahanan.

Enero 29, 2001, Barangay Sto. Rosario, Mexico. Pambubugbog at pagpatay kay Orlando "Tang Otning" Panlilio, 56, tagapagkoordina ng STOP-Land Use Conversion sa Pampanga (STOP-LUC). Matapos siyang pagbabarilin, buhay pa siyang pinagtataga ng mga bandido.

Enero 27, 2001, Barangay San Roque, Sta. Ana. Pagkubkob ng 16 na kalalakihang mula sa pinagsanib na grupo ng RHB at RGA sa bahay ni Tatang Teryo Dizon. Ang RGA ("Rebolusyonaryong Gerilya ng Arayat") ay isang pangkat ng mga sumuko at bumaligtad na dating mandirigma ng BHB. Nagsisilbi ito ngayong pwersang panseguridad ng Pampanga Delta Development Project, kaya tinatawag rin itong "Delta Gang". Karaniwang gawi nila ang pangingikil sa mga subkontraktor sa proyekto.

Enero 6, 2001, Barangay San Antonio, Mexico. Pagpatay kay Eric Canlas, 24. Si Canlas ay volunteer worker ng upisina ng Department of Social Work and Development (DSWD) sa lokalidad at ng Fire Brigade sa Mexico. Myembro rin siya ng Pacific Radio Communication.

Enero 2001. Pagkubkob ng 30 armadong elemento ng RHB sa tahanan ni Tatang Primo Guarin, tagapangulo ng AMC. Sa kabiguang makuha si Tatang Primo, sumigaw na lamang ang RHB ng "Tatang Primo, binibigyan ka namin ng dalawang araw para umalis ng Pampanga!"

Disyembre 2000. Pagdukot kay Fred Lacanlale, kasapi ng AMC, at sapilitang pagpapasumpang hindi na siya "makikialam sa organisasyon ng mga magsasaka" sa kanilang baryo.

Disyembre 18, 2000, sa tapat ng San Lorenzo Elementary School sa Mexico. Pagpaslang kina Jesie Bagtas, 37, at kay Noel dela Cruz, 30, parehong kasapi ng AMC at residente ng Barangay San Nicolas, Mexico.

Oktubre 2000, Barangay San Agustin, Sta. Ana. Bantang pagpatay kay Javier Mallari, pangalawang tagapangulo ng AMC Chapter ng Sta.Ana, kapag hindi siya tumigil sa pag-oorganisa.

Setyembre 1999. Sapilitang pagpasok ng 10 elemento ng RHB sa tahanan ni Linda Cayanan, Secretary-General ng AMC. Nagbanta silang papatayin si Cayanan kung hindi ito titigil sa pag-oorganisa ng mga magsasaka sa Mexico. Limang tahanan din ng mga kasapi ng AMC ang kinubkob sa Barangay San Nicolas, Mexico.

Katulad ng iba pang humiwalay at nagtangkang pabagsakin ang rebolusyonaryong kilusan, mabubulok sa kangkungan ng kasaysayan ang MLPP-RHB dahil sa anti-mamamayan at kontra-rebolusyonaryong mga gawain nito. Sa kabila ng tiyak nitong patutunguhan, kailangang mapabilis ang pagkawasak nito upang maiwasan ang pinsalang idudulot nito sa masa at sa rebolusyonaryong kilusan. Ang inilunsad na matatagumpay na taktikal na opensiba ng BHB laban sa RHB ay nagdulot ng pinsala sa kriminal na grupong ito. Ang ganitong mga aksyon, kasabay ng kilusang masang patuloy na maglalantad sa kanilang kontra-rebolusyonaryong katangian ang dudurog sa MLPP-RHB.

 


Previous articleBack to topNext article

Setyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Kundenahin at labanan ang teroristang gerang pananalakay ng imperyalismong US

Mga teroristang krimen ng US at mga pasistang papet nito
Bulnerabilidad ng imperialistang ekonomya, tumambad sa pag-atake sa US
Estratehikong imperyalistang interes sa Afghanistan
Pagsangkalan sa gerang agresyon ng US:
Tumitinding reaksyon sa Pilipinas at ibayong dagat

Mga Ulat Koresponsal:
Kumperensya sa gawing Iloko: Mahalagang breyktru sa pagkakaisa sa pagsusulat at pagsasalin sa Iloko

Mga Ulat Koresponsal:
Masigla, mabilisan at epektibong pagkilos ng masa sa sonang gerilya

Mga Ulat Koresponsal:
Ang pagkilos ng Force Recon Battalion ng Philippine Marines

RHB: kriminal at kontra-rebolusyonaryo
CPLA isinanib na sa AFP
Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.